Chapter 2

1 Kaya nga tigilan niyo na ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng panloloko, pagkukunyari, inggit, at lahat ng paninirang-puri. 2 Bilang mga bagong silang, nasain ninyong uminom ng purong espirituwal na gatas na makakatulong para lumago kayo sa kaligtasan, 3 kung natikman ninyo ang kabutihan ng Panginoon. 4 Lumapit kayo sa kaniya na buhay na bato na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na mahalaga sa kaniya. 5 Kayo rin ay katulad ng mga buhay na bato na binubuo para maging isang espirituwal na bahay upang kayo'y maging mga banal na pari na nag-aalay ng mga espiritual na handog na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 6 Sinasabi ng kasulatan, "Tingnan niyo, naglalatag ako sa Zion ng panulukang bato, pinili at mahalaga. Ang sinumang maniwala sa kaniya ay hindi mapapahiya." 7 Mahalaga siya para sa inyo na naniniwala. Pero sa kanilang hindi naniniwala, "Ang batong itinakwil ng mga manggagawa ang naging bato ng pundasyon," 8 at, "Isang bato ng katitisuran at batong nagpapabagsak sa kanila." 9 Ngunit kayo ay isang piniling bayan, mga paring dakila, isang banal na bayan, isang bayan na pag-aari ng Diyos, para ipahayag ninyo ang mga kamangha-manghang gawa niya na nagdala sa inyo sa kaniyang dakilang liwanag mula sa kadiliman. 10 Noon, hindi niya kayo itinuturing na bayan niya pero ngayon, kayo na ang bayan ng Diyos. Noon, hindi ninyo tinanggap ang kaniyang awa pero ngayon, tinanggap ninyo ang kaniyang awa. 11 Mga minamahal, kinakausap ko kayo bilang mga dayuhan at manlalakbay: labanan ninyo ang mga tukso ng laman na nakikipaglaban sa inyong kaluluwa. 12 Dapat maging marangal ang pamumuhay niyo sa harapan ng mga Hentil para pag pipintasan nila kayo na makasalanan, saksi rin sila ng mga mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating. 13 Magpasakop kayo sa bawat pinunong itinalaga para sa Panginoon. Sundin ninyo ang mga hari na siyang pinakamataas sa lahat 14 pati ang mga gubernador na itinalaga para parusahan ang mga gumagawa ng masama pero pinapupurihan naman ang mga gumagawa ng mabuti. 15 Ito ang kalooban ng Diyos na pag gagawin ninyo ang mabuti, pinipigilan ninyong magsalita ang mga taong hangal. 16 Bilang isang bayang malaya, huwag ninyong gagamitin ang inyong kalayaan para pagtakpan ang inyong masasamang gawa kundi maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos. 17 Bigyan niyo ng galang ang lahat ng tao. Mahalin ninyo ang inyong mga kapatid. Parangalan ninyo ang hari. 18 Mga lingkod, magpasakop kayo sa inyong mga amo nang may buong paggalang. Magpasakop kayo huwag lang sa mga mabubuti at mahinahong amo kundi pati na sa mga malulupit na amo. 19 Dahil kapuri-puri sa isang taong nagdurusa para sa katuwiran kung alam niyang nakikita ito ng Diyos. 20 Anong pakinabang sa iyo kung nagdurusa ka dahil sa iyong kasalanan? Kung ginawa mo ang tama pero nagdusa ka dahil sa pag-uusig, ito ay kapuri-puri sa harapan ng Diyos. 21 Ito ang dahilan bakit kayo tinawag dahil nagdusa si Cristo para sa inyo. Nagbigay siya ng halimbawa na dapat ninyong sundin. 22 "Wala siyang ginawang anumang kasalanan at walang lumabas sa kaniyang bibig na kasinungalingan." 23 Nung kinutya nila siya, hindi siya naghiganti. Nung pinahirapan siya, hindi siya nagbanta ng pananakot. Ipinagkatiwala niya ang kaniyang sarili sa kaniya na naghahatol sa katuwiran. 24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan doon sa krus para mamatay tayo sa kasalanan at mabuhay tayo sa katuwiran. Gumaling kayo sa pamamagitan ng kaniyang mga sugat. 25 Naligaw kayong lahat gaya ng mga ligaw na tupa pero ngayon kayo'y natagpuan ng pastrol at nangangalaga sa inyong mga kaluluwa.