Chapter 3

1 Mga hangal na taga-Galacia kayo! Sino ang kumulam sa inyo? Hindi ba't lantarang nakita ng inyong mga mata na ipinako si Cristo sa krus? 2 Tatanungin ko kayo: Tinanggap niyo ba ang Espiritu dahil sa pagsunod sa kautusan o dahil sumampalataya kayo sa inyong napakinggan? 3 Ganun ba kayo kahangal? Nagsimula na kayo sa Espiritu, magiging ganap ba kayo dahil sa laman? 4 Marami ba kayong pinagdusahan para lang mapunta sa walang kabuluhang bagay? O baka napunta lang talaga sa wala? 5 Siya na nagbibigay sa inyo ng kaniyang Espiritu at gumagawa ng mga himala sa inyo, ginawa niya ba ito sa pagsunod sa kautusan, o sumampalataya siya sa kaniyang napakinggan? 6 Gaya ni Abraham, sumampalataya siya sa Diyos at itinuring sa kaniya ito na katuwiran. 7 Tandaan niyo na silang sumasampalataya ang itinuturing na mga anak ni Abraham. 8 Maging sa banal na kasulatan, makikita rito kung paanong itinuturing ng Diyos na matuwid ang mga Gentil ayon sa kanilang pananampalataya. Pinahayag nito noonpaman kay Abraham, "Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ko ang lahat ng mga bansa." 9 Kaya ang lahat ng taong may pananampalataya ay pinagpala kasama ni Abraham, ang tapat. 10 Lahat ng umaasa sa pagsunod sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa. Sapagkat nasusulat, "Sumpain ang sinumang hindi tumutupad sa lahat ng nakasulat na dapat nilang gawin sa Aklat ng Kautusan. 11 Malinaw ngayon na walang sinumang itinuturing na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan dahil, "Ang matuwid ay mamumuhay ayon sa kaniyang pananampalataya." 12 Pero ang kautusan ay hindi galing sa pananampalataya. Sa halip, "Ang taong nagsasagawa ng mga ito ay mamumuhay ayon sa kanila." 13 Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan para siya ang naging sumpa para sa atin. Sapagkat nasususlat, "Sumpain ang sinumang ibinitin sa isang puno." 14 Naganap ito upang sa pamamagitan ni Cristo Jesus, makakarating ang pagpapala ni Abraham sa mga Gentil. Sa gayon, tatanggapin natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya. 15 Mga kapatid, magsasalita ako sa karaniwang pagsasalita. Gaya ng isang tipanan ng tao, walang sinumang puwedeng magpawalang-bisa o magdadag dito kung ito'y napagkasunduan na. 16 Ibinigay ang mga pangako kay Abraham at sa kaniyang anak. Hindi nito sinasabing para sa mga anak, na tumutukoy sa marami, kundi para sa iiisang anak lamang, na si Cristo. 17 Gusto kong linawin ito: Ang kautusan ay ibinigay pagkalipas ng 430 na taon pero hindi nito pinawalang-bisa ang tipanan na pinagtibay ng Diyos para hindi niya tuparin ang pangako. 18 Kung ang ipinamana ay kayang makamtan sa kautusan, hindi ito tatanggapin bilang isang pangako. Pero ibinigay ng Diyos ang pamana kay Abraham sa pamamagitan ng pangako. 19 Bakit ibinigay ang kautusan? Idinagdag ito dahil sa mga paglabag hanggang sa dumating ang anak para sa mga taong pinangakuan nito. Ipinatupad ito ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. 20 Ipinapahiwatig na higit pa sa isang tao kung may namamagitan. Pero ang Diyos ay iisa. 21 Sa gayon, ang kautusan ba ay sumasalungat sa mga pangako ng Diyos? Hindi maaari! Kung may kakayanan ang kautusan na magbigay ng buhay, tiyak na magmumula ang katuwiran sa pamamagitan ng kautusan. 22 Ngunit ikinulong ng banal na kasulatan ang lahat ng tao sa ilalim ng kasalanan. Nangyari ito para ang pangako ng Diyos ay maibigay ayon sa pananampalataya kay Jesus Cristo sa kanilang sumasampalataya. 23 Bago dumating ang pananampalataya, tayong lahat ay sa ilalim ng kautusan, nakakulong dito hanggang sa maipahayag ang pananampalataya. 24 Kaya ang kautusan ang siyang pumatnubay sa atin hanggang sa dumating si Cristo upang maituring niya tayong matuwid. 25 Ngayong dumating na ang pananampalataya, hindi na tayo sakop ng isang patnubay, 26 Sa pamamagitan ni Cristo Jesus, kayong lahat ay naging mga anak ng Diyos sa inyong pananampalataya. 27 Sa inyong mga nabautismuhan kay Cristo, isinuot ninyo si Cristo gaya ng isang damit. 28 Walang pagkakaiba ang Judio o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. 29 Kung kayo ay kay Cristo, kayo rin ay mga anak ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako.