23 1 Pagkatapos nito, nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kaniyang mga alagad. 2 Sinabi niya, "Ang mga eskriba at mga Pariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. 3 Kaya kung ano man ang iutos nila na gawin ninyo, gawin at sundin ninyo ang mga ito. Ngunit huwag ninyong tularan ang mga gawa nila, dahil nagsasabi sila ng mga bagay-bagay ngunit hindi naman nila ginagawa ang mga iyon. 4 Totoo nga, nagbibigkis sila ng mga mabibigat na mga pasanin na mahirap dalhin, at ipinapapasan nila sa balikat ng mga tao. Ngunit sila mismo ay hindi tutulong para buhatin ang mga ito. 5 Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao. Sapagkat pinapalawak nila ang kanilang mga pilakterya at pinalalaki ang mga laylayan ng kanilang mga damit. 6 Gusto nila ang mga pangunahing lugar sa mga pista at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, 7 at mga natatanging pagbati sa mga pamilihan at tawagin silang, " Rabi" ng mga tao. 8 Ngunit kayo ay hindi dapat tawagin na 'Rabi', sapagkat mayroon lamang kayong iisang guro, at lahat kayo ay magkakapatid. 9 At huwag ninyong tawaging ama ang kahit sinuman sa lupa dahil iisa lang ang inyong Ama at siya ay nasa langit. 10 Ni hindi rin dapat kayong tawaging 'guro' dahil iisa lamang ang inyong guro, ang Cristo. 11 Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay siyang inyong magiging tagapaglingkod. 12 Ang sinumang nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay itataas. 13 Ngunit aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao. Kayo mismo ay hindi pumapasok at hindi rin ninyo pinayagan iyong ibang papasok pa lamang. 14 (Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sinakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo habang nagpapakita kayo ng mahabang panalangin. Samakatwid, kayo ay makakatanggap ng mas malaking kahatulan.) 15 Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang karagatan at lupain upang makahikayat ng isang magbabalik loob, at kapag naging kaisa na siya sa inyo, ginagawa ninyo siyang dobleng higit na anak ng impyernong katulad ninyo. 16 Aba kayo, kayong mga bulag na tagagabay, kayong nagsasabing, 'Kung sinumang sumumpa sa templo, balewala lang iyon. Ngunit kung sinumang manumpa sa ginto ng templo, nakagapos siya sa kaniyang panunumpa.' 17 Kayong mga hangal na bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo kung saan ang ginto ay pinapabanal? 18 At, 'Kung sinumang manumpa sa altar, balewala lang iyon. Subalit kung sinumang manumpa sa handog na nasa altar, nakagapos siya sa kaniyang panunumpa.' 19 Kayong mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang kaloob o ang altar kung saan ang kaloob ay pinapabanal? 20 Samakatwid, kung sinuman ang nanunumpa sa altar ay sumusumpa dito at sa lahat ng mga naroon. 21 Siyang nanunumpa sa templo ay sumusumpa dito at sa kaniyang nakatira dito. 22 At siyang nanunumpa sa langit ay sumusumpa sa trono ng Diyos at sa kaniyang nakaupo dito. 23 Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng mga yerbabuena, anis at kumin, ngunit hindi ninyo ginawa ang mas mahalagang mga bagay tungkol sa batas - katarungan at kahabagan at pananampalataya. Subalit ito ang dapat ninyong ginawa at hindi hinayaang ang iba ay hindi magawa. 24 Kayong mga bulag na tagagabay, kayong mga nagsasala ng mga niknik ngunit nilulunok ang kamelyo! 25 Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, ngunit sa loob ng mga ito ay puno ng kasakiman at pagpapakasasa sa sarili. 26 Ikaw na bulag na Pariseo! linisin mo muna ang loob ng tasa at pinggan upang ang labas ay maging malinis din. 27 Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo ng mga pinaputing puntod, na sa panglabas ay magandang tingnan, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao at lahat ng karumihan. 28 Sa gayon ding paraan, sa panlabas kayo ay matuwid sa paningin ng mga tao, ngunit sa loob kayo ay puno ng pagkukunwari at kawalang kabuluhan. 29 Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat inyong ginawa ang mga puntod ng mga propeta at pinalamutian ang mga puntod ng mga matuwid. 30 Sinasabi ninyo, 'Kung nabuhay kami sa kapanahunan ng aming mga ama, hindi kami sasali sa pagbubuhos ng dugo ng mga propeta.' 31 Sa gayon kayo mismo ang nagpatotoo na kayo ay mga inapo ng mga pumatay sa mga propeta. 32 Pinupuno rin ninyo ang antas ng kasalanan ng inyong mga ama. 33 Kayong mga ahas, mga anak ng ulupong, paano ninyo matatakasan ang hatol sa impyerno? 34 Kaya, tingnan ninyo, magsusugo ako ng mga propeta, mga pantas, at mga eskriba. Ang iba sa kanila ay papatayin ninyo at ipapako sa krus, at iyong iba sa kanila ay hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at itataboy ninyo sila lungsod sa lungsod. 35 Ang bunga nito ay darating mula sa inyo ang lahat ng dugong matuwid na nabuhos sa lupa, mula sa dugong matuwid ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias, na pinatay ninyo sa pagitan ng santuwaryo at altar. 36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng ito ay mangyayari sa salin-lahing ito. 37 Jerusalem, Jerusalem, kayo na pumatay sa mga propeta at bumato sa mga sinugo ko sa inyo! Gaano kadalas kong ninais na tipuning sama-sama ang inyong mga anak, gaya ng inahin na tinitipon ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit hindi maluwag sa inyong kalooban! 38 Tingnan ninyo, ang bahay ninyo ay naiwang mapanglaw. 39 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, Magmula ngayon hindi na ninyo ako makikita hanggang sa sasabihin ninyong, "Pinagpala ang darating sa pangalan ng Panginoon."