1 Corinthians 1 — Wikang Tagalog
1
Si Pablo, na tinawag upang maging apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na ating kapatid,
2
sa iglesia ng Diyos sa Corinto, yaong mga pinabanal kay Cristo Jesus at tinawag na maging mga banal na tao, kasama yaong mga nasa bawat lugar na tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong JesuCristo, na kanilang Panginoon at atin.
3
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong JesuCristo.
4
Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay ni Cristo Jesus sa inyo.
5
Ginawa niya kayong mayaman sa lahat ng paraan, sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman,
6
tulad ng patotoo tungkol kay Cristo na napagtibay na totoo sa inyo.
7
Samakatuwid hindi kayo nagkukulang ng espiritwal na kaloob habang sabik kayong naghihintay ng kapahayagan ng ating Panginoong JesuCristo.
8
Kayo din ay kaniyang palalakasin hanggang sa huli, upang kayo ay maging walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong JesuCristo.
9
Tapat ang Diyos, na siyang tumawag sa inyo sa pakikipagtipon sa kaniyang Anak, si JesuCristo na ating Panginoon.
10
Ngayon hinihimok ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong JesuCristo, na magkasundo kayong lahat, at walang pagkakahati-hati sa inyo. Hinihimok ko na kayo ay magkaisa sa parehong kaisipan at sa gayunding layunin.
11
Sapagkat ginawang malinaw sa akin, mga kapatid, ng mga tauhan ni Cloe na may mga
pagkakabaha-bahagi sa inyo.
12
Ibig kong sabihin ito: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabing, "Ako ay kay Pablo," o "Ako ay kay Apolos," o "Ako ay kay Cepas," o "Ako ay kay Kristo."
13
Si Cristo ba ay nahati? Ipinako ba si Pablo para sa inyo? Kayo ba ay nabautismahan sa pangalan ni Pablo?
14
Nagpapasalamat ako sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at Gayo.
15
Ito ay upang walang isa man sa inyo na magsabing binautismuhan ko kayo sa aking pangalan.
16
(Binautismuhan ko din ang sambahayan ni Stefanas. Sa kabila nito, hindi ko na alam kung may nabautismuhan pa akong iba.)
17
Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo --- Hindi sa matatalinong salita, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawalan ng kapangyarihan.
18
Sapagkat ang mensahe tungkol sa krus ay kamangmangan sa mga mamamatay. Ngunit para sa mga inililigtas ng Diyos, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos.
19
Sapagkat nasusulat, "Sisirain ko ang karunungan ng marurunong. Bibiguin ko ang pang-unawa ng mga matatalino."
20
Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa? Nasaan ang debatista ng mundong ito? HIndi ba't pinalitan ng Diyos ang karununungan ng sanlibutang ito ng kamangmangan?
21
Yamang ang mundo sa sarili nitong karunungan ay hindi kilala ang Diyos, nalugod ang Diyos sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral na iligtas ang mga naniniwala.
22
Sapagkat humihiling ang mga Judio ng mga tanda ng himala at naghahangad ng karunungan ang mga Griyego.
23
Ngunit ipinapangaral namin si Cristo na napako, isang katitisuran ng mga Judio at kamangmangan sa mga Griyego.
24
Ngunit lahat ng mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griyego, ipinapangaral namin si Cristo bilang ang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos.
25
Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay mas matalino kaysasa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay mas higit na malakas kaysa mga tao.
26
Tumingin kayo sa pagkatawag sa inyo, mga kapatid. HIndi marami sa inyo ang matalino sa pamantayan ng tao. Hindi marami sa inyo ang makapangyarihan. Hindi marami sa inyo ang ipinanganak nang maharlika.
27
Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahina sa mundo upang hiyain ang malakas.
28
Pinili ng Diyos kung ano ang mabababa at hinamak sa mundo. Pinili nga niya ang mga bagay na itinuring na walang kabuluhan, upang mawalang kabuluhan ang mga bagay na pinanghahawakang mahalaga.
29
Ginawa niya ito upang walang sinuman ang may dahilang magyabang sa harapan niya.
30
Dahil sa ginawa ng Diyos, kayo ngayon ay na kay Cristo Jesus na naging karunungan natin mula sa Diyos. Siya ang ating naging katuwiran, kabanalan, at katubusan.
31
Dahil dito, gaya ng sinasabi ng kasulatan, "Hayaang ang isang nagmamalaki, magmapuri sa Panginoon."