Chapter 4

1 Nang malaman ni Jesus na napakinggan ng mga Pariseo na siya ay humihirang at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan 2 (bagama't hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo kundi ang kaniyang mga alagad), 3 iniwan niya ang Judea at nagtungo sa Galilea. 4 Ngayo'y kinakailangan niyang dumaan ng Samaria. 5 Kaya dumating siya sa isang bayan ng Samaria na tinawag na Sicar. Malapit ito sa isang bahagi ng lupa na ibinigay ni Jacob sa kaniyang anak na si Jose. 6 Matatagpuan doon ang balon ni Jacob. Napagod si Jesus sa kaniyang paglalakbay at umupo siya sa tabi ng balon. Nangyari ito noong magtatanghaling tapat na. 7 Isang Samaritana ang dumating upang umigib ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Bigyan mo ako ng konting tubig na maiinom." 8 Sa oras na iyon, umalis ang kaniyang mga alagad papuntang bayan para bumili ng pagkain. 9 Pagkatapos ay sinabi ng Samaritana sa kaniya, "Paanong ikaw, na isang Judio, ay humihingi sa akin, na isang Samaritana, ng maiinom?" Ang mga Judio ay hindi nakikisalamuha sa mga Samaritano. 10 Sinagot siya ni Jesus, "Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyong, 'Bigyan mo ako ng inumin,' ikaw sana ang hihingi sa kaniya at ibibigay niya sa iyo ang tubig na buhay." 11 Sumagot ang babae, "Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ninyo kukunin ang tubig na buhay? 12 Higit ka pa bang dakila kaysa aming amang si Jacob na nagbigay sa amin ng balon at uminom siya mula dito, pati ang kaniyang mga anak at kaniyang mga alagang hayop?" 13 Sumagot si Jesus, "Ang bawat iinom ng kaunting tubig na ito ay muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na siyang muling mauuhaw. Sa halip, ibibigay ko sa kaniya ang tubig na magiging bukal sa kaniya ng buhay na walang hanggan." 15 Ang sabi ng babae sa kaniya, "Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauuhaw at hindi na ako pumunta dito para umigib ng tubig." 16 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Umuwi ka at tawagin mo ang iyong asawa, at bumalik ka dito." 17 Sumagot ang babae at sinasabi sa kanya, "Wala akong asawa." Sumagot si Jesus, "Tama ka sa sinabi mong, 'Wala akong asawa,' 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Sa gayon, tama ka nga sa sinabi mo." 19 Sinabi sa kaniya ng babae, "Ginoo, nalalaman kong isa kang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong sa Jerusalem ang lugar kung saan ang mga tao ay dapat sumamba." 21 Sumagot si Jesus sa kaniya, "Babae, maniwala ka sa akin, darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Sumasamba kayo sa hindi ninyo nakikilala. Kilala namin ang aming sinasamba dahil ang kaligtasan ay nagmula sa mga Judio. 23 Darating ang oras at dumating na nga, ang mga tunay na sumasamba ay sasambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil hinahanap ng Ama ang mga taong sasamba sa kaniya. 24 Ang Diyos ay Espiritu at dapat sumamba sa kanya ang tao sa espiritu at katotohanan." 25 At sinabi ng babae sa kaniya, "Alam ko na malapit nang darating ang Mesias (ang tinatawag na Cristo). Kapag dumating siya, ipapahayag niya ang lahat ng bagay sa amin." 26 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Ako, na nagsasalita sa iyo, ay tinutukoy mo." 27 Sa sandaling iyon, bumalik na ang kaniyang mga alagad. Nagtataka sila kung bakit siya nakikipag-usap sa isang babae. Pero walang isa sa kanila ang nagsabi, "Anong kailangan mo?" o "Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?" 28 Kaya iniwan ng babae ang kaniyang sisidlan ng tubig. Bumalik siya sa bayan at sinabi sa mga tao, 29 "Halikayo tingnan niyo ang lalaking nagsabi sa akin ng lahat ng aking ginawa. Hindi kaya siya na ang Cristo?" 30 Lumabas sila sa bayan at nagpunta kay Jesus. 31 Samantala hinihimuk siya ng mga alagad at sinabi, "Rabi, kumain ka." 32 Pero sinabi niya sa kanila, "May pagkain akong hindi niyo nalalaman." 33 Kaya sinabi ng mga alagad sa isa't-isa, "Wala namang nagdala sa kaniya ng anumang kakainin, diba?" 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang pagkaing tinutukoy ko ay gawin ang kalooban niya na nagpadala sa akin, at para tapusin ang kaniyang gawa. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, 'Mayroong apat na buwan at pagkatapos nito, darating ang anihan'? Tingnan ninyo at pagmasdan ang mga kabukiran, dahil ang mga tanim ay hinog na para anihin! 36 Tumatanggap ng bayad ang nag-aani at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan para magkasamang nagdiriwang ang nagtatanim at ang umaanii. 37 Dahil dito totoo ang kasabihan 'Isa ang nagtatanim at iba ang nag-aani.' 38 isinugo ko kayo upang anihin iang tanim na hindi ninyo pinaghirapan. Iba ang nagpagal at kayo mismo ay napabilang sa kanilang pinaghirapan." 39 Marami sa mga Samaritano sa lunsod na yun ang nananampalataya sa kaniya dahil sa ulat ng babaeng nagpapatotoo, "Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking nagawa." 40 Nang dumating ang mga Samaritano sa kaniya, nakiusap sila sa kaniya na manatili sa kanila. Nanatili siya doon ng dalawang araw. 41 At marami pang tao ang sumampalataya sa kanya dahil sa kaniyang salita. 42 Sinabi nila sa babae, "Naniniwala na kami, hindi lamang dahil sa mga sinasabi mo, kundi dahil napakinggan namin siya,at alam naming siya nga ang tunay na tagapagligtas ng mundo." 43 Pagkalipas ng dalawang araw na iyon, umalis siya patungong Galilea. 44 Si Jesus mismo ang nagpahayag na walang karangalan ang isang propeta sa sarili niyang bayan. 45 Nang dumating siya sa Galilea, malugod na tinanggap siya ng mga taga Galilea. Nakita nila ang lahat ng bagay na kaniyang ginawa sa kapistahan sa Jerusalem at dahil nagpunta rin sila sa kapistahan. 46 Dumating siya muli sa Cana na nasa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Mayroong isang maharlikang pinuno na may anak na maysakit sa Capernaum. 47 Nang marinig niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula Judea, pumunta siya kay Jesus at nakiusap siya para pumunta at pagalingin ang kaniyang anak, na malapit nang mamatay. 48 At sinabi ni Jesus sa kaniya, "Maliban na makita ninyo ang mga tanda at mga kahanga-hangang gawa, hindi kayo maniniwala." 49 Sinabi ng pinuno sa kaniya, "Ginoo, halina't sumama ka na bago mamatay ang aking anak." 50 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Humayo ka, mabubuhay ang iyong anak." Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus sa kaniya at umuwi na siya. 51 Habang siya ay papalapit sa kanilang bahay, sinalubong siya ng kaniyang mga lingkod. Sinabi nila sa kanya na buhay ang kaniyang anak. 52 Tinanong niya sila kung anong oras siya nagsimulang gumaling. Sumagot sila sa kaniya, "Nawala ang kaniyang lagnat kahapon ng ala una." 53 At naisip ng ama na iyon din ang oras nung sinabi ni Jesus sa kaniya, "Mabubuhay ang iyong anak." Kaya sumampalataya siya at ang kaniyang buong sambahayan. 54 Ito ang pangalawang tanda na ginawa ni Jesus mula nang umalis siya sa Judea patungong Galilea.