4

1 Sumiping si Adan sa kanyang asawang si Eva, at nabuntis siya at nagsilang ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Cain na ang ibig sabihin ay "pagkakaroon", sinabi niya, "Sa pamamagitan ng tulong ni Yahweh nagkaroon ako ng anak na lalaki." 2 Lumipas ang ilang panahon, nagsilang siya ng isa pang anak na lalaki at pinangalanan niyang Abel. Pagkatapos lumaki ang mga batang lalaking iyon, si Abel ay nag-alaga ng tupa at mga kambing at si Cain ay naging isang magsasaka. 3 Isang araw nag-ani si Cain ng ilang mga pananim na kanyang pinalago at dinala ang mga ito kay Yahweh bilang isang regalo para sa kanya, 4 at si Abel, kumuha mula sa kanyang mga hayop ng ilan sa panganay na mga tupa na isinilang at pinatay ang mga ito at bilang isang regalo, binigay niya kay Yahweh ang matatabang mga bahagi, mga pinakamabuting bahagi. Nasiyahan si Yahweh kay Abel at sa kanyang alay, 5 pero kay Cain at sa kanyang alay, hindi siya nasiyahan. Kaya matinding nagalit si Cain at hindi mailarawan ang kanyang pagmumukha. 6 Sinabi ni Yahweh kay Cain, "Hindi ka dapat magalit! Hindi ka dapat sumimangot ng ganyan! 7 Kung gagawin mo ang tama, tatanggapin kita. Pero kung hindi mo gagawin ang tama, lalamunin ka ng kasamaan na gusto mong gawin, gaya ng isang leon na naghihintay sa labas ng iyong pinto upang lapain ka. Ang pagnanais mong magkasala, gustong pagharian ka, subalit dapat mo itong pagharian." 8 Pero isang araw, sinabi ni Cain sa kanyang nakababatang kapatid na si Abel, "Sumama ka sa akin sa bukid." Kaya magkasama silang pumunta. At nang nasa bukid na sila, biglang inatake ni Cain si Abel at pinatay niya ito. 9 Pagkatapos, kahit na alam na ni Yahweh kung ano ang ginawa ni Cain, sinabi niya kay Cain, "Alam mo ba kung nasaan si Abel, ang nakababata mong kapatid? Sumagot si Cain, "Hindi, hindi ko alam. Hindi ko trabaho ang bantayan ang aking nakababatang kapatid!" 10 Sinabi ni Yahweh, "Nakakakilabot ang ginawa mo! Hinahatulan ka sa iyong pagkakasala ng dugo ng iyong kapatid na nababad sa lupa. 11 Pinatay mo ang iyong nakababatang kapatid, at, ngayon na nababad ang lupa sa dugo ng iyong nakababatang kapatid, hindi kana tatanggapin nito at mabibigo ka sa iyong pagsisikap na magpatubo ng pananim. 12 Kapag magbubungkal ka ng lupa upang magtanim ng mga pananim, magbibigay ang lupa ng napaka kaunti para sa iyo. Magpapatuloy kang pagala-gala sa mundo at hindi magkakaroon ng matitirhan saanmang lugar. 13 Sumagot si Cain kay Yahweh, "Pinarurusahan mo ako nang higit sa aking makakaya. 14 Pinapalayas mo ako mula sa lupa na aking sinasaka at hindi na ako maaring pumunta sa iyong harapan. At magpapatuloy akong pagala-gala sa mundo na walang lugar na matitirhan, at papatayin ng sinumang makakita sa akin". 15 Pero sinabi ni Yahweh sa kanya, "Hindi, hindi mangyayari iyon. Lalagyan kita ng palatandaan upang maging babala sa sinuman na makikita sa iyo, matindi ko siyang parurusahan kung papatayin ka niya. Parurusahan ko ang taong iyon ng pitong beses na kasintindi ng pagpaparusa ko sa iyo." Pagkatapos nilagyan ng palatandaan ni Yahweh si Cain. 16 Kaya iniwanan ni Cain si Yahweh at pumunta sa silangan ng Eden, sa lupain na tinatawag na Nod na ang kahulugan ay 'gumagala', 17 Lumipas ang ilang panahon, sumiping si Cain sa kanyang asawa at nabuntis ito, nagsilang ng anak na lalaki, na pinangalanang niyang Enoc. Pagkatapos, nagsimula si Cain na magtayo ng isang lungsod at pinangalanan niya ang lungsod ng 'Enoc', tulad ng pangalan ng kanyang anak na lalaki. 18 Lumaki si Enoc at nag-asawa at naging ama ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Irad. Nang lumaki si Irad naging ama siya ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Mehujael. Lumaki si Mehujael at naging ama sa anak na lalaki na pinangalanan niyang Metusael. Lumaki si Metusael at naging ama ni Lamec. 19 Nang lumaki si Lamec, nag-asawa siya ng dalawang babae. Ang pangalan ng isa ay Ada at ang pangalan ng isa pa ay Zilla. 20 Nagsilang si Ada ng anak na lalaki na nagngangalang Jabal. Pagkatapos, si Jabal ang naging unang ama ng mga tao na nakatira sa mga tolda dahil naglakbay siya mula sa isang lugar patungo sa ibang lugar para mag-alaga ng mga hayop. 21 Ang pangalan ng kanyang nakababatang kapatid ay Jubal. Siya ang unang tao na gumawa ng isang alpa at isang plauta. 22 Ang isa pang asawa ni Lamec na si Zilla ay nagsilang ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Tubal Cain. Pagkatapos natuto siya kung paano gumawa ng mga bagay mula sa tanzo at bakal. Ang pangalang ng nakababatang kapatid na babae ni Tubal Cain ay si Naama. 23 Isang araw sinabi ni Lamec sa kanyang dalawang asawa, "Ada at Zilla, dalawa kong asawa, makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Sinaktan ako ng isang binata at sinugatan ako, kaya pinatay ko siya. 24 Sinabi ni Yahweh noon pa na ipaghihiganti niya at parurusahan ang sino mang pumatay kay Cain ng pitong beses na kasing tindi ng pagparusa niya kay Cain. Kaya kung sinuman ang sumubok na patayin ako, nawa siya'y maparusahan ng pitumpu't pitong beses ang tindi." 25 Nagpatuloy na sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at muling nabuntis, nagsilang ng isa pang anak na lalaki, na pinangalanan niyang Set. Sinabi niya, "Pinangalanan ko siya ng Set dahil binigyan muli ako ng Diyos ng isa pang anak na lalaki upang maging kapalit ni Abel, yamang pinatay siya ni Cain. 26 Nang lumaki na si Set, naging ama siya ng isang anak na lalaki na pinangalanang niyang Enos. Sa panahong iyon nagsimula ng sumamba ang mga tao kay Yahweh.