8

1 Pero hindi kinaligtaan ng Diyos ang tungkol kay Noe o sa lahat ng uri ng mababangis at maaamong mga hayop na kasama niya sa loob ng barko. Kaya isang araw nagpadala ang Diyos ng hangin upang hipan ang mundo at nagsimulang humupa ang tubig. 2 Itinigil ng Diyos ang biglaang paglabas ng tubig na nasa ilalim ng lupa at sinara niya ang daluyan ng baha mula sa langit kaya huminto ang pag-ulan. 3 Dahan-dahang humupa ang tubig sa mundo. Makalipas ang isang daan at limampung araw na baha, marami na’ng tubig ang nawala. 4 Sa ikalabimpitong araw ng ika pitong buwan, dumaong ang malaking bangka sa isa sa mga bundok sa rehiyon ng Ararat. 5 Patuloy na humupa ang tubig hanggang sa unang araw ng ikasampung buwan ng taong iyon, nakikita na ang mga tuktok ng ibang mga bundok. 6 Makalipas ang apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana na kanyang ginawa sa gilid ng malaking bangka at pinalabas ng isang uwak. 7 Lumipad ang uwak ng pabalik-balik na paparoon at magmumula sa malaking bangka hanggang sa natuyo ang tubig mula sa ibabaw ng lupa. 8 Pagkatapos nagpalabas si Noe ng isang kalapati upang malaman kung humupa na ang tubig mula sa ibabaw ng lupa. 9 Pero hindi nakahanap ang kalapati ng lugar na mapagdadapuan, kaya lumipad ito pabalik kay Noe sa malaking bangka dahil may tubig pa rin sa lahat ng dako ng ibabaw ng lupa. Kaya iniabot ni Noe ang kanyang kamay at kinuha ang kalapati pabalik sa loob ng barko. 10 Naghintay si Noe ng pito pang mga araw. Pagkatapos nagpalabas siya muli ng kalapati sa malaking bangka. 11 Sa pagkakataong ito bumalik sa kanya ang kalapati kinagabihan at sa hindi inaasahan, mayroon sa tuka nitong kapipitas na dahon mula sa kahoy na olibo. Pagkatapos nalaman ni Noe na totoong humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa. 12 Naghintay muli si Noe ng pitong araw. Pagkatapos nagpalipad siyang muli ng kalapati, pero sa pagkakataong ito, hindi na ito bumalik sa kanya. 13 Si Noe ngayon ay nasa 601 taong gulang. Sa unang araw ng unang buwan ng taong iyon, ganap nang natuyo ang tubig sa lupa. Inalis ni Noe ang takip sa ibabaw ng barko at nagulat siya nang nakita na natutuyo na ang ibabaw ng lupa. 14 Sa ika-dalawampu't pitong araw ng kasunod na buwan, ganap nang tuyo ang lupa. 15 Pagkatapos sinabi ng Diyos kay Noe, 16 "Lumabas ka sa malaking bangka, kasama ang iyong asawa, iyong mga anak na lalaki at ang kanilang mga asawa. 17 Ilabas mo rin ang lahat ng mga ibon, ang maaamong mga hayop, at lahat ng mga uri ng nilalang na gumagapang sa lupa, upang kumalat ang mga ito sa lahat ng dako ng mundo at maging napakarami." 18 Kaya lumabas si Noe sa malaking bangka, kasama ang kanyang asawa, kanyang mga anak na lalaki at kanilang mga asawa. 19 Pagkatapos lahat ng mga nilalang, kasali ang lahat ng mga gumagapang sa lupa, lahat ng mga ibon at bawat hayop na gumagalaw sa mundo, iniwan ang malaking bangka. Pangkat-pangkat na umalis ang mga ito sa malaking bangka ayon sa kani-kanilang uri. 20 Pagkatapos, gumawa si Noe ng altar para kay Yahweh, kumuha siya ng ilan sa mga hayop at mga ibon na maaaring tanggapin bilang mga alay at pinatay ang mga ito. Pagkatapos sinunog niya ang mga ito ng buo sa ibabaw ng altar. 21 Nang naamoy ni Yaweh ang kaaya-ayang samyo, nalugod siya sa alay. Pagkatapos sinabi niya sa kanyang sarili, "Hindi ko na kailanman muling lilipulin ang bawat bagay sa mundo dahil sa makasalanang bagay na ginawa ng mga tao. Kahit na ang lahat ng mga tao ay mayroong masamang pag-iisip sa mula sa kanilang pagkabata, hindi ko na muling lilipulin lahat ng nabubuhay na mga nilalang na gaya ng ginawa ko ngayon. 22 Hangga't nariyan ang mundo, ang panahon para sa pagtatanim ng buto at panahon para sa pag-aani ng pananim, ang panahon ng taglamig at panahon ng tag-init, ang tagtuyo at tag-ulan, ang araw at gabi ay magpapatuloy."