12

1 At sinabi ni Yahweh kay Abram, "Lisanin mo ang bansang iyong kasalukuyang tinitirahan. Lisanin mo ang angkan at pamilya ng iyong ama at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo. 2 Gagawin kong malaking bansa ang iyong mga kaapu-apuhan. Pagpapalain kita at gagawin kitang tanyag. Magiging pagpapala sa iba ang ginagawa ko para sa iyo. 3 Pagpapalain ko ang sinumang magpapala sa iyo at susumpain ko ang gagawa ng kasamaan sa iyo. Pagpapalain ko ang lahat ng mga angkan sa mundo sa pamamagitan mo." 4 Kaya nilisan ni Abram ang Haran, gaya ng sinabi ni Yahweh sa kaniya. Si Abram ay pitumpu't limang taong gulang nang lumisan siya roon kasama ang kaniyang pamilya at pamilya ni Lot. 5 Isinama ni Abram ang asawa niyang si Sarai at ang kaniyang lalaking pamangkin na si Lot; dinala din niya ang lahat ng kaniyang mga ari-arian at mga aliping natipon sa Haran. Umalis sila roon at nagtungo sa lupain ng Canaan. 6 Sa Canaan, naglakbay sila hanggang sa Shekem at nagkampo sa may malaking puno na tinatawag na Moreh. Nang nangyari ito, naninirahan na mga Cananeo sa lupaing iyon. 7 Saka nagpakita si Yahweh kay Abram at sinabi sa kaniya, "Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong mga kaapu-apuhan". Saka nagtayo ng altar si Abram para maghandog ng alay para kay Yahweh na nagpakita sa kaniya. 8 Mula sa Shekem, naglakbay si Abram at ang kaniyang pamilya patungo sa mga burol na nasa silangan ng Bethel. Pakanluran ang Bethel kung saan nagtayo sila ng kanilang tolda at ang Ai ay pasilangan. Gumawa siya roon ng isa pang altar para maghandog ng alay at sinamba niya si Yahweh roon. 9 Pagkatapos lumisan sila roon at patuloy na naglakbay patimog sa desyerto ng Negeb. 10 Nagkaroon ng taggutom sa lupain, kaya patuloy silang pumunta sa timog para pansamantalang mamuhay sa lupain ng Ehipto, dahil labis ang kakulangan ng pagkain sa lupain na kanilang tinitirhan. 11 Nang papalapit na sila sa lupain ng Ehipto, sinabi ni Abram sa kaniyang asawang si Sarai, "Makinig ka, alam kong napakaganda mong babae. 12 Kapag nakita ka ng mga taga-Ehipto, sasabihin nilang, 'Asawa niya ang babaeng ito!' at papatayin nila ako, pero hindi ka nila papatayin. 13 Kaya hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa kanila na kapatid kita para maging ligtas ako at hindi nila papatayin dahil sa iyo." 14 At iyon nga ang nangyari. Sa sandaling nakarating sila sa Ehipto, nakita ng mga taga-Ehipto ang kaniyang asawa na talaga ngang napakaganda. 15 Nang makita siya ng mga opisyales ng hari, sinabihan nila ang hari kung gaano siya kaganda. Saka dinala siya ng hari sa kaniyang palasyo. 16 Maganda ang pakikitungo ng hari kay Abram nang dahil kay Sarai, at binigyan niya si Abram ng mga tupa at baka, mga asno at mga lalaki't babaeng alipin at mga kamelyo. 17 Pero dahil kinuha ng hari para maging asawa si Sarai na asawa ni Abram, pinahirapan ni Yahweh ang hari at ang kaniyang sambahayan sa pamamagitan ng kakilakilabot na mga sakit. 18 Kaya pinatawag ng hari si Abram at sinabi sa kaniya, "Kakilakilabot na bagay ang ginawa mo sa akin! Bakit hindi mo sinabi sa akin na asawa mo siya? 19 Bakit mo sinabi na kapatid mo siya, kaya kinuha ko siya para maging asawa? Hindi mo sana dapat ginawa iyon! Kaya ngayon kunin mo ang iyong asawa, iwanan niyo na ang lugar na ito at umalis na kayo rito!" 20 Pagkatapos iniutos ng hari sa kaniyang mga opisyales na paalisin si Abram at ang kaniyang asawa pati na ang lahat ng kaniyang mga ari-arian patungong Ehipto.