1
Si Pedro, apostol ni Jesu-Cristo para sa mga pinili na naninirahang dayuhan sa iba’t ibang dako sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia.
2
Ayon sa kaalaman ng Diyos sa simula pa lang, sa pagpaging-banal ng Espiritu Santo, sa pagsunod kay Jesu-Cristo, at sa pagwiwisik ng kaniyang dugo. Sumainyo ang biyaya at sumagana kayo sa kapayapaan.
3
Papuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo ayon sa kaniyang dakilang awa, binigyan niya tayo ng bagong kapanganakan na magkaroon ng buhay na pag-asa
4
para tumanggap ng pamanang hindi masisira, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Inihanda ito sa langit para sa inyo.
5
Sa kapangyarihan ng Diyos, iingatan niya kayo sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na ipapahayag sa huling panahon.
6
Magalak kayo kahit sa maigsing panahon, nakakaranas kayo ng iba’t ibang mga pagsubok.
7
Sinusubok ang pagiging tunay ng inyong pananampalataya na mas mahalaga kaysa ginto pag tinutunaw sa apoy. Nangyari ito para ang pananampalataya niyo ay maging kapurihan, kaluwalhatian, at karangalan sa paglitaw ni Jesu-Cristo.
8
Kahit na hindi ninyo siya nakita, inibig niyo siya. Kahit na hindi ninyo siya nakikita ngayon, naniniwala kayo sa kaniya at lubos na nagagalak sa kaligayahang hindi kayang maipaliwanag at puno ng kaluwalhatian.
9
Tinanggap ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
10
Tungkol sa kaligtasan, pinag-isipan at pinag-aralang mabuti ng mga propeta siya na nagpropesiya sa inyo ng biyaya na mapapasa inyo.
11
Inalam din nila kung sino at kailan darating ang Espiritu ni Cristo. Nagpatotoo din sila kung kailan darating ang mga pagdurusa ni Cristo at ang kasunod Niyang kaluwalhatian.
12
Pinahayag sa kanila na hindi nila pinaglilingkuran ang kanilang sarili kundi para sa inyo ayon sa mga bagay na ibinalita sa inyo ng mga mangangaral ng ebanghelyo sa tulong ng Espiritu Santo na sinugo mula sa langit, na gustong makita ng mga anghel.
13
Kaya ihanda ninyo ang inyong isipan sa paggawa. Maging mahinahon kayo sa inyong isip at ituon ang pag-asa sa biyayang ibibigay sa inyo sa kapahayagan ni Jesu-Cristo.
14
Bilang mga anak na masunurin, huwag kayong mamuhay sa masamang pagnanasa gaya noong hindi pa kayo nakakakilala.
15
Dahil ang tumawag sa inyo ay banal, magpakabanal din kayo sa lahat ng inyong pamumuhay.
16
Dahil ang nasusulat, “Maging banal kayo dahil ako ay banal.”
17
At kung tinatawag ninyong Ama ang humahatol ayon sa ginawa ng tao, matakot kayo sa kaniya sa panahon ng inyong paglalakbay.
18
Alam nating tinubos kayo mula sa masasamang pamumuhay na minana niyo pa sa inyong mga ninuno, hindi sa ginto at pilak, o mga bagay na nasisira.
19
Pero tinubos na kayo ng dakilang dugo, tulad ng isang korderong walang kapintasan, sa dugo ni Cristo.
20
Pinili si Cristo bago pa likhain ang mundo, pero ipinahayag siya para sa inyo sa mga huling panahon.
21
Sa pamamagitan niya, sumampalataya sila sa Diyos na bumuhay sa kaniya mula sa mga patay at ibinigay ang kaluwalhatian para ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nakatuon sa Diyos.
22
Dinalisay ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para ibigin ninyo ng tunay ang inyong mga kapatid.
23
Ipinanganak kayong muli, hindi sa uri ng binhi na nasisira kundi sa pamamagitan ng salita ng Diyos na buhay at nananatili.
24
Sapagkat ang lahat ay tulad ng damo at ang lahat ng kagandahan ay tulad sa kagandahan ng bulaklak. Natutuyo ang damo at nalalanta ang bulaklak.
25
Ngunit nananatili ang salita ng Panginoon magpakailanman. Ito ang mensahe ng ebanghelyong ipinahayag sa inyo.