Chapter 3

1 Dahil sa layuning ito, ako si Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus para sa inyong mga Gentil. 2 Marahil napakinggan na ninyo anf tungkol sa panahon ng pamamahagi ng biyaya ng Diyos na unang binigay sa akin at para rin sa inyo. 3 Isinusulat ko rin sa iilang mga salita kung paanong ang kapahayagan niya ay ipinakita niya sa akin ang misteryong ito. 4 Kaya sa oras na binabasa niyo ito, naiintindihan niyo rin ang naunawaan ko tungkol sa misteryo ni Cristo, 5 na hindi pinakita sa mga naunang henerasyon ng tao at pinapahayag na ngayon ng kaniyang mga apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Espiritu. 6 Nangyari ito para ang mga Gentil ay maging mga kapwa tagapagmana, maging kabahagi, at makakatanggap ng mga pangako ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 7 Dahil dito, ako ay naging lingkod niya sa pamamagitan ng biyayang kaloob ng Diyos na ibinigay sa akin ayon sa pagkilos ng kaniyang kapangyarihan. 8 Ibinigay ng Diyos sa akin ang kaloob na ito kahit na ako ang pinakahamak sa mga pinili ng Diyos. Sa kaloob na ito, dapat kong ipahayag sa mga Gentil ang ebanghelyo ng hindi masukat na kayamanan ni Cristo. 9 Kailangan kong ipaliwanag sa lahat ng tao tungkol sa lihim na plano ng Diyos. Ito ang plano nakalihim ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay noong unang panahon. 10 Nagaganap iito upang maipahayag sa pamamagitan ng iglesiya ang napakalawak na kaalaman ng Diyos sa mga namumuno at makapangyarihang nilalang sa kalangitan 11 ayon sa walang hanggang layunin na itinakda ni Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil kay Cristo, may lakas na loob at pinahintulutan tayong may kasiguruhan sa ating pananampalataya sa kaniya. 13 Kaya nangungusap ako sa inyong huwag kayong panghinaan ng loob dahil sa mga pagpapasakit ko para sa inyo para na rin sa ikararangal ninyo, 14 Dahil dito, lumuluhod ako sa Ama, 15 kung saan nagmula ang bawat pamilya sa langit at sa lupa, 16 na mula sa yaman ng kaniyang kadakilaan, bigyan niya kayo ng lakas ng loob at kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu, 17 para manahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa gayon, kayo ay mag-uugat at lalago sa kaniyang pag-ibig, 18 at para magkaroon kayo ng kakayanang unawaan ang lawak, laki, taas, at lalim ng kaniyang pag-ibig kasama ng mga banal, 19 at para malaman niyo rin ang pag-ibig ni Cristo na higit pa sa lahat ng kaalaman at upang mapuno kayo ng kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon sa kaniya na may kakayanang gumawa nang higit pa sa kaya nating hilingin o isipin ayon sa kapangyarihan niyang kumikilos sa atin, 21 sa kaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya at kay Cristo Jesus sa lahat ng henerasyon ngayon at magpakailanman. Amen.