Chapter 4

1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba, mahinahon, at may katiyagaan. Tanggapin ninyo ang bawat isa nang may pagmamahal . 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan. 4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad nang pagtawag sa inyo sa iisang pag-asa na inyong pagkatawag. 5 Iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo, 6 at iisang Diyos at Ama ng lahat, na nakakahigit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat. 7 Binigyan ang bawat-isa sa atin ng kaloob ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. 8 Katulad ng sinabi sa kasulatan: "Noong umakyat siya sa itaas, dinala niya ang mga bihag sa pagkabihag. Binigyan niya ng kaloob ang mga tao." 9 Anong kahulugan ng, "Umakyat siya," para din ipakita na bumaba rin siya sa mababang bahagi ng mundo? 10 Siya na bumaba ay siya ring umakyat sa ibabaw ng buong kalangitan, para punuin niya ang lahat ng mga bagay. 11 At binigyan niya ng kaloob ang ilan na maging mga apostol, propeta, ebanghelista, pastor, at guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at pagpapatibay ng katawan ni Cristo, 13 para maabot nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya at makilala ang Anak ng Diyos, at para lumago sa pamumuhay ayon sa kapuspusan na itinakda ni Cristo. 14 Sa gayon, hindi na tayo maging tulad ng mga bata na madaling naliligaw at hindi na tayo natatangay palayo dahil sa mga maling katuruan, sa pandaraya ng mga tao, at panlilinlang. 15 Sa halip, masabi natin ang katotohanan nang may pag-ibig at lumago tayo sa lahat ng bagay sa kaniya, ang ulo na si Cristo. 16 Sa kanya nakaugnay ang buong katawan, magkarugtong at dikit-dikit. Magkakadugtong ang bawat bahagi upang lumago ang buong katawan at tumibay sa pag-ibig. 17 Kaya sinasabi ko sa inyo at nagpapatotoo ako sa Panginoon na huwag na kayong lumakad gaya ng paglakad ng mga Genil ayon sa mga walang kabuluhang bagay. 18 Nadidiliman ang kanilang pag-iisip, malayo ang buhay nila sa DIyos dahil sa kamangmangan at sa matigas nilang puso, 19 at nagpasakop sila sa kahalayan, sa lahat ng maruruming gawain, at naging sakim. 20 Pero hindi ganyan ang natutunan niyo kay Cristo, 21 Tunay na napakinggan ninyo siya at tinuruan ayon sa katotohan tungkol kay Cristo. 22 Tungkol sa dati ninyong pamumuhay, tinuruan kayong hubarin ang dating pagkatao na patuloy na sumasama dahil sa masamang pagnanasa. 23 Sa gayon, magkakaroon kayo ng bagong pag-iisip, 24 at isuot ninyo ang bagong pagkatao. Nilikha kayo na maging katulad ng Diyos sa katuwiran, kabanalan, at katotohanan. 25 Kaya dapat ninyong iwan ang lahat ng pagsisinungaling at magsabi ng totoo sa kanyang kapwa dahil tayong lahat ay mga bahagi ng iisang katawan. 26 Iwasan ninyong magkasala tuwing magagalit kayo. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na nagagalit kayo. 27 Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Sabihan ninyong huwag nang magnakaw ang nagnanakaw kundi magtrabaho siya at magsikap sa buhay sa sarili niyang mga kamay para mayroon siyang maibahagi sa nangangailangan. 29 Huwag kayong magsalita ng masamang bagay kundi ang mga salitang makapagbibigay ng lakas sa nangangailangan. 30 At huwag ninyong sasaktan ang damdaming ng Banal na Espiritu ng Diyos dahil tinatakan niya kayo para sa araw ng pagtutubos. 31 Alisin ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, sa isa't isa. 32 Maging mabuti kayo at mahabagin sa isa't isa. Magpatawaran kayo katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.