Chapter 2

1 Pagkatapos ng tatlong araw, nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea, at nandoon ang ina ni Jesus. 2 Inanyayahan din si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa kasalang iyon. 3 Nang maubusan sila ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya, "Naubusan sila ng alak." 4 Sumagot si Jesus, "Babae, ano ang kinalaman niyan sa akin? Hindi pa dumarating ang aking tamang oras." 5 Pero, sinabi nang kaniyang ina sa mga lingkod, "Gawin ninyo kung anumang iutos niya sa inyo." 6 Mayroon doong anim na mga banga ng tubig na ginagamit sa paglilinis ng mga Judio. Ang bawa't isang banga ay naglalaman ng may dalawampu hanggang tatlumpong gallon ng tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Punuin ninyo ang banga ng tubig." Kaya pinuno nila ang mga ito ng husto. 8 Pagkatapos ay sinabi niya sa mga lingkod, "Kumuha kayo ng kaunting nilalaman at ibigay ninyo sa namamahala ng mga lingkod." Kaya ginawa nga nila ito. 9 Tinikman ng punong tagapag-silbi ang tubig na naging alak, ngunit hindi niya alam kung saan ito nanggaling (ngunit alam ito ng mga lingkod na kumuha ng tubig). Pagkatapos ay tinawag niya ang lalaking bagong ikinasal 10 at sinabi sa kaniya, "Ang unang hinahain ng bawa't isa ay ang mainam na alak at pagkatapos ay ang murang alak kapag ang mga tao ay lasing na. Ngunit itinira mo ang napakainam na alak hanggang ngayon." 11 Ang himalang ito sa Cana ng Galilea ang simula ng mga tanda ng himala na ginawa ni Jesus na nagpapahayag ng kaniyang kaluwalhatian kaya sumampalataya ang mga alagad sa kaniya. 12 Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus, ang kaniyang ina, mga kapatid, at mga alagad pababa sa Capernaum. Nanatili sila doon ng ilang mga araw. 13 Papalapit na ang Araw ng Paskwa ng mga Judio, kaya si Jesus ay umakyat sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa, at mga kalapati. Naroon din na nakaupo ang mga nagpapalit ng pera. 15 Kaya gumawa siya ng pamalo na lubid at pinaalis niya silang lahat palabas ng templo pati na ang kanilang mga tupa at baka. Kinalat niya ang pera ng mga nagpapalit ng pera at itinaob niya ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati, "Alisin ninyo ang mga bagay na iyan. Huwag ninyong gawing palengke ang tahanan ng aking Ama." 17 Naalala ng kaniyang mga alagad ang nasusulat, "Ang sigasig para sa iyong tahanan ang nagaapoy sa akin." 18 Pagkatapos ay kinausap siya ng mga namumunong Judio, at sinabi sa kaniya, "Anong tanda ang ipinapakita mo para gawin mo ang mga bagay na ito?" 19 Sumagot si Jesus, "Wasakin niyo ang templong ito at itatayo kong muli sa tatlong araw." 20 At sinabi ng mga namumunong Judio, "Umabot sa apatnapu't anim na taon para gawin ang templong ito at itatayo mo lang ng tatlong araw?" 21 Subalit, siya ay nagsasalita tungkol sa templo ng kaniyang katawan. 22 Kaya't pagkatapos noon nang siya ay ibangon mula sa kamatayan, naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito, at sila ay nanalig sa kasulatan at sa pahayag na sinabi ni Jesus. 23 Nang si Jesus ay nasa Jerusalem sa Pista ng Paskwa, maraming tao ang naniwala sa kaniyang pangalan, nung nakita nila ang ginawa niyang mahimalang tanda. 24 Ngunit hindi sila pinagkatiwalaan ni Jesus dahil kilala niya ang lahat ng tao. 25 Hindi niya kailangan ng tao na magpatotoo para sa kaniya kung anong uri ng mga tao, dahil alam niya kung anong nasa sa kanila.