8 1 Noong bumaba si Jesus mula sa burol, maraming tao ang sumunod sa kaniya. 2 Masdan, isang ketongin ang lumapit at lumuhod sa kaniya, sinasabing, "Panginoon, kung iyong nais, maaari mo akong gawing malinis." 3 Inabot ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya sinasabing, "Nais ko. Maging malinis ka." Agad siyang nalinis sa kaniyang ketong. 4 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Huwag mo itong sabihin kahit kanino man. Humayo ka sa iyong daan, magpakita ka sa pari at ihandog mo ang kaloob na iniutos ni Moises, bilang patotoo sa kanila." 6 5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, isang senturion ang lumapit sa kaniya, nagmamakaawa v 6 at sinasabi, "Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, paralisado at lubhang nahihirapan." 7 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Pupunta ako at pagagalingin ko siya." 8 Sumagot ang senturion at sinabi, "Panginoon, hindi ako karapat-dapat na papasukin kayo sa ilalim ng aking bubong. Sabihin mo lamang ang salita at ang aking lingkod ay gagaling. 9 Sapagkat ako ma'y isang lalaking nasa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal ako na napapasailalim sa akin. Sinasabi ko sa isa, 'Humayo ka' at siya ay hahayo, at sa isa 'Halika' at siya ay lalapit at sa aking lingkod 'Gawin mo ito' at ginagawa niya ito." 10 Nang marinig ito ni Jesus, siya ay namangha at kaniyang sinabi sa mga sumusunod sa kaniya, "Totoo na sinasabi ko sa inyo, hindi pa ako nakakita ng may ganitong pananampalataya sa Israel. 11 Sinasabi ko sa inyo, maraming darating mula sa silangan at kanluran at sila ay sasandal sa mesa ni Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit ang mga anak ng kaharian ay ipatatapon sa kadiliman sa labas na kung saan may pagtangis at pagngangalit ng ngipin." 13 Sinabi ni Jesus sa senturion, "Humayo ka! Mangyari sa iyo ang naaayon sa iyong pinaniwalaan." At gumaling nga ang kaniyang lingkod sa ganap na oras na iyon. 14 Pagkarating ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kaniyang kamay at inibsan siya ng lagnat. Pagkatapos ay bumangon siya at nagsimulang maglingkod sa kaniya. 16 Nang sumapit ang gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang maraming sinapian ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 17 Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Isaias na propeta, "Kinuha niya ang ating mga sakit at dinala ang ating mga karamdaman." 18 Ngayon, nang nakita ni Jesus ang maraming tao sa paligid niya, nagbigay siya ng mga tagubilin na aalis siya upang magpunta sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea. 19 Tapos may lumapit na eskriba sa kaniya at nagsabi, "Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magpunta." 20 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "May mga lungga ang mga asong-gubat, at ang mga ibon ng himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang lugar na mapaglapagan ng kaniyang ulo." 21 May ibang alagad din ang nagsabi sa kaniya, "Panginoon, payagan mo muna akong ilibing ang aking ama." 22 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, "Sumunod ka sa akin, hayaan mong ang patay ang maglibing sa sarili nilang patay." 23 Nang sumakay na si Jesus sa bangka, sinundan siya ng kaniyang mga alagad. 24 Masdan, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa dagat kaya natabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog si Jesus. 25 Pinuntahan siya ng kaniyang mga alagad at ginising siya, sinasabing, "Iligtas mo kami, Panginoon; mamamatay tayo!" 26 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Bakit kayo natatakot, kayong maliit ang pananampalataya?" At bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang dagat. Pagkatapos ay nagkaroon ng labis na katahimikan. 27 Namangha ang mga lalaki at sinabi nila, "Anong uri ng tao ito, na kahit ang hangin at dagat ay sumusunod sa kaniya?" 28 Nang dumating si Jesus sa kabilang dako, sa bayan ng mga Gadareno, dalawang lalaki na sinapian ng mga demonyo ang sumalubong sa kaniya. Galing sila sa mga libingan at lubhang napakarahas kaya walang mga manlalakbay ang nakararaan sa daan na iyon. 29 Masdan, sumigaw sila at nagsabi, "Ano ang pakialam namin sa iyo, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang kami ay pahirapan bago ang itinakdang oras?" 30 Ngayon, may kawan ng mga baboy ang nanginginain doon sa hindi kalayuan sa kinarorooonan nila. 31 Patuloy na nagmamakaawa ang mga demonyo kay Jesus at nagsasabing, "Kung paaalisin mo kami, ipadala mo kami palayo sa kawan ng mga baboy." 32 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Pumunta kayo!" Lumabas ang mga demonyo at pumunta sa mga baboy; at masdan, ang buong kawan ay nagmadaling bumaba sa matarik na burol sa dagat at namatay silang lahat sa tubig. 33 Ang mga lalaking nag-aalaga sa mga baboy ay nagsitakbuhan at nagpunta sila sa lungsod at ipinamalita ang lahat, lalo na ang nangyari sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo. 34 Masdan, ang lahat ng lungsod ay nagpunta upang makita si Jesus. Nang makita nila siya, nagmakaawa silang umalis siya sa kanilang rehiyon.