1 John 3 — Wikang Tagalog

1 Masdan kung anong uri ng pag-ibig ng Ama ang ibinigay sa atin, na tayo ay nararapat tawaging mga anak ng Diyos, at ito nga tayo. Sa dahilang ito, hindi tayo kilala ng mundo dahil hindi siya kilala nito. 2 Mga minamahal, ngayon tayo ay mga anak ng Diyos, at hindi pa naipahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kapag magpakita si Cristo, tayo ay magiging katulad niya, dahil makikita natin siya bilang siya. 3 Ang bawat isa na may ganitong pag-asa sa kanya ay dinadalisay ang kanyang sarili kung paanong siya ay dalisay. 4 Ang lahat nang patuloy na nagkakasala ay gumagawa ng katampalasanan, sapagkat ang kasalanan ay pagsuway sa batas. 5 Alam ninyo na nahayag si Cristo upang mag-alis ng mga kasalanan, at sa kanya ay walang kasalanan. 6 Walang sinumang nananatili sa kanya ang patuloy na nagkakasala. Walang sinumang patuloy sa pagkakasala ang nakakita sa kanya o nakakilala sa kanya. 7 Mga anak, huwag ninyong hayaang iligaw kayo ninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, kung paanong si Kristo ay matuwid. 8 Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo, sapagkat ang diyablo ay nagkasala mula pa sa simula. Sa dahilang ito, ang Anak ng Diyos ay nahayag, upang kanyang mawasak ang mga gawa ng diyablo. 9 Ang sinumang ipinanganak sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, dahil ang binhi ng Diyos ay nananatili sa kanya. Hindi siya maaaring makapapatuloy sa pagkakasala dahil ipinanganak siya sa Diyos. 10 Dito ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo ay nahayag: Ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid ay hindi mula sa Diyos, ni ang hindi nagmamahal sa kanyang kapatid. 11 Sapagkat ito ang mensaheng narinig ninyo mula sa simula: ibigin natin ang bawat isa. 12 Hindi dapat tayo maging katulad ni Cain, na mula sa masama at pinatay ang kanyang kapatid. Bakit niya siya pinatay? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, at ang kanyang kapatid ay matuwid. 13 Huwag kayong magtaka mga kapatid, kapag ang mundo ay napopoot sa inyo. 14 Alam natin na tayo ay lumipat na mula sa kamatayan tungo sa buhay, dahil iniibig natin ang mga kapatid. Ang sinumang hindi umiibig ay nanatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mamamatay tao. Alam ninyong walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan na nananahan sa kaniya. 16 Sa pamamagitan nito alam natin ang pag-ibig, sapagkat inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Nararapat ding ialay natin ang ating mga buhay para sa mga kapatid. 17 Ngunit ang sinumang may pag-aari ng sanlibutan, nakitang nangangailangan ang kaniyang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kaniya? 18 Mga anak, huwag tayong umibig sa salita o sa dila, ngunit sa mga gawa at katotohanan. 19 Sa pamamagitan nito alam natin na tayo ay nasa katotohanan, at tinitiyak natin ang ating mga puso sa harap niya. 20 Sapagkat kung hinahatulan tayo ng ating mga puso, mas dakila ang Diyos kaysa sa ating mga puso, at alam niya ang lahat ng mga bagay. 21 Mga minamahal, kapag hindi tayo hinatulan ng ating mga puso, may kapanatagan tayo sa Diyos. 22 Anuman ang hihilingin natin, matatanggap natin mula sa kanya, dahil pinanatili natin ang kanyang mga kautusan at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanya. 23 Ito ang kanyang kautusan - na tayo ay manampalataya sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo at mahalin ang bawat isa, gaya ng ibinigay niya itong kautusan sa atin. 24 Ang nagpapanatili ng kautusan ng Diyos ay nananatili sa kanya, at ang Diyos sa kanya. Sa pamamagitan nito alam natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.