24 1 Lumabas si Jesus mula sa templo at nagpatuloy sa kaniyang pupuntahan. Nilapitan siya ng kaniyang mga alagad upang ipakita sa kaniya ang mga gusali ng templo. 2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, "Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga ito? Tunay na sinasabi ko sa inyo, wala ni isa mang bato ang maiiwang nakapatong sa isa pang bato na hindi guguho." 3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sarilinang lumapit ang mga alagad sa kaniya at nagsabi , "Sabihin mo sa amin, kailan mangyari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan ng inyong pagparito at ang katapusan ng mundo?" 4 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Mag-ingat kayo na walang sinumang umakay sa inyo paligaw. 5 Sapagkat marami ang paririto sa aking pangalan. Sasabihin nila, 'Ako ang Cristo,' at marami ang maililigaw. 6 Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga ulat ng digmaan. Tingnan ninyo na hindi kayo mababalisa, sapagkat kinakailangang mangyari ang mga ito; ngunit hindi pa ito ang katapusan. 7 Sapagkat titindig ang isang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng mga taggutom at mga lindol sa iba't ibang mga lugar. 8 Ngunit ang lahat ng mga ito ay simula lamang ng kirot ng panganganak. 9 Pagkatapos nito, dadalhin nila kayo sa kapighatian at papatayin kayo. Kasusuklaman kayo ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Kung magkagayon, marami ang matitisod, at ipagkakanulo ang isa't isa, at kasusuklaman ang isa't isa. 11 Maraming lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw ang marami. 12 Dahil lalaganap ang katampalasanan, ang pag-ibig ng karamihan ay lalamig. 13 Ngunit sinumang makapagtitiis hanggang sa katapusan, ang maliligtas. 14 Itong ebanghelyo ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. At pagkatapos darating ang katapusan. 15 Samakatwid, kapag makita ninyo ang kasuklamsuklam na kalagiman, na sinabi ng propetang si Daniel, na nakatayo sa banal na lugar (unawain ito ng nagbabasa), 16 yaong mga nasa Judea ay kailangang tumakas patungo sa mga bundok, 17 iyong nasa taas ng kanilang bahay ay huwag nang bumaba upang kumuha ng anumang nasa bahay, 18 at iyong nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kaniyang balabal. 19 Ngunit aba sila na mga nagdadalang tao at sa mga nagpapasuso ng kanilang mga sanggol sa panahong iyon! 20 Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay hindi mangyari sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat magkaroon ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula sa simula ng mundo hanggang ngayon, hindi, ni kailanman ay hindi na muling mangyayari. 22 Maliban na lamang kung paikliin ang mga araw na iyon, wala ni isa mang laman ang maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, ang mga araw na iyon ay paiikliin. 23 Kaya kung mayroong magsasabi sa inyo, ''Tingnan ninyo, narito ang Cristo!' o 'Nariyan ang Cristo!' huwag ninyo itong paniwalaan. 24 Sapagkat darating ang mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta at magpapakita ng kahanga-hangang palatandaan at kababalaghan, upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang. 25 Kita ninyo, sinabi ko na sa inyo noong una pa. 26 Kaya, kung sabihin nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, siya ay nasa ilang; huwag kayong pumunta sa ilang. O, 'Tingnan ninyo, siya ay nasa loobang silid, huwag ninyo itong paniwalaan. 27 Sapagkat habang nagniningning ang kidlat mula sa silangan at kumikislap hanggang sa kanluran, ganoon din ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Saan man may patay na hayop, doon magtitipon ang mga buwitre. 29 Ngunit agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at ang kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30 Pagkatapos ang palatandaan ng Anak ng Tao ay lilitaw sa himpapawid, at ang lahat ng tribu sa mundo ay magdadalamhati. Makikita nila ang Anak ng Tao na parating na nasa mga ulap mula sa himpapawid na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang lahat ng kaniyang hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabilang dulo. 32 Matuto ng aral mula sa puno ng igos. Sa sandaling nananariwa ang mga sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33 Gayun din naman, kapag makita ninyong lahat ang mga bagay na ito, dapat ninyong malaman na siya'y malapit na, sa mismong tarangkahan. 34 Tunay na sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hangga't hindi mangyari ang lahat ng bagay na ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi kailanman lilipas. 36 Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon, walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak, tanging ang Ama lamang. 37 Katulad sa kapanahunan ni Noe, ganoon din ang pagparito ng Anak ng Diyos. 38 Sapagkat tulad ng mga araw bago ang baha sila ay nagsisikain at nagsisiinuman, nagpapakasal at pinapag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arko, 39 at wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat--ganoon din sa pagparito ng Anak ng Tao. 40 Tapos may dalawang lalakeng nasa bukid — ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan — ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 42 Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. 43 Ngunit alamin ito, na kung alam lang sana ng amo ng tahanan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya sana ay nagbantay at hindi hinayaang malooban ang kaniyang bahay. 44 Kaya naman kayo ay kailangang maghanda , sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan. 45 Kaya sino ang matapat, matalinong utusan na pinagkatiwalaan ng kaniyang amo sa kaniyang sambahayan, upang magbigay ng kanilang pagkain sa tamang panahon? 46 Pinagpala ang utusan na iyon, na mararatnan ng kaniyang among gumagawa nito sa kaniyang pagdating. 47 Tunay na sinasabi ko sa inyo na ipamamahala ng amo sa kaniya ang lahat ng kaniyang ari-arian. 48 Ngunit kung sinasabi ng masamang utusan sa kaniyang puso, 'Naantala ang aking amo,' 49 at nagsimulang manakit ng kapwa niya utusan, at kumain at uminom kasama ang mga lasingero, 50 darating ang amo ng utusang iyon sa araw na hindi inaasahan ng utusan at sa oras na hindi niya alam. 51 Pagpipira-pirasuhin siya ng kaniyang amo at aatasan ng lugar kasama ang mga mapagkunwari, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.