7

1 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Noe, "Nakita ko mula sa lahat ng mga tao na namumuhay ngayon, tanging ikaw lamang ang laging kumikilos ng matuwid. Kaya gusto ko na pumasok ka at ang lahat ng iyong pamilya sa malaking bangka. 2 Magdala ka ng pitong pares ng bawat uri ng hayop na aking sinabi na tatanggapin ko na mga alay. Magdala ka ng pitong mga lalaki at pitong mga babae. Gayundin magdala ka ng isang lalaki at isang babae mula sa bawat uri ng hayop na aking sinabi na hindi ko tatanggapin na mga alay. 3 Gayundin magdala ka ng pitong pares ng bawat uri ng ibon upang mapanatiling buhay ang kanilang susunod na mga lahi ng ibon sa buong mundo. 4 Gawin mo ito dahil pitong araw mula ngayon magpapaulan ako sa buong mundo. Patuloy na uulan sa loob ng apatnapung araw at gabi. Sa paraang ito, Lilipulin ko ang lahat ng bagay na aking nilikha sa mundo." 5 Ginawa ni Noe ang lahat ng bagay na sinabi ni Yahweh sa kanya. 6 Si Noe ay anim na raang taong gulang nang dumating ang baha sa mundo. 7 Bago nagsimula ang ulan, pumasok si Noe, ang kanyang asawa, kanyang mga anak na lalaki at ang kanilang mga asawa sa loob ng malaking bangka upang makatakas mula sa tubig-baha. 8 Mga pares na mga hayop, 'yung mga sinabi ng Diyos na kanyang tatanggapin na mga alay at 'yung hindi niya tatanggapin na mga alay, at mga pares ng mga ibon at mga pares ng lahat ng uri ng mga nilalang na gumagapang sa lupa, 9 mga lalaki at mga babae, pumunta kay Noe at pagkatapos pumasok sa loob ng malaking bangka, gaya ng sinabi ng Diyos kay Noe na kanilang gagawin. 10 Matapos ang pitong araw, nagsimulang umulan at nagsimulang tinakpan ng baha ang mundo. 11 Nang si Noe ay nasa anim na raang taong gulang, sa ikalabimpitong araw ng pangalawang buwan, biglaang lumabas ang lahat ng tubig na nasa ilalim ng lupa, at nagsimulang umulan ng napakalakas na tila itong ilog sa langit na biglaang lumabas. 12 Patuloy na bumagsak ang ulan sa mundo sa loob ng apatnapung araw at gabi. 13 Sa araw na nagsimulang umulan, pumasok si Noe sa loob ng malaking bangka kasama ang kanyang asawa, ang kanyang tatlong anak na lalaki na sina Sem, Ham, at Jafet, at kanilang mga asawa. 14 Sila at ang ilan sa bawat uri ng mababangis at maamo na mga hayop, at bawat uri ng nilalang na gumagapang sa lupa, bawat uri ng ibon at bawat ibang nilalang na may mga pakpak, lahat, pumasok sa barko. 15 Mga pares ng lahat ng mga nilalang na humihinga, pumunta kay Noe at pumasok sa loob ng barko. 16 Mayroong isang lalaki at isang babae ng bawat nilalang na pumunta kay Noe, ayon sa sinabi ng Diyos na kanilang gagawin. Pagkatapos nilang lahat pumasok sa malaking bangka, isinara ni Yahweh ang pintuan. 17 Sa loob ng apatnapung araw patuloy na dumating ang tubig at tumaas ang baha at iniangat ang malaking bangka pataas sa ibabaw ng lupa. 18 Tumaas ng tumaas ang umaagos na tubig sa mundo at lumutang ang malaking bangka sa tubig. 19 Umagos ang tubig nang pataas nang pataas sa lahat ng panig ng mundo hanggang sa nilubog nito ang lahat ng mga kabukiran at ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit. 20 Nilubog nito maging ang pinakamatataas na mga bundok ng higit pa na anim na metrong tubig. 21 Kaya’t namatay ang bawat nabubuhay na nilalang sa ibabaw ng lupa. Kasali ang mga ibon, ang maamong mga hayop, ang mababangis na mga hayop, at lahat ng ibang nilalang na gumagapang sa lupa, gayundin ang lahat ng mga tao. 22 Lahat ng bagay na humihinga, na noo'y nilalang sa lupa, namatay. 23 Sa ganitong paraan nalipol ang bawat bagay na nabubuhay na nasa mundo—ang mga tao, ang malalaking mga hayop, ang mga nilalang na gumagapang at ang mga ibon. Ang tanging natitirang buhay ay sina Noe at yung mga kasama niya sa malaking bangka. 24 Nanatili ang baha na ganoon sa mundo sa loob ng 150 na araw.