Chapter 17

1 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya at tinuon ang kaniyang mga mata sa langit at nagsabing, "Ama ko, dumating na ang oras para luwalhatiin ninyo ang inyong Anak at para maluwalhati kayo sa pamamagitan ng Anak, 2 kung paanong binigyan ninyo siya ng kapangyarihan sa lahat ng nilikha para mabigyan niya ng buhay na walang hanggan ang bawat isang ibinigay mo sa kaniya. 3 Ito ang buhay na walang hanggan: para makilala ka nila na nag-iisa at tunay na Diyos, maging si Jesu Cristo na iyong isinugo. 4 Pinapupurihan kita sa mundo. Tinapos ko na ang tungkuling pinagagawa mo sa akin. 5 Ama ko, luwalhatiin mo ako gaya ng kaluwalhatiang nasa iyo mula pa nang likhain ang mundo. 6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin sa mundo. Sila'y pag-aari mo at ibinigay mo sila sa akin. Pinanghawakan nila ang iyong salita. 7 Alam nila ngayon na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa inyo, 8 dahil ibinigay ko sa kanila ang lahat ng mga salitang sinabi mo sa akin. Tinanggap nila ang mga ito at napatunayan nilang galing ako sa inyo at naniwala silang isinugo mo ako. 9 Pinapanalangin ko sila. Hindi ko ipinapanalangin ang buong mundo kundi sila na ibinigay mo sa akin, dahil sila'y sa iyo. 10 Ang lahat ng pag-aari ko ay sa iyo at ang pag-aari mo ay sa akin at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. 11 Hindi ako kabilang sa mundong ito pero ang mga taong ito ay naririto pa rin sa mundo. Ako ay babalik na sa iyo. Banal naming Ama, panatiliin mo sila na ibinigay mo sa akin ayon sa iyong pangalan para sila ay magiging isa tulad din na tayo'y iisa. 12 Habang kasama ko sila, iningatan ko silang lahat na ibinigay mo sa akin sa iyong pangalan. Binantayan ko sila at wala kahit isa sa kanila ang nasira maliban na lang sa anak ng pagkawasak, para matupad ang kasulatan. 13 Ngayon ay pabalik na ako sa iyo, pero sinasabi ko ang mga bagay na ito sa mundo para tanggapin nila ang kagalakan ko para sa kanila. 14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita kaya kinapootan sila ng buong mundo dahil hindi sila kabahagi ng mundo, tulad ko ring hindi kabahagi ng mundo. 15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila mula sa mundo kundi ingatan mo sila mula sa gawa ng masama. 16 Hindi sila kabahagi ng mundo tulad ko rin na hindi kabahagi ng mundo. 17 Ibukod mo sila ayon sa iyong katotohanan. Ang salita mo ay totoo. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa mundo, isinusugo ko rin sila sa mundo. 19 Ibinukod ko ang aking sarili para sa kanilang kapakanan para sila rin ay nakabukod para sa katotohanan. 20 Pinapanalangin ko hindi lang sila kundi pati ang mga taong maniniwala sa akin sa pamamagitan ng iyong salita 21 para sila ay maging isa, tulad mo, Ama ay sumasaakin at ako'y sumasaiyo. Nawa'y sila rin ay maging kabahagi natin para maniwala ang mundo na isinugo mo ako. 22 Ibinabahagi ko sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin para sila ay maging isa, tulad rin nating nagkakaisa. 23 Ako ay sa kanila at ikaw ay sa akin para mabuo ang kanilang pagkakaisa at para malaman ng mundo na isinugo mo ako at dahil minahal mo sila tulad ng pagmamahal mo sa akin. 24 Ama ko, gusto kong makasama sila na ibinigay mo sa akin sa lugar kung saan ako naroroon para makita nila ang kaluwalhatian ko, ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin dahil minahal mo ako bago pa man likhain ang pundasyon ng mundo. 25 Matuwid na Ama, hindi ka nakikilala ng mundo pero kilala kita. Alam din nila na isinugo mo ako. 26 Pinakilala ko ang iyong pangalan sa kanila at ipapakilala ko sa iba para ang pagmamahal, tulad ng iyong pagmamahal sa akin, ay maibabahagi sa kanila, at makakasama ko sila.