Chapter 2

1 Pagkatapos ng labing-apat na taon, bumalik ako sa Jerusalem kasama si Bernabe. Sinama ko rin si Tito. 2 Pumunta ako dahil sa pahayag na tinanggap ko mula sa Diyos. Nakipag-usap ako nang palihim sa ilan sa mga matataas na pinuno. Pinaalam ko sa kanila ang plano kong ipahayag ang ebanghelyo sa mga Gentil. Ginawa ko ito para makasigurong hindi ako tumatakbo, o tumakbo nang walang kabuluhan. 3 Ngunit kahit ang kasama kong si Tito ay hindi pinilit na tuliin kahit isa siyang Griyego. 4 Pero pinasok tayo ng ilang mga nagkukunwaring mga kapatid, sinubukan nilang dayain tayo para agawin sa atin ang kalayaang tinanggap natin kay Cristo Jesus para ibalik tayo sa pagkaalipin. 5 Hindi namin sila binigyan ng pagkakataong makapandaya kahit minsan para patuloy naming maipahayag ang ebanghelyo sa inyo. 6 Tungkol naman sa iilang mga kinikilalang pinuno, wala silang nagawa sa akin. Kung anuman ang kinatatayuan nila, hindi ito mahalaga dahil hindi nagtatangi ang Diyos. 7 Sa halip, nakita nila na pinagkatiwala sa akin ang pangangaral sa mga hindi tuli at kay Pedro pinagkatiwala ang pangangaral sa mga tuli. 8 Ang Diyos na gumagalaw sa paglilingkod ni Pedro bilang apostol sa mga tuli ay gumagalaw din sa paglilingkod ko sa mga Gentil. 9 Nung maunawaan nina Santiago, Cepas, at Juan, mga kinikilalang mga haligi, ang biyayang ibinigay sa akin, pinagkaloob nila sa amin ni Bernabe ang kamay ng pagpapala para magtungo kami sa mga Gentil at magtungo naman sila sa mga tuli. 10 Pinagbilin lang nila sa amin na alalahanin ang mga mahihirap. Ang bagay na ito ay gusto ko ring gawin. 11 Pero nang dumating si Cepas sa Antioquia, harapan kong siyang tinutulan dahil mali na ang ginagawa niya. 12 Bago pa dumating ang ilang mga kapatid galing kay Santiago, kasama pa niyang kumain sa hapag ang mga Gentil. Pero nang dumating sila, bigla niyang nilayuan sila at iniwasan ang mga Gentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagsusulong ng pagtutuli. 13 Ganun din ang ginawa ng ilang mga Judio sa kanilang pagkukunwari. Muntik nga nilang idamay pati si Bernabe sa kanilang pagkukunyari. 14 Nung nakita kong hindi na ayon sa katotohanan ng ebanghelyo ang kanilang inaasal, sinabi ko kay Cepas sa harap nilang lahat, "Kung ikaw na Judio, ay namumuhay gaya ng Gentil at hindi Judio, paano mo mahihikayat ang mga Gentil na mamuhay gaya ng mga Judio?" 15 Pinanganak tayo na mga Judio at hindi mga Gentil na makasalanan. 16 Alam nating hindi nagiging matuwid ang isang tao dahil sa pagtupad niya sa kautusan kundi sa pananampalataya kay Jesu Cristo. Sumampalataya rin tayo kay Jesus para maging matuwid ayon sa pananampalataya kay Cristo, hindi sa pagtupad sa kautusan. Walang sinumang magiging matuwid dahil sa pagtupad sa kautusan. 17 Kung sa pagsisikap naming maging matuwid para kay Cristo ay ituturing din kaming makasalanan, si Cristo ba ay lingkod din ng kasalanan? Hindi maaari! 18 Kung muli kong ipapatayo ang bagay na akin nangg winasak, patunay lang nito na isa akong makasalanan. 19 Sa pamamagitan ng kautusan, namatay ako sa kautusan upang mamuhay ako para sa Diyos. 20 Ipinako akong kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin. Ang buhay na itong pinapamuhay ko sa laman, ipinapamuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at nagbigay ng kaniyang buhay para sa akin. 21 Hindi ko pinapawalang-bisa ang biyaya ng Diyos. Kung kayang makamit ang katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, mawawalan nang saysay ang pagkamatay ni Cristo.