Chapter 3

1 Ano ngayon ang pagkalamang ng isang Judio? Ano ba ang halaga ng pagtutuli? 2 Nakalalamang sila sa maraming bagay. Una sa lahat, sa mga Judio ipinagkatiwala ng Diyos ang kaniyang mga pahayag. 3 Paano kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Mawawalan ba ng bisa ang katapatan ng Diyos dahil hindi naging tapat ang ilan sa kanila? 4 Hindi maaari! Kahit maging sinungaling ang lahat ng tao, mananatiling tapat pa rin ang Diyos. Gaya ng nasusulat, "Upang makitang matuwid ka sa iyong mga salita, at magtagumpay ka kung ika'y hahatulan." 5 Anong masasabi natin kung mas nakikita ang katuwiran ng Diyos dahil sa ating mga kasamaan? Nagiging masama ba ang Diyos dahil ibinubuhos niya ang kaniyang poot sa atin? Sinasabi ko ito sa pananalita ng tao. 6 Hindi maaari! Paano pa hahatulan ng Diyos ang mundo? 7 Kung sa pagsisinungalig ko, dinadakila ang Diyos sa kaniyang katotohanan, bakit hinahatulan pa rin ako na makasalanan? 8 Bakit hindi sabihin, sa ganitong paraan, gaya ng sinasabi ng ilang mga naninira sa amin, "Gumawa tayo ng masama para dumating ang kabutihan?" Patunay na matuwid ang paghahatol sa kanila. 9 Ano ngayon? Mas nakakalamang ba kaming mga Judio kaysa sa kanila? Hindi sa anumang bagay. Napatunayan na natin na ang lahat ay nasa ilalim ng kasalanan, Judio man o Griyego. 10 Ayon sa nasusulat, "Walang matuwid, wala kahit isa." 11 Walang nakakaintindi. Walang humahanap sa Diyos. 12 Nagsilayo silang lahat. Nawalan silang lahat ng halaga. Walang gumagawa ng mabuti sa kanila, wala kahit isa. 13 Parang mga bukas na libingan ang mga lalamunan nila. Nagsasalita ng panlilinglang ang kanilang mga dila. Puno ng kamandag ng ahas ang kanilang mga labi. 14 Ang mga bibig nila'y puno ng pagmumura at mapapait na salita. 15 Mabibilis ang mga paa nila sa pagdanak ng dugo. 16 Ang daan nila'y patungo sa pagkawasak at pagdurusa. 17 Hindi nila alam ang daan sa kapayapaan. 18 Walang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga mata. 19 Ngayon alam natin na anumang sinasabi ng kautusan ay para sa mga taong nasa ilalim ng kautusan, upang matikom ang bawat bibig at managot sa Diyos ang lahat ng tao sa mundo. 20 Sa pagtupad sa kautusan, walang sinumang magiging matuwid sa kaniyang paningin dahil nalalaman ng tao ang kasalanan sa pamamgitan ng kautusan. 21 Ngunit ngayon, ipinapahayag na ang katuwiran ng Diyos na hindi sa pamamagitan ng kautusan. Pinatutunayan ito ng kautusan at ng mga propeta,. 22 At ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng panamapalatayakay Jesu-Cristo ay para sa lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ng tao ay nagkasala at walang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Itinuring silang matuwid nang walang bayad dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtutubos na nakay Cristo Jesus. 25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang handog na pang-alis ng galit sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Ginawa niya ito upang ipakita ang kaniyang katuwiran para sa pagpapalaya sa mga kasalanang nakalipas, 26 para ipakita ang kaniyang katuwiran sa panahong ito. Nangyari ito upang ipakita ang kaniyang katuwiran at itinuturing niyang matuwid ang sinumang sumasampalataya kay Jesus. 27 Nasaan ngayong ang pagmamalaki? Wala itong kuwenta. Anong kautusan ang pinagbabatayan? Sa mga gawa ba? Hindi, kundi ayon sa pananampalataya. 28 Kaya masasabi natin na ang isang tao ay itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na hindi ayon sa mga gawa ng kautusan. 29 Ang Diyos ba ay Diyos lang para sa mga Judio? Hindi ba't siya ay Diyos din ng mga Gentil? Oo, Diyos din siya ng mga Gentil. 30 Kung ang Diyos ay iisa, ituturing niyang matuwid ang mga tuli ayon sa pananampalataya at ang mga hindi tuli ayon din sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-bisa ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi maaari! Sa halip, pinapatupad natin ang kautusan.