1 Corinthians 6 — Wikang Tagalog

1 Kung mayroong alitan ang isa sa inyo sa iba, maglalakas-loob ba siya na pumunta sa korteng pambayan sa harap ng hindi nananampalatayang hukom, sa halip na sa harapan ng mga mananampalataya? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga mananampalataya ang hahatol sa mundo? Kung hahatulan ninyo ang mundo, wala ba kayong kakayahan na ayusin ang mga hindi mahahalagang bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na hatulan natin ang mga bagay sa buhay na ito? 4 Kung gayun na kailangan ninyong gumawa ng mga hatol ukol sa pang-araw araw na buhay, bakit ninyo idinudulog ang mga ganitong kaso sa harapan ng mga walang katayuan sa iglesiya? 5 Sinasabi ko ito sa inyong kahihiyan. Wala bang kahit isa sa inyo ang may sapat na karunungan upang ayusin ang mga alitan sa pagitan ng magkapatid? 6 Ngunit ang isang kapatid ay nagdemanda laban sa isa pang kapatid, at ito ay ginagawa sa harap ng hindi mananampalataya! 7 Ang katotohanan na may mga kaso kaya sa bawat isa ay isang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi nalang pagdusahan ang mali? Bakit hindi nalang hayaan na kayo ay dayain? 8 Ngunit kayo mismo ay gumagawa ng mali at nandaraya, at ginagawa ninyo ito sa sarili ninyong mga kapatid! 9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, ang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang puri, at mga mandaraya---wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit kayo'y nilinis na, kayo'y pinabanal na, at kayo'y ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos. 12 "Ang lahat ay ipinapahintulot ng batas para sa akin," ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. "Ang lahat ay ipinapahintulot ng batas para sa akin," ngunit hindi ako magpapaalipin alinman sa mga ito. 13 "Para sa tiyan ang pagkain, at ang tiyan ay para sa pagkain," ngunit kapwa wawasakin ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi ginawa para sa sekswal na imoralidad. Sa halip, ang katawan ay para sa Diyos, at ang Panginoon ang magkakaloob para sa katawan. 14 Parehong binuhay ng Diyos ang Panginoon at ibabangon din tayo sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Maaari ko bang alisin ang mga bahagi ni Cristo at isama sa mga patutot? Hindi ito maaari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang sinumang nakipag-isa sa isang patutot ay magiging isang laman kasama siya? Gaya ng sinasabi ng kasulatan, "Ang dalawa ay magiging isang laman." 17 Ngunit ang sinumang nakipag-isa sa Panginoon ay nagiging isang espiritu sa kaniya. 18 Lumayo sa sekswal na imoralidad! "Ang bawat ibang kasalanan na ginagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan, ngunit ang taong mahalay ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na mayroon kayo mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan at ng inyong espiritu, na pag-aari ng Diyos.