1 Corinthians 4 — Wikang Tagalog
1
Ganito dapat ang ipalagay ng tao sa amin, bilang mga lingkod ni Cristo at mga katiwala ng mga lihim na katotohanan ng Diyos.
2
Ngayon ang hinihingi sa mga tagapangasiwa ay sila ay masumpungang mapagkakatiwalaan.
3
Ngunit para sa akin, ito ay napakaliit lamang na bagay para mahatulan ninyo ako o ng anumang hukuman ng tao. Sapagkat hindi ko nga hinatulan ang aking sarili.
4
Wala akong nalalaman na anumang paratang laban sa akin, ngunit hindi nangangahulugang ako ay inosente. Ang Panginoon ang hahatol sa akin.
5
Kaya huwag magpahayag ng paghatol tungkol sa anumang bagay bago ang panahon, bago dumating ang Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga nakatagong bagay ng kadiliman at ihahayag ang mga layunin ng puso. At ang bawat isa ay makatatanggap ng kaniyang papuri mula sa Diyos.
6
Ngayon, mga kapatid, inilipat ko ang mga alituntuning ito sa aking sarili at ni Apolos para sa inyong kapakanan, upang mula sa amin ay inyong matutunan ang kahulugan ng kasabihang, "Huwag ninyong higitan kung ano ang nasusulat." Ito ay upang wala sa inyo ang maging mapagmataas sa pagtatangi ng isa laban sa iba.
7
Sapagkat sino ang nakakakita ng pagkakaiba ninyo sa iba? Anong mayroon kayo na hindi ninyo tinanggap? Kung natanggap ninyo ito, bakit kayo nagyayabang na parang hindi ninyo natanggap ito?
8
Nasa inyo na lahat ng maaari ninyong gustuhin! Naging mayaman na kayo! Nagsimula na kayong maghari- at nang bukod sa amin! Tunay nga, nais kong maghari kayo, upang makapaghari kami na kasama ninyo.
9
Sapagkat iniisip kong kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos bilang pinakahuli sa linya, sa isang prusisyon at tulad ng mga taong hinatulan ng kamatayan. Kami ay naging isang palabas sa mundo, sa mga anghel at sa mga tao.
10
Kami ay mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo ay marunong kay Cristo. Kami ay mahina, ngunit kayo ay malakas. Kayo ay kinilala sa karangalan, ngunit kami ay kinilala sa kahihiyan.
11
Hanggang sa kasalukuyan, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami buong lupit na binugbog, at kami ay walang tahanan.
12
Nagsusumikap kami, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilapastangan, kami ay nagpapala. Nang kami ay inusig, kami ay nagtiis.
13
Noong kami ay siniraan, kami ay nagsalita nang may kabaitan. Kami ay naging, at itinuturing pa rin, inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay.
14
Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang hiyain kayo, ngunit upang itama kayo bilang aking mga minamahal na anak.
15
Sapagkat kahit mayroon kayong sampung libo na tagabantay kay Cristo, wala kayong maraming ama. Sapagkat naging ama ninyo ako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo.
16
Kaya hinihikayat ko kayo na tularan ninyo ako.
17
Kaya nga isinugo ko sa inyo si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Siya ang magpapaalala sa inyo ng aking mga kaparaanan kay Cristo, gaya ng pagtuturo ko sa kanila sa lahat ng dako at sa bawat iglesya.
18
Ngayon, ang iba sa inyo ay lubhang mayabang, kumikilos na parang hindi ako darating sa inyo.
19
Ngunit pupunta ako sa inyo sa lalong madaling panahon, kung kalooban ng Panginoon. Kung magkagayon ay hindi ko lamang malalaman ang salita ng mga mayayabang, kundi makikita ko ang kanilang kapangyarihan.
20
Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi naglalaman ng usapin kundi ng kapangyarihan.
21
Ano ang gusto ninyo? Pupunta ako sa inyong may pamalo o may pag-ibig at sa espiritu ng kahinahunan?