1

1 Noong simula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. 2 Nang simulan niyang likhain ang mundo, wala itong hugis ni anyo. Kadiliman ang bumabalot sa ibabaw ng malalim na tubig. At kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig. 3 Sinabi ng Diyos, "Inuutos ko na magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. 4 Nalugod ang Diyos sa liwanag. Pagkatapos pinaningning niya ang liwanag sa ilang lugar sa ilang panahon, habang sa ilang lugar ay mayroon pa ding kadiliman. 5 Pinangalanan niya ang liwanag na "araw" at pinangalanan niya ang kadiliman na "gabi." Naggabi at nag-umaga, ito ang unang araw. 6 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Inuutos ko na magkaroon ng puwang na hahati sa tubig sa dalawang bahagi." 7 At nangyari iyon. Ginawa ng Diyos ang kalawakan at hiniwalay nito ang tubig na nasa itaas nito mula sa tubig sa lupa na nasa ilalim nito. 8 Pinangalanan ng Diyos ang puwang na "langit." Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalawang araw. 9 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Inuutusan ko ang tubig na nasa ilalim ng langit na magtipon at ang tuyong lupain na lumitaw at pumaitaas rito". At nangyari iyon. 10 Binigyan ng Diyos ang lupain ng pangalang "lupa" at binigyan niya ang nagtipong tubig ng pangalang "dagat." Nalugod ang Diyos sa lupat at sa dagat. 11 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Inuutusan ko ang mundo na magkaroon ng maraming uri ng mga halaman na nagpaparami ng kanilang mga sarili—mga halaman na nagbibinhi at mga punong namumunga na may mga buto sa loob nito. At nangyari iyon. 12 Pagkatapos tumubo ang mga halaman sa mundo. Nagsimulang magbinhi ang bawat uri ng halaman at ang bawat uri ng punong kahoy, nagkaroon ng bunga na may mga buto sa loob nito. Nalugod ang Diyos sa mga halaman at sa mga punong kahoy. 13 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikatlong araw. 14 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Inuutusan ko ang mga liwanag na magningning sa langit. Ipakikita ng mga ito ang kaibahan ng umaga sa gabi. Sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang anyo, ipahihiwatig nila ang panahon ng iba't ibang mga pagdiriwang at iba pang mga bagay na ginagawa ng mga tao sa itinakdang mga panahon at itinakdang mga taon. 15 Nais ko ring magningning ang mga liwanag na ito na nasa langit pababa sa mundo." At nangyari iyon. 16 Ginawa ng Diyos ang dalawa sa mga ito na maging napakalaking mga liwanag. Ang pinakamalaki, ang araw, ginawa niya para pamahalaan ang araw at ang isa na mas maliit, ang buwan, ginawa niya para pamahalaan ang gabi. Ginawa rin niya ang mga bituin. 17 Inilagay ng Diyos ang lahat ng mga ito sa langit upang magliwanag sa mundo, 18 upang pamahalaan ang araw at ang gabi, at upang ihiwalay ang liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi. Nalugod ang Diyos sa mga liwanag. 19 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikaapat na araw. 20 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Mapuno ang katubigan ng lahat ng mga uri ng nilalang, hayaang lumipad ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa puwang sa kalangitan.” 21 Kaya nilikha ng Diyos ang lahat ng nilalang sa karagatan at himpapawid. Nalugod ang Diyos sa mga ito. 22 Kaya pinagpala ng Diyos ang mga ito. Sinabi niya, "Gumawa kayo ng maraming supling at magpakarami. Gusto ko na mamuhay ang mga nilalang sa tubig sa buong katubigan at ang mga ibon na maging napakarami din." 23 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalimang araw. 24 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Inuutusan ko ang lupa na magkaroon ng iba't ibang mga uri ng mga hayop na nagpaparami ng kanilang sarili upang mamuhay sa mundo. Magkaroon ng maraming mga uri ng maaamong hayop, mga nilalang na gumagapang sa lupa at malalaking mabangis na hayop." At nangyari iyon. 25 Ginawa ng Diyos ang lahat ng mga uri ng mga mababangis at maaamong mga hayop at ang lahat ng mga uri ng mga nilalang na gumagapang sa lupa. Silang lahat, makakapag paparami ng kanilang uri. Nalugod ang Diyos sa mga ito. 26 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Lalangin natin ang sangkatauhan na maging katulad natin. Gusto kong pamunuan nila ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa langit, ang lahat ng maaamong mga hayop, at lahat ng iba pang mga nilalang na gumagalaw sa ibabaw ng lupa. 27 Kaya nilalang ng Diyos ang sangkatauhan na kawangis niya sa maraming mga kaparaanan. Nilalang niya sila na maging katulad ng kanyang sarili. Nilalang niya sila na lalaki at babae. 28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabing, "Magkaroon kayo ng maraming anak na mamumuhay sa buong mundo at pamunuan ito. Gusto kong pamunuan ninyo ang mga isda sa dagat at mga ibon sa langit at ang lahat ng mga nilalang na gumagalaw sa ibabaw ng lupa. 29 Sinabi ng Diyos, "Tingnan ninyo! Ibinigay ko sa inyo lahat ng mga halaman na nagbibigay ng mga binhi sa buong mundo, at ang lahat ng mga punong kahoy na nagbibigay ng bunga. Para sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito upang kainin. 30 Ibinigay ko ang lahat ng mga luntiang halaman para maging pagkain ng lahat ng mababangis na hayop, para sa mga ibon, at para sa lahat ng mga nilalang na gumagalaw sa ibabaw ng lupa, iyon ay, para sa lahat ng bagay na may hininga na nagbibigay buhay". At nangyari iyon. 31 Nalugod ang Diyos sa lahat ng bagay na ginawa niya. Tunay na napakabuti ng lahat ng mga ito. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw.