2

1 Iyan ang paraan ng paglikha ng Diyos ng kalangitan, ng mundo, at ng lahat ng mga bagay na pumuno sa mga ito. 2 Nang ikapitong araw, natapos ng Diyos ang paglilikha ng lahat ng bagay, kaya hindi na siya gumawa sa araw na iyon. 3 Ipinahayag ng Diyos ang ikapitong araw na kanyang pinagpapala. Nilaan niya ang araw na iyon para maging natatangi dahil sa ikapitong araw, ang Diyos, hindi na muling gumawa pagkatapos niyang tapusin ang lahat ng kaniyang gawain sa paglikha ng lahat ng bagay. 4 Ang sumusunod ay kung paano nilikha ng Diyos ang kalangitan at ang mundo. Ginawa ng Diyos na ang pangalan ay Yahweh, ang kalangitan at ang mundo 5 . Sa simula, wala pang mga halaman ang tumutubo dahil hindi pa pinapaulanan ni Yahweh na Diyos ang lupa. At saka, wala pang kahit na isang mag-aararo ng lupain upang mataniman. 6 Sa halip, umaakyat ang hamog mula sa lupa, kaya nagkakaroon ng tubig sa buong ibabaw ng lupa. 7 Pagkatapos, kumuha si Yahweh na Diyos ng ilang lupa at bumuo ng isang tao. Hininga niya sa mga butas ng ilong ng tao ang kanyang sariling hininga na bumubuhay sa mga bagay, at naging buong buhay na nilalang ang tao. 8 Gumawa si Yahweh na Diyos ng hardin sa lugar na pinangalanang Eden na nasa silangan ng lupain ng Canaan. Doon niya inilagay ang tao na kanyang binuo. 9 Pinatubo ni Yahweh na Diyos mula sa lupa ang bawat uri ng punong kahoy na magandang tingnan at nagbibigay ng bunga na mainam kainin. Nilagay rin niya sa gitna ng hardin ng Eden ang punong kahoy na may bunga na magdudulot sa sinumang kumain nito na mabuhay magpakailanman. Nilagay din niya doon ang isa pang punongkahoy na may bunga na magdudulot sa mga kumain nito na malaman kung ano ang mabubuting gawain at masasamang gawain. 10 Umagos ang isang ilog mula sa Eden upang magbigay ng tubig para sa hardin. Sa labas ng Eden, nahati ang ilog sa apat na mga ilog. 11 Pishon ang pangalan ng unang ilog. Umaagos ang ilog na iyon sa lahat ng lupain ng Havilah, kung saan mayroong ginto. 12 Napaka puro ng gintong iyon. Mayroon ding mabangong dagta na tinawag na bdellium at mga mahahalagang bato na tinawag na onyx. 13 Gihon ang pangalan ng pangalawang ilog. Umaagos ang ilog na iyon sa lahat ng lupain ng Cush. 14 Tigris ang pangalan ng pangatlong ilog. Umaagos ito sa silangan ng lungsod ng Asshur. Eufrates ang pangalan ng pang-apat na ilog. 15 Kinuha ni Yahweh na Diyos ang tao at inilagay siya sa Eden para bungkalin ito at pangalagaan. 16-17 Pero sinabi ni Yahweh sa kanya, "Hindi kita pahihintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na magbibigay kaalaman sa iyo kung ano ang mabubuting gawain at masasamang gawain. Kung kakain ka ng anumang bunga mula sa punongkahoy na iyon, sa araw na kakainin mo ito, tiyak na mamamatay ka. Pero pahihintulutan kitang kumain ng bunga ng ibang punongkahoy sa hardin ng Eden." 18 Sinabi ni Yahweh na Diyos, "Hindi mabuti para sa taong ito na nag-iisa. Kaya gagawa ako ng isang nararapat na magiging katuwang para sa kanya. 19 Kumuha si Yahweh na Diyos ng ilang lupa at binuo ang lahat ng mga uri ng mga hayop at mga ibon, at dinala sila sa lalaki para mapakinggan kung anong mga pangalan ang ibibigay niya sa kanila. At nagbigay ang tao ng panglan sa bawat nabubuhay na hayop na ginawa ni Yahweh. 20 Pagkatapos binigyan ng tao ng mga pangalan ang lahat ng mga uri ng baka, mga ibon at mga mababangis na hayop, subalit wala sa mga nilalang na ito ang katuwang na nararapat para sa tao. 21 Kaya pinatulog nang mahimbing ni Yahweh na Diyos ang lalaki. Habang natutulog, kinuha ni Yahweh ang isa sa mga tadyang ng lalaki. Pagkatapos kaagad niyang isinara ang pinagkunan sa kanyang katawan at pinagaling ito. 22 Pagkatapos ginawa ni Yahweh ang babae mula sa tadyang na kinuha niya mula sa katawan ng lalaki at dinala niya siya sa lalaki. 23 Napasigaw ang lalaki, "Sa wakas, isa itong tunay na taong katulad ko! Ang kanyang mga buto, nagmula sa aking mga buto, at ang kanyang laman, nagmula sa aking laman. Kaya tatawagin ko siyang babae, dahil kinuha siya galing sa akin, isang lalaki." 24 Kinuha ang unang babae mula sa katawan ng lalaki, kaya kung magpapakasal ang lalaki at ang babae, kailangan nilang iwan ang kanilang mga magulang. Makikipag-isa ang lalaki sa kanyang asawa upang mamuhay silang dalawa bilang isang tao. 25 Kahit na hubad ang lalaki at ang kanyang asawa, hindi sila nahihiya sa pagiging hubad.