Chapter 6

1 Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea, na kilala din bilang Dagat ng Tiberias. 2 Napakaraming tao ang sumusunod sa kaniya dahil nakikita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa may mga sakit. 3 Umakyat si Jesus sa gilid ng bundok at naupo doon kasama ang kaniyang mga alagad. 4 (Sa araw na iyon, malapit na ang Paskwa, isang kapistahan ng mga Judio). 5 Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kaniya. Tinanong niya si Felipe, "Saan tayo makakabili ng tinapay para makakain ang mga taong ito?" 6 (Sinabi ito ni Jesus kaya Felipe para subukin siya, sapagkat alam ni Jesus ang binabalak niyang gawin.) 7 Sumagot si Felipe sa kaniya, "Kahit bumili tayo ng tinapay na nagkakahalaga ng dalawang daang denario, hindi pa rin it sapat para bigyan ang bawa't isa sa kanila ng tig-kakaunti." 8 Isa sa mga alagad na si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, ang nagsabi kay Jesus, 9 "Mayroong isang batang narito na mayroong limang tinapay at dalawang isda, ngunit ano ang mga ito sa ganito karaming tao?" 10 Sinabi ni Jesus, "Paupuin ninyo ang mga tao." (Madamo sa lugar na iyon.) Kaya umupo ang mga tao, na nasa limang libo ang bilang. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at matapos makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga taong nakaupo. Sa ganoon ding paraan, ipinamahagi niya ang mga isda, hangga't gusto nila. 12 Nang nabusog na ang mga tao, sinabi niya sa kaniyang mga alagad, "Ipunin niyo ang natirang mga pira-piraso, para walang masayang." 13 Kaya inipon nila ang mga ito at umabot ang mga natirang tinapay sa labindalawang basket na hindi nakain ng mga tao. 14 Kaya nung nakita ng mga tao ang tandang ito, sinabi nila, "Tunay ngang naparito na ang propeta sa mundo." 15 Pero nung napansin ni Jesus na gusto siyang gawing hari ng mga tao, umalis siya at nagtungo sa bundok na mag-isa. 16 Sa gabi, nagtungo ang mga alagad sa lawa. 17 Sumakay sila sa isang bangka at papunta sa Capernaum. Madilim sa mga oras na iyon at hindi pa dumating si Jesus sa kanila. 18 Biglang lumakas ang hangin at palakas nang palakas ang alon sa lawa. 19 Nung nakapagsagwan sila sa layong 6.3 kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa. Lumalapit siya patungo sa bangka kaya natakot ang mga alagad. 20 Sinabi niya sa kanila, "Ako ito. Huwag kayong matakot. 21 Isinakay nila siya sa bangka at mabilis nilang narating ang lugar na kanilang pinupuntahan. 22 Sa sumunod na araw, nakita ng mga tao galing sa kabilang bahagi ng lawa na nakaalis na ang mga bangka maliban sa isa. Hindi sinakyan ni Jesus o ng kanyang mga alagad ang bangkang ito. Umalis na rin ang mga alagad. 23 Pero may ilang mga bangkang galing Tiberias na malapit sa lugar kung saan kumain ang mga tao ng tinapay at nagpasalamat ang Panginoon. 24 Nang malaman ng mga tao na wala rin doon si Jesus at kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. 25 Nung makita nila si Jesus sa kabilang banda ng lawa, sinabi nila sa kanya, "Guro, kailan ka pa nakarating dito?" 26 Sinagot sila ni Jesus, "Sinasabi ko ang totoo, hinahanap niyo ako hindi dahil sa mga tandang nakita ninyo kundi dahil sa kinain niyong tinapay at nabusog kayo. 27 Huwag niyong pagsikapan ang mga tinapay na nasisira kundi pagsikapan ninyo ang tinapay na umaabot sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao. Isinugo siya ng Diyos Ama at ibinigay ang kanyang tatak sa kaniya." 28 Pagkatapos sinabi nila sa kaniya, "Anong dapat namin gawin para magawa namin ang mga kagustuhan ng Diyos?" 29 Sumagot si Jesus, "Ito ang pinapagawa ng Diyos: na sumampalataya kayo sa kaniyang isinugo." 30 Kaya sinabi nila sa kaniya, "Anong tanda ang gagawin mo para makita namin at maniwala kami sa iyo? Anong balak mong gawin? 31 Kumain ang mga ninuno natin noon ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, "Binigyan niya sila ng tinapay galing sa langit para kainin." 32 Sumagot si Jesus, "Sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama na nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Ang tinapay ng Diyos ay siyang nagmula sa langit at nagbibigay ng buhay sa mundo." 34 Kaya sinabi nila sa kanya, "Ginoo, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito." 35 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Ako ang tinapay ng buhay. Ang taong lalapit sa akin ay hindi na muli pang magugutom, at ang taong maniniwala sa akin ay hindi na muli pang mauuhaw. 36 Sinabihan ko na kayo at nakita ninyo ako pero hindi pa rin kayo naniwala. 37 Ang lahat ng taong ibinigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin at sinumang lumapit sa akin ay hindi ko itataboy. 38 Dumating ako mula sa langit, hindi para gawin ang kagustuhan ko, kundi para sa kagustuhan ng nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: para hindi mawala ang isa man sa mga ibinigay niya sa akin, at bubuhayin ko sila sa huling araw. 40 Ito ang kalooban ng aking Ama na ang sinumang nakakita sa Anak at maniniwala sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bubuhayin ko siya sa huling araw. 41 Kaya kinutya siya ng mga Judio dahil sinabi niya sa kanilang, "Ako ang tinapay na nagmula sa langit." 42 Sinabi nila, "Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose at kilala namin ang kaniyang ama at ina? Paano niya sinasabing, 'Nagmula ako sa langit'?" 43 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag na kayong magtalo-talo. 44 Walang makakalapit sa akin maliban na lang na ilalapit siya ng Amang nagsugo sa akin. At bubuhayin ko siya sa huling araw. 45 Nasusulat sa mga propeta, 'Lahat sila'y tuturuan ng Diyos.' Sinumang nakinig at natuto mula sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Walang nakakita sa Ama kundi sa kanyang nagmula sa Diyos. Nakita niya ang Ama. 47 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang maniwala ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Nagsikain ang inyong mga ninuno niyo ng manna sa ilang at namatay sila. 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit para makakain siya nito at hindi mamamatay. 51 Ako ang buhay na tinapay na mula sa langit. Ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay na walang hanggan. Ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman para maging buhay sa mundo." 52 Nagalit ang mga Judio at nagtalo-talo sila. Sinabi nila, "Paanong ibibigay ng taong ito ang kaniyang laman para kainin?" 53 Kinausap sila ni Jesus, "Sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at hindi iinom ng kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54 Ang sinumang kakain ng aking laman at iinom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bubuhayin ko siya sa huling araw. 55 Ang laman ko ay tunay na pagkain at ang dugo ko ay tunay na inumin. 56 Ang sinumang kakain ng aking laman at iinom ng aking dugo ay mananatili sa akin at mananatili rin ako sa kaniya. 57 Kung paanong isinugo ako ng buhay na Ama, nabubuhay rin ako dahil sa aking Ama. Ang sinumang kakain ng aking laman ay mabubuhay din dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit hindi gaya ng sa ating mga ninuno na kumain at namatay. Ngunit ang sinumang kakain ng tinapay na ito ay mabubuhay nang walang hanggan. 59 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito habang nagtuturo siya sa sinagoga sa Capernaum. 60 Marami sa kanyang alagad na nakarinig nito ay nagsabi, "Napakahirap ng turong ito; sinong kayang maniniwala rito?" 61 Alam ni Jesus na nagtatalo ang mga alagad dahil dito. Sinabi niya sa kanila, "Naguguluhan ba kayo sa mga sinabi ko?" 62 Paano kung makita ninyo ang Anak ng Tao na bumalik sa pinanggalingan niya noong una? 63 Ang Espiritu ang nagbibigay ng buhay. Wala kang pakikinabangan sa laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Pero mayroon sa inyo na hindi naniniwala sa akin." Alam na ni Jesus sa simula pa lamang kung sino ang hindi maniniwala sa kaniya at magkakaila sa kaniya. 65 Sinabi niya, "Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ko sa inyo na walang makakalapit sa akin maliban na ipagkakaloob siya sa akin ng Ama." 66 Dahil dito, marami sa kaniyang mga alagad ay umalis at hindi sila nagpatuloy na lumakad kasama niya. 67 Sinabi ni Jesus sa labingdalawa, "Aalis din ba kayo kagaya nila? 68 Sinagot siya ni Simon Pedro, "Panginoon, kanino pa ba kami pupunta? Nasa saiyo ang buhay na walang hanggan. 69 Naniwala kami at nalaman naming ikaw ang Nag-iisang Banal ng Diyos." 70 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ba't ako ang pumili sa inyong labindalawa? Pero diyablo ang isa sa inyo. 71 Si Judas na anak ni Simon Iscariote ang tinutukoy ni Jesus. Siya ay isa sa labindalawa na magkakanulo kay Jesus.