1 John 2 — Wikang Tagalog
1
Mga anak, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Pero kung sino man ang magkasala, mayroon tayong tagapamagitan sa Ama, si Jesu-Cristo, ang isa na matuwid.
2
Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lang para sa atin, kundi para din sa buong mundo.
3
Alam nating kilala natin siya, kung pinapanatili natin ang kanyang mga kautusan.
4
Ang nagsasabing, "Kilala ko ang Diyos" pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.
5
Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay pinasakdal ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya:
6
Ang sinumang nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay dapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.
7
Mga minamahal, hindi ako nagsusulat ng bagong kautusan sa inyo, ngunit ng isang lumang kautusan na nasa sa inyo mula pa sa simula. Ang lumang kautusan ay ang salitang inyong narinig.
8
Gayunman ako ay sumusulat ng bagong kautusan sa inyo, na totoo kay Cristo at sa inyo, dahil ang kadiliman ay lumilipas, at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.
9
Ang nagsasabing siya ay nasa liwanag pero kinapopootan ang kanyang kapatid ay nasa kadiliman kahit ngayon.
10
Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag at walang pagkakataong matitisod sa kaniya.
11
Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman at lumalakad sa kadiliman; hindi niya alam kung saan siya papunta, dahil binulag ng kadiliman ang kanyang mga mata.
12
Sumusulat ako sa inyo, mga minamahal kong anak, dahil ang inyong mga kasalanan ay napatawad dahil sa kanyang pangalan.
13
Sumusulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya mula pa sa simula. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataang lalaki, dahil napagtagumpayan ninyo ang kasamaan. Sumulat ako sa inyo, mga bata, dahil kilala ninyo ang Ama.
14
Sumulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya mula pa sa simula. Sumulat ako sa inyo, mga kabataang lalaki, dahil kayo ay malakas, at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at napagtagumpayan ninyo ang kasamaan.
15
Huwag ibigin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya.
16
Sapagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi mula sa Ama ngunit mula sa mundo.
17
Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Ngunit ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
18
Mga bata, ito ang huling oras. Tulad ng narinig ninyo na ang anti-Cristo ay darating, ngayon ay marami ng mga anti-Cristong dumating. Sa pamamagitan nito nalalaman nating ito na ang huling oras.
19
Umalis sila sa atin, ngunit hindi sila sa atin. Sapagkat kung sila ay sa atin sila ay nanatili sa atin. Ngunit nang sila ay umalis, iyon ang nagpakita na hindi na sila mula sa atin.
20
Ngunit kayo ay may basbas mula sa Kabanal-banalan, at alam ninyong lahat.
21
Hindi ako sumulat sa inyo dahil hindi ninyo alam ang katotohanan, ngunit dahil alam ninyo ito at dahil walang kasinungalingan mula sa katotohanan.
22
Sino ang sinungaling kundi siyang ikinakaila na si Jesus ay ang Cristo? Ang taong iyan ang anticristo, dahil ikinakaila niya ang Ama at ang Anak.
23
Walang sinumang kumakaila sa Anak ang nasa kaniya ang Ama. Sinumang nagtatapat sa Anak ay kabilang din sa Ama.
24
Para sa inyo, hayaang ang mga narinig ninyo mula sa simula ay manatili sa inyo. Kung ang narinig ninyo mula sa simula ay nanatili sa inyo, kayo rin ay mananatili sa Anak at sa Ama.
25
Ito ang pangakong ibinigay niya sa atin-- buhay na walang hanggan.
26
Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga maaaring maglihis sa inyo ng landas.
27
Para sa inyo, ang basbas na natanggap ninyo mula sa kanya ay nanatili sa inyo, at hindi ninyo kailangan ang sinuman upang turuan kayo. Ngunit kung paanong ang kanyang pagbabasbas ay nagtuturo sa inyo ng lahat at totoo at hindi kasinungalingan, at kung paano ito nagturo sa inyo, manatili sa kanya.
28
Ngayon, mga anak, manatili sa kanya upang kapag siya ay magpakita, tayo ay magkakaroon ng lakas ng loob at hindi mahihiya sa kanyang harapan sa kanyang pagdating.
29
Kung alam ninyong siya ay makatuwiran, alam ninyong ang lahat ng gumagawa ng tama ay ipinanganak mula sa kanya.