1
Ako si Pablo, isang lingkod ni Jesu-Cristo. Tinawag niya akong maging apostol at tinalaga niya para sa ebanghelyo ng Diyos.
2
Ang ebanghelyong ito ay ipinangako na noon sa pamamagitan ng mga propeta ayon sa banal na kasulatan.
3
Tungkol ito sa kaniyang Anak na nagmula sa lahi ni David ayon sa laman.
4
Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng kaniyang pagkabuhay mula sa kamatayan. Siya si Jesu-Cristo, ang ating Panginoon.
5
Sa pamamagitan niya, tumanggap tayo ng biyaya at tawag sa pagiging apostol para dalhin ang pananampalataya na may pagsunod para sa kapakanan ng kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa.
6
Kasama rin kayo na tinawag para mapabilang kay Jesu-Cristo.
7
Sa lahat ng mga taga-Roma na minamahal ng Diyos at tinawag upang maging mga banal, sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.
8
Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat dahil nakilala ang pananampalataya ninyo sa buong mundo.
9
Saksi ko ang Diyos na pinaglilingkuran ng aking espiritu ayon sa ebanghelyo ng kaniyang Anak. Hindi ako tumigil na sabihin kayo sa kaniya,
10
palagi sa aking mga panalangin. Kung kalooban ng Diyos, lagi kong hiling na matuloy ang balak kong makarating sa inyo.
11
Gustong-gusto ko kayong makita para makapagbahagi ako sa inyo ng ilang espirituwal na kaloob para kayo ay lumakas.
12
Sa ganitong paraan, mapapalakas natin ang isa't isa dahil sa ating pananampalataya, ang sa inyo at sa akin.
13
Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo na ilang beses kong sinubukang pumunta sa inyo pero lagi akong hindi natutuloy. Gusto ko sanang umani ng bunga mula sa inyo pati na sa inyong naninirahan kasama ng mga Gentil.
14
May pananagutan ako sa mga Griyego at sa barbaro, sa mga marurunong at sa mga mangmang.
15
Ninanais kong ipahayag ang ebanghelyo sa inyong mga taga-Roma.
16
Hindi ko ikinakahiya ang ebanghelyo dahil ito ang kapangyarahin ng Diyos na ikaliligtas ng lahat ng sinumang sumamasampalataya, sa mga Judio muna at maging sa mga Griyego.
17
Sa pamamagitan nito, naipapahayag ang katuwiran ng Diyos mula pananampalataya hanggang sa pananampalataya. Gaya ng nasusulat, "Mabubuhay ang mga matuwid ayon sa kanilang pananampalataya."
18
Ipinapahayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kawalan ng tiwala sa Diyos at kasamaan ng tao. Dahil sa kanilang kasamaan, nagiging hadlang ito sa katotohanan.
19
Maliwanag sa kanila ang lahat ng bagay na kailangang malaman tungkol sa Diyos dahil pinakita ito ng Diyos sa kanila.
20
Malinaw na ipinaunawa sa kanila ng Diyos ang kaniyang mga katangiang hindi nakikita tulad ng kaniyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos. Nakikita na ang mga katangiang ito mula pa sa paglilikha ng mundo sa lahat ng bagay na kaniyang nilikha. Kaya walang pwedeng maidahilan ang mga tao.
21
Kahit kilala ng tao ang Diyos, hindi nila ginalang ang Diyos o pinasalamatan siya. Sa halip, itinuon nila ang kanilang isip sa mga bagay na walang saysay at nagdilim ang kanilang mga hangal na puso.
22
Sa pagnanais nilang maging matalino, sila'y naging mga hangal.
23
Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na nabubuhay magpakailanman para sa mga imahe ng mga nilikhang namamatay gaya ng tao, mga ibon, mga hayop, at mga hayop na gumagapang.
24
Dahil dito, ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang mga puso, sa karumihan, para hindi nila galangin ang kani-kanilang mga katawan.
25
Ipinagpalit nila ang katotohan ng Diyos para sa kasinungalingan. Sinamba din nila at pinaglingkuran ang mga bagay na nilikha kaysa sa kaniya na Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen.
26
Dahil dito, ibinigay sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa. Pinagnasahan ng kanilang mga kababaihan ang mga relasyong hindi likas na ginagawa.
27
Gayundin ang ginawa ng mga kalalakihan. Iniwan nila ang likas na pakikipagrelasyon sa mga kababaihan dahil sa labis na pagnanasa nila sa kapwa lalaki. Hindi na nahiya ang mga lalaking ito sa mga mahahalay na relasyon sa kapwa lalaki. Kaya tinanggap nila ang mabigat na parusa ng kanilang pagkakamali.
28
Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, ibinigay sila ng Diyos sa mga baluktot nilang pag-iisip para gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat.
29
Napuno sila ng lahat ng gawaing malayo sa katuwiran, kasamaan, kasakiman, at kahalayan. Punung-puno sila ng inggit, pagpatay, pagkahati-hati, pandaraya, at masamang hangarin.
30
Sila ay mga tsismoso, mga galit sa Diyos, matitigas ang ulo, mayayabang, mapagmataas, pinagmumulan ng kasamaan, suwail sa mga magulang,
31
mga hangal, hindi nagtatapat, walang puso, at walang awa.
32
Nalalaman nila na dapat parusahan ng kamatayan ang sinumang nagsasagawa nito ayon sa matuwid na tuntunin ng Diyos. Hindi lang nila ginagawa ang mga ito, sinasang-ayunan din nila ang mga taong nagsasagawa rin ng mga ito.