Chapter 3

1 Sa kaparehong dahilan, magpasakop kayong mga asawang babae sa inyong asawang lalaki. Gawin ninyo ito para mahikayat ninyo sa pamamagitan ng salita ang mga asawa ninyong di-mananampalataya sa pamamagitan ng marangal niyong pag-uugali, 2 bilang mga nakakasaksi sa magalang at dalisay na pamumuhay. 3 Huwag kayong mahilig sa kagandahang panlabas--sa pagtitirintas ng buhok, mga mamahaling alahas, o mga damit na isinusuot. 4 Sa halip, mas bigyan niyo ng pansin ang magandang kalooban mula sa puso na may nagtatagal na kagandahan ng mahinahon at tahimik na espiritu dahil mahalaga ito sa harapan ng Diyos. 5 Sa ganitong paraan ipinapakita ng mga dakilang babae ang kanilang kagandahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapasakop nila sa kanilang mga asawa. 6 Sa ganitong paraan, sinunod ni Sarah si Abraham at tinawag na siyang panginoon. Kayo rin ay magiging mga anak niya kung gagawin ninyo ang tama at hindi kayo matatakot na humarap sa mga pagsubok. 7 Sa ganito ring paraan, dapat mamuhay ang inyong mga asawang lalaki na isinasaisip ang mas mahinang pangangatawan ng inyong asawang babae. Dapat niyo silang galangin bilang mga kapwa tagapagmana sa biyaya ng buhay. Gawin ninyo ito para walang maging hadlang sa inyong mga panalangin. 8 Higit sa lahat, dapat magkaroon kayo ng kaparehong isip, mahabagin, mapagmahal sa mga kapatid, maunawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama o panlalait ang panlalait. Sa halip, maging pagpapala kayo sa kanila dahil ito ang dahilan ng inyong pagkatawag at para manahin niyo rin ang pagpapala. 10 Ang sinumang nagmamahal sa buhay at nagnanais na magkaroon ng masayang buhay ay dapat tumigil sa pagsasalita ng mali at pagsisinungaling. 11 Dapat niyang layuan ang mga gawaing masama at gawin niya ang mabuti. Dapat niyang hanapin ang kapayapaan at magpatuloy siya rito. 12 Ang mga mata ng Panginoon ay nakatuon sa mga mabubuting tao at dinirinig niya ang kanilang mga panalangin. Ngunit ang mukha ng Panginoon ay kalaban sa mga gumagawa ng masama. 13 Sino ang taong magbabalak ng masama sa inyo kung gagawin mo ang mabuting bagay? 14 Ngunit kung magdurusa kayo dahil sa katuwiran, mapalad kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang mga bintang at huwag kayong mangamba. 17 15 Ituring ninyong banal ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso. Maging handa kayong laging humarap sa sinumang nagtatanong tungkol sa pag-asang nasa inyo. 16 Gawin niyo ito nang may kababaang-loob at paggalang. Maging malinis ang inyong kunsensiya para kaya niyong harapin ang lahat ng paninirang-puri ng mga taong gustong sirain ang maganda mong pamumuhay kay Cristo at para mapahiya sila. Mas mabuti pa, kung kalooban ng Diyos, na magdusa kayo para sa katuwiran kaysa sa paggawa ng masama. 18 Minsan lang nagdusa si Cristo para sa mga kasalanan. Siya ay matuwid na nagdusa para sa atin na hindi matuwid. Ginawa niya ito para mailapit niya tayo sa Diyos. Pinatay nila siya sa kaniyang katawan pero binuhay siya ng Espiritu. 19 Sa pamamagitan ng Espiritu, humayo siya at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan. 20 Sila'y masuwayin noong sinusubukan nila ang pagtitiis ng Diyos sa kapanahunan ni Noe, sa mga araw ng paggawa ng arko. Kaunti lang ang iniligtas ng Diyos--walong kaluluwa, sa pamamagitan ng tubig. 21 Ito ang paglalarawan sa bautismo ng inyong kaligtasan--hindi para linisin ang dumi ng inyong katawan kundi pagpahayag ng mabuting kunsensiya sa Diyos sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli ni Jesu Cristo. 22 Si Cristo ay nasa kanang kamay ng Diyos. Nagtungo siya sa langit. Nagpapasakop sa kaniya ang mga anghel pati ang mga kapangyarihan, at mga pamunuan.