3

1 Ngayon, mas tuso ang ahas kaysa lahat ng ibang mababangis na mga hayop na gi nawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi ng ahas sa babae, "Sinabi ba talaga ng Diyos sa inyo na, 'Huwag ninyong kainin ang bunga mula sa anumang mga puno na nasa hardin'?" 2 Sumagot ang babae, "Ang sinabi ng Diyos, 'Huwag niyong kainin ang prutas mula sa puno na nasa gitna ng hardin, ni hawakan ito. Kung gagawin ninyo iyan, mamamatay kayo. 3 Pero maaari ninyong kainin ang bunga mula sa anumang ibang mga puno.'" 4 Sinabi ng ahas sa babae, "Hindi, tiyak na hindi kayo mamamatay. Sinabi lang iyan ng Diyos 5 dahil alam niya na kapag kakain kayo ng bunga mula sa punong iyan, makauunawa kayo ng bagong mga bagay. Tila magbubukas ang inyong mga mata at malalaman ninyo na, tulad ng Diyos, kung ano ang mabuting gawin at masamang gawin." 6 Nakita ng babae na masarap kainin ang bunga sa punong iyon at napakaganda nito. Ninais niya ito dahil inisip niya na patatalinuhin siya nito. Kaya pinitas niya ang ilan sa mga bunga at kinain ito. Pagkatapos binigay niya ang ilan sa kanyang asawa, at kinain niya ito. 7 Agad-agad na tila nagbukas ang kanilang mga mata at napagtanto nila na hubad sila, kaya nahiya sila. Kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos at pinagsama-sama nilang tinahi ito para gumawa ng mga damit para sa kanilang mga sarili. 8 Pagdating ng dapit hapon, nang umiihip ang isang malamig na hangin, narinig nila ang tunog ni Yahweh na Diyos habang naglalakad siya sa hardin. Kaya tinago ng lalaki at ng kanyang asawa ang kanilang mga sarili sa gitna ng mga mababa't mayabong na halaman sa hardin, upang hindi sila makita ni Yahweh na Diyos. 9 Pero tinawag ng Diyos ang lalaki na sinasabi sa kanya, "Bakit sinusubukan mong magtago mula sa akin? 10 Sumagot ang lalaki, "Narinig ko ang tunog ng iyong mga yapak sa hardin, at hubad ako, kaya natakot ako at tinago ko ang aking sarili mula sa iyo." 11 Sinabi ng Diyos, "Paanong nalaman mo na hubad ka? Marahil dahil kumain ka ng ilan sa bunga mula sa puno na sinabi ko sa iyo na 'Huwag kainin ang bunga nito'. Iyan ba ang ginawa mo?" 12 Sinabi ng lalaki, "Binigay mo sa akin ang babaeng ito upang makasama ko. Siya ang nagbigay sa akin ng ilang bunga mula sa puno, kaya kinain ko ito". 13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, "Bakit mo nagawa ang mga bagay na ito?" Sumagot ang babae, "Kinain ko iyon dahil nilinlang ako ng ahas". 14 Pagkatapos sinabi ni Yahweh na Diyos sa ahas, "Dahil ginawa mo ito, sa lahat ng maamong mga hayop at sa lahat ng mga mababangis na mga hayop, ikaw lamang ang isusumpa ko. Bilang resulta, gagapang ka at ang lahat ng ibang mga ahas sa lupa, kaya habang nabubuhay ka may rumi ang kakainin mo. 15 Pag-aawayin kita at ang babae, at pag-aawayin ko rin ang inyong mga kaapu-apuhan. Tutuklawin mo ang kanyang sakong, pero dudurugin niya ang iyong ulo." 16 Pagkatapos sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, "Patitindihin ko ang sakit ng iyong panganganak. Nanaisin mong makasama ang iyong asawa na lalaki, pero mamumuno siya sa iyo." 17 Pagkatapos sinabi niya sa lalaki, "Nakinig ka sa kung ano ang sinabi ng iyong asawa at kumain ng ilang bunga sa puno na iniutos ko sa iyo na 'Huwag kainin ito'. Kaya gagawin panhihirapin kong tumubo ang mga bagay sa lupa dahil sa iyong ginawa. Kailangan mong magpakahirap sa pagtatrabaho habang nabubuhay ka para magkaroon ng mga bagay mula sa lupa na makain. 18 Tutubo ang matitinik na mababa't mayabong na halaman at iba pang mga damo at pipigilan nito ang pagtubo ng iyong mga tinanim. At para sa pagkain, makakakain ka lamang ng mga bagay na tumubo mula sa iyong mga lupain. 19 Sa buong buhay mo papawisan ka habang hirap sa pagtatrabaho para magkaroon ng makakain. Pagkatapos mamamatay ka at ililibing ang iyong katawan sa lupa. Ginawa kita mula sa lupa kaya ang iyong katawan, magiging lupang muli." 20 Pinangalanan ng lalaki na si Adan ang kanyang asawa na Eva, na ang ibig sabihin ay "nabubuhay", dahil siya ang naging ninuno ng lahat ng mga taong nabubuhay. 21 Pagkatapos gumawa si Yahweh na Diyos ng mga damit mula sa mga balat ng mga hayop para kay Adan at sa kanyang asawa. 22 Pagkatapos sinabi ni Yahweh na Diyos, "Tingnan niyo! Nagiging katulad na natin ang dalawang iyon dahil alam na nila kung ano ang mabuting gawin at kung ano ang masamang gawin. Kaya ngayon, hindi na mabuti kung aabot sila at mamimitas at kakain ng ilang bunga mula sa puno na magdudulot sa mga tao na kumain nito na mabuhay nang walang hanggan!" 23 Kaya pinalabas ni Yahweh na Diyos ang lalaki at ang kanyang asawa na babae mula sa hardin ng Eden. Ginawa ni Yahweh na Diyos si Adan mula sa lupa at pinilit niya siyang mag-araro ng lupa. 24 Pagkatapos silang palabasin ni Yahweh na Diyos nilagyan niya ng querubin at ng isang pabalik-balik na nagliliyab na espada ang silangang bahagi ng hardin upang harangan ang pasukan, nang hindi na makabalik pa ang tao sa puno na magdudulot sa sinuman na makakain ng mga bunga nito na mabuhay nang walang hanggan.