Chapter 4

1 Ano ngayon ang pakinabang ng laman sa ating ninunong si Abraham? 2 Kung itinuring na matuwid si Abraham sa pamamagitan ng gawa, magkakaroon siya ng dahilan para magmalaki sa iba pero hindi sa harapan ng Diyos. 3 Anong sinabi ng banal na kasulatan? "Naniwala si Abraham sa Diyos at ibinilang ito sa kaniya bilang katuwiran." 4 Tatanggap ng sahod ang isang taong gumagawa bilang kabayaran sa kaniya, pero hindi ang kaloob. 5 Sa kaniyang hindi gumagawa kundi sumasampalataya sa kaniya, na itinuturing na matuwid ang mga hindi makadiyos, maituturing din siyang matuwid ayon sa kaniyang pananampalataya. 6 Gayundin ang sinabi ni David tungkol sa pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa taong itinuring na matuwid na hindi sa pamamagitan ng mga gawa. 7 Sinabi ni David, "Mapalad ang mga taong pinatawad sa mga gawa ng kasamaan, sa kanila na tinakpan ang mga kasalanan. 8 Mapalad ang taong hindi binibilang ng Panginoon ang kaniyang mga kasalanan. 9 Ang pagpapalang ito ay para lang ba sa mga tuli o para din sa mga hindi tuli? Sinasabi natin na ibinilang ang pananampalataya ni Abraham bilang katuwiran. 10 Kailan ito napabilang sa kaniya? Bago ba siya tuliin o pagkatapos siya tuliin? Nangyari ito bago pa siya tuliin, hindi pagkatapos ng pagtutuli. 11 Tinanggap ni Abraham ang tanda ng pagtutuli bilang tatak ng kaniyang katuwiran kung saan sumampalataya siya nung hindi pa siya tuli. Ang layunin nito ay para si Abraham ang maging ama ng lahat ng sumasampalataya kahit hindi pa sila tuli. Sa gayon, mapapabilang din sa kanila ang katuwiran. 12 Siya ang nagiging ama ng mga tuli, hindi lang dahil sa pagtutuli, kundi sa pagsunod sa yapak ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong hindi pa siya tuli. 13 Dumating ang pangako kay Abraham at sa kaniyang anak para siya ang maging tagapagmana ng mundo. Pero hindi ito dumating sa pamamagitan ng kautusan kundi ayon sa katuwiran ng pananampalataya. 14 Kung ang mga tumutupad sa kautusan ang ituturing bilang tagapagmana, mawawalan ng bisa ang pananampalataya at mawawalan ng saysay ang pangako. 15 Sapagkat nagdudulot ng galit ang kautusan pero walang pagkakasala kung walang kautusang nakatakda. 16 Sa gayon, dumating ang pangako sa pamamagitan ng pananampalataya ayon sa biyaya. Tiyak itong tatanggapin ng kaniyang mga anak para sa mga tumutupad sa kautusan maging sa kanilang may pananampalatayang tulad ng kay Abraham, na siyang ama nating lahat. 17 Ayon sa nasusulat, "Ginawa kitang ama ng maraming mga bansa." Si Abraham ay nasa harapan ng Diyos na kaniyang pinaniwalaan at nagbibigay buhay sa patay. Nagsasalita ang Diyos at nililikha ang mga bagay na hindi pa nalilikha. 18 Naniwala siya at umasa siya kahit walang pag-asa. Kaya siya ang naging ama ng maraming bansa ayon sa sinabi, "Magiging katulad mo rin ang iyong mga anak." 19 Hindi siya nanghina sa pananampalataya kahit na halos isangdaang taon na si Abraham at maituturing na ring patay ang kalagayan ng kaniyang katawan. Gayundin ang masasabi tungkol sa kalagayan ng sinapupunan ni Sarah na hindi makapanganak. 20 Walang anumang pag-aalinlangan ang nagpahina sa kaniya para angkinin ang pangako ng Diyos. Sa halip, lalong lumakas ang kaniyang pananampalataya at binigyang papuri ang Diyos. 21 Lubos ang kaniyang katiyakan na kayang tuparin ng Diyos ang kaniyang pinangako. 22 Kaya ibinilang na katuwiran ang kaniyang pananampalataya. 23 Ngayon, hindi ito isinulat para sa kapakanan niya lamang kundi ibinilang sa kaniya. 24 Isinulat din ito para sa kapakanan nating sumampalataya sa kaniya na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa kamatayan. 25 Ibinigay siya para sa ating mga kasalanan at muli siyang binuhay para tayo ay maituring na matuwid.