Chapter 4

1 Kung ang tagapagmana ay bata pa, wala rin siyang ipinagkaiba sa isang alipin, kahit na siya ang nagmamay-ari sa lahat ng bagay. 2 Siya ay nasa pangangalaga ng mga patnubay at mga katiwala hanggang sa umabot siya sa panahong itinakda ng kaniyang ama. 3 Gaya rin nito, tayo ay nasa ilalim noon ng mga alituntunin ng daigdig nung tayo'y mga bata pa. 4 Nung dumating ang takdang panahon, ipinadala ng Diyos ang kaniyang Anak, ipinanganak ng isang babae at ipinanganak sa ilalim ng kautusan, 5 para tubusin niya ang mga taong nasa ilalim ng kautusan. Sa gayon, tatanggapin natin ang karapatang maging anak na inampon. 6 Dahil kayo ay kaniyang mga anak, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso na tumatawag ng, "Abba! Ama ko!" 7 Kaya hindi na kayo mga alipin kundi mga anak. At kung kayo'y mga anak, kayo'y mga tagapagmana rin sa pamamagitan ng Diyos. 8 Noong hindi niyo pa nakikilala ang Diyos, nagpapaalipin kayo sa mga bagay na hindi totoong mga dios. 9 Ngayong kilala na ninyo ang Diyos, o kilala kayo ng Diyos, bakit kayo nagsisibalik sa mga mahina at mga walang kabuluhang tuntunin ng mundo? Nais niyo bang magpaaliping muli sa mga ito? 10 Lagi kayong nakamasid sa mga araw, at buwan, mga panahon at mga taon! 11 Nangangamba tuloy akong baka mawalan nang kabuluhan ang pinaghirapan ko sa inyo. 12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, maging kagaya niyo ako dahil ako ay naging kagaya rin ninyo. Wala kayong ginawang mali sa akin. 13 Alam ninyong nangaral ako sa inyo ng ebanghelyo nung una kahit na may sakit ako sa katawan. 14 Kahit na pinag-alala ninyo ang aking sakit sa katawan, hindi ninyo ako hinamak o binalewala. Kundi tinanggap niyo ako gaya ng isang anghel ng Diyos, o gaya na rin ni Cristo Jesus. 15 Anong nangyari sa mga pagpapalang inyong tinanggap? Dahil naniniwala ako, kung ito'y nararapat, dinukot na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay ang mga ito sa akin. 16 Itinuring niyo ba akong kaaway dahil nagsasabi ako sa inyo ang totoo? 17 Sinisikap nilang abutin kayo pero mali ang kanilang motibo.Gusto nila kayong hikayatin para maging masigasig din kayong tulad nila. 18 Laging maganda kung may ginagawa tayo para sa magandang layunin at hindi lang tuwing magkakasama tayo. 19 Mga maliliit kong anak, para na rin akong nagsisilang na muli ng sanggol hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo. 20 Sana naririyan akong kasama ninyo para baguhin ko ang tono ng aking pananalita dahil naiinis ako sa inyo. 21 Sabihin niyo sa akin, kayong mga gustong magpasailalim sa kautusan, hindi ba ninyo pinapakinggan ang sinasabi ng kautusan? 22 Sapagkat nasusulat, nagkaroon ng dalawang anak si Abraham: ang isa'y mula sa aliping babae at ang isa'y mula sa malayang babae. 23 Ang anak mula sa aliping babae ay ayon sa laman habang ang anak mula sa malayang babae ay isinilang dahil sa pangako. 24 Ang pagpapaliwanag nito ay paghahalintulad: ang dalawang babaeng ito ay katulad ng dalawang uri ng kasunduan. Ang nauna ay nagmula sa Bundok ng SInai. Nagsisilang siya para sa pagkaalipin. Siya si Hagar. 25 Ang Bundok ng Sinai sa Arabia ay si Hagar. Tumutugma ito ngayon sa Jerusalem dahil isa siyang alipin gaya na rin ng kaniyang mga anak. 26 Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya. Siya ang ina nating lahat. 27 Sapagkat nasusulat, "Magalaka ka, ikaw na babang baog na hindi nanganganak, Magsaya ka at sumigaw, ikaw na hindi nagsisilang. Dahil mas marami pang anak ang baog na babae kaysa sa babaeng may asawang lalake. v 28 Mga kapatid, kayo'y naging katulad ni Isaac dahil kayo'y mga anak sa pamamagitan ng pangako. 29 Katulad noong panahon, inuusig ng anak na ipinanganak ayon sa laman ang anak na ipinanganak ayon sa espiritu. Nagpapatuloy ito hanggang sa ngayon. 30 Ngunit anong sinabi ng banal na kasulatan? Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak sapagkat hindi tatanggapin ng anak ng aliping babae ang mamanahin ng anak ng malayang babae. 31 Mga kapatid, hindi tayo anak ng aliping babae kundi ng malayang babae.