6

1 Nang magsimulang dumami ng husto ang mga tao sa buong mundo, at maraming anak na babae ang ipinanganak sa kanila, 2 nakita ng ilang mga nilalang sa langit na napakaganda ng mga babae sa lupa. Kaya kinuha nila ang alinman sa kanilang mga napili upang maging asawa. 3 Pagkatapos sinabi ni Yahweh, "Hindi mananatili ang aking hininga sa mga tao magpakailanman para mapanatili silang buhay. Gawa sila sa mahinang laman. Mabubuhay lamang sila na hindi hihigit sa 120 taon bago sila mamamatay." 4 Nang sinipingan ng mga nilalang sa langit ang mga babae sa lupa, nagsilang sila ng mga anak. Ito ang mga higanteng nakatira sa mundo noong panahong iyon at maging sa kinalaunan. Magiting na mandirigma ang mga higanteng ito; mga tanyag na mga tao noong unang panahon. 5 Nakita ni Yahweh ang mga tao sa mundo na naging labis na masama, at patuloy na puro kasamaan ang lahat ng kanilang iniisip sa kanilang kaloob-looban. 6 Nagsisi si Yahweh na ginawa niya ang mga tao sa mundo at nagdulot ito sa kanya ng kalungkutan. 7 Kaya sinabi ni Yahweh, "Lilipulin ko ang lahat ng tao na aking ginawa. Lilipulin ko rin ang lahat ng mga malalaking hayop at ang mga nilalang na gumagalaw sa lupa at ang mga ibon. Walang matitira sa kanila dito sa mundo dahil nagsisi ako sa paggawa sa kanila." 8 Pero nalugod si Yahweh kay Noe. 9 Ito ang nangyari: si Noe ay isang tao na mayroong ugali na laging matuwid. Wala ni isang nabuhay sa panahon na iyon ang pumuna sa kanya tungkol sa anumang bagay. Nabuhay si Noe na malapit ang pagsasama sa Diyos. 10 Naging ama si Noe ng tatlong anak na mga lalaki: Sem, Ham, at Jafet. 11 Nakikita ng Diyos na sukdulan ang kasamaan ng lahat ng mga tao sa mundo at gumagawa ang mga tao ng kalupitan at karahasan sa bawat isa kahit saan man sa mundo. 12 Nakita ng Diyos ang bawat isa at nakita niya kung gaano kasama ang mga tao, dahil nagsimulang umasal ang lahat ng mga tao sa mundo ng masamang paraan. 13 Kaya sinabi ng Diyos kay Noe, "Napagpasyahan kong lipulin ang lahat ng mga tao, dahil gumagawa ang mga tao sa lahat ng dako sa mundo ng karahasan sa bawat isa. Kaya aalisin ko sila maging ang lahat ng mga bagay na nasa mundo. 14 Gumawa ka para sa iyong sarili ng malaking bangka na gawa sa saypres na kahoy. Gumawa ka ng mga kwarto sa loob nito. Balutin mo ng aspalto ang labas at ang loob nito upang hindi ito mapasukan ng tubig. 15 Ganito dapat ang pagkakagawa mo: Dapat 138 metro ang haba nito, dalawampu't tatlong metro ang lapad at labing apat na metro ang taas. 16 Gawaan mo ng bubong ang barko. Magtira ka ng puwang na kalahating metro sa pagitan ng mga gilid nito at ng bubong, upang makapasok ang hangin at ang liwanag ng araw. Gawin itong tatlong palapag sa loob at lagyan ng pinto sa isang gilid. 17 Makinig ka nang mabuti! Magpapadala ako ng baha na lilipol sa lahat ng mga bagay na nabubuhay sa ilalim ng kalangitan. Mamamatay ang lahat ng mga bagay na nasa mundo. 18 Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Ikaw at ang iyong asawa, ang iyong mga anak na lalaki at kanilang mga asawa, papasok sa malaking bangka. 19 Dapat magdala ka rin ng tig-dadalawa ng lahat ng mga nabubuhay na nilalang, lalaki at babae, sa loob ng bangka na kasama mo, upang manatili rin silang buhay. 20 Dalawa sa bawat uri ng nilalang ang magkasunod na sasama sa iyo upang mapanatili mo silang buhay. Isasama nila ang tig-dadalawa sa bawat uri ng ibon at dalawa sa bawat uri ng malalaking hayop at dalawa sa bawat uri ng nilalang na gumagalaw sa lupa. 21 Dapat ka ring kumuha ng ilan sa bawat uri ng mga pagkain na para sa iyo at para sa pangangailangan ng lahat ng mga nilikha, at iimbak mo ito sa barko." 22 Kaya ginawa ni Noe ang lahat ng mga tagubilin ng Diyos sa kanya.