Chapter 2

1 Kaya ikaw tao, wala kang maidadahilan kung hinahatulan mo ang iba. Sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili dahil ikaw na humahatol sa iba ay nagsasagawa rin ng mga ganitong gawain. 2 Nalalaman natin na hinahatulan ng Diyos nang may katuwiran ang mga taong nagsasagawa ng mga bagay na iyan. 3 Ikaw tao, inaakala mo bang matatakasan mo ang hatol ng Diyos kung hahatulan mo ang mga nagsasagawa ng ganung bagay pero ginagawa mo rin iyon? 4 Baka akala ninyong laging paiiralin ng Diyos ang yaman ng kaniyang kabutihan at pagtitiis? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ay daan para kayo ay magsisi? 5 Pero dahil sa katigasan ng inyong puso at ayaw ninyong magsisi, nagiipon kayo ng galit para sa inyong sarili na ipapahayag ng Diyos ang kaniyang matuwid na paghatol sa araw ng kaniyang poot. 6 Ibibigay ng Diyos ang nararapat sa bawat isa ayon sa kanilang mga ginawa. 7 Ibibigay ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa kanilang mga nagtiis na gawin ang mabubuting bagay, hangad ang kaluwalhatian, karangalan, at buhay kailanman. . 8 Ngunit sa mga taong makasarili at sa mga taong hindi sumusunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan, tatanggapin nila ang galit at poot ng Diyos. 9 Dadanas ng pag-uusig at kahirapan ang lahat ng taong gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 10 Subalit ipagkakaloob niya ang kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa lahat ng mga taong gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 11 Sapagkat walang pinapanigan ang Diyos. 12 Ang lahat ng nagkasala na wala sa ilalim ng kautusan ay mamamatay rin nang wala sa ilalim ng kautusan. Ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan din ayon sa kautusan. 13 Hindi itinuturing ng Diyos na matuwid sa kaniyang harapan ang mga tagapakinig lang ng kautusan kundi itinuturing nyang matuwid ang mga nagsasagawa ng kautusan. 14 Kung isinasagawa ng mga Gentil ang mga panuntunan ng kautusan kahit na wala sila sa ilalim ng kautusan, para na rin silang sakop ng kautusan ayon sa kanilang mga gawa. 15 Pinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat ang kautusan sa kanilang mga puso habang nagsisilbing saksi ang kanilang mga konsensya. Kaya maaari silang paratangan o ipagtanggol ng kanilang isipan. 16 Magaganap ito ayon sa aking ebanghelyo sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng tao sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 17 Kung tinatawag mo ang sarili mo na Judio at umaasa sa kautusan at nagmamalaki sa Diyos, 18 at inaangkin mong alam ang kaniyang kalooban at sinasang-ayunan mo ang pinakamahusay dahil sa naturuan ka ng kautusan, 19 at kung nakatitiyak mong isa kang gabay sa mga hindi makakita, isang liwanag para sa kanilang nasa kadiliman, 20 tagaoayo ka ng mga hangal, guro ng mga bata, tumatayo bilang tagapagdala ng kaalaman at katotohanan ayon sa kautusan. 21 Ikaw na nagtuturo sa iba, hindi mo rin ba tinuturuan ang iyong sarili? Kung nangangaral ka na huwag magnakaw, hindi ba't nagnanakaw ka rin? 22 Ikaw na nagsasabing huwag silang mangangalunya, hindi ba't nangangalunya ka rin? Ikaw na namumuhi sa mga diyus-diyosan, hindi ba't ninanakawan mo rin ang mga templo? 23 Pinagmamalaki mo ang kautusan pero hindi mo rin ginagalang ang Diyos sa tuwing nilalabag mo ang kautusan. 24 Dahil nasusulat, "Nilalapastangan ng mga Gentil ang pangalan ng Diyos dahil sa inyo." 25 Magkakaroon lang ng saysay ang pagtutuli kung sinusunod ninyo ang kautusan. Pero kung nilalabag ninyo ang kautusan, ang iyong pagtutuli ay para na ring hindi nagpatuli. 26 Kung sinusunod ng isang taong hindi tuli ang kautusan, hindi ba dapat ituring din siyang tuli kahit hindi pa siya nagpapatuli? 27 Kaya maaaring hatulan ng isang taong hindi tuli na nagsasagawa ng kautusan kayong mga tuli pero lumalabag sa kautusan sa pamamagitan ng nakasulat na kautusan. 28 Walang maituturing na Judio batay lang sa panlabas at walang pagtutuli na batay lang sa panlabas at sa laman. 29 Ngunit sa kaniya na Judio sa kalooban at pagtutuli batay sa nilalaman ng kaniyang puso, sa pamamagitan ng Espiritu at hindi sa nakasulat sa takda, makakatanggap siya ng papuri mula sa Diyos at hindi sa tao.