Chapter 16

1 "Sinasabi ko sa inyo ang mga salitang ito para hindi kayo manghina sa pananampalataya. 2 Papalayasin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. Darating ang oras kung saan ang lahat ng taong papatay sa inyo ay nag-aakalang pinaglilingkuran niya ang Diyos. 3 Gagawin nila ang mga bagay na ito dahil hindi nila ako kilala at ang aking Ama. 4 Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo para pag dumating ang itinakdang oras, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo tungkol sa mga ito. Hindi ko pa sinasabi ang mga bagay na ito sa inyo nung una dahil kasama ko pa kayo. 5 Ngunit ngayon, babalik na ako sa kaniya na nagsugo sa akin pero walang kahit isa sa inyo ang nagtanong, 'Saan po kayo pupunta?' 6 Pero dahil nasabi ko na ito sa inyo, napuno ng lungkot ang inyong mga puso. 7 Pero sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas makakabuti pa kung aalis ako. Kung hindi ako aalis, hindi rin darating ang Tagapayo sa inyo. Pero pag umalis ako, isusugo ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya, patutunayan ng Tagapayo na mali ang mundo tungkol sa kasalanan, katuwiran, at katarungan-- 9 tungkol sa kasalanan dahil hindi sila naniwala sa akin; 10 tungkol sa katuwiran dahil babalik na ako sa Ama at hindi niyo na ako makikita uli; 11 at tungkol sa katarungan dahil hinatulan na ang pinuno ng mundong ito. 12 Marami pa sana akong gustong sabihin sa inyo pero baka hindi niyo pa ito maiintindihan sa ngayon. 13 Pero pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan dahil hindi siya magsasalita para sa sarili niya lang. Sasabihin niya sa inyo ang anumang kaniyang mapapakinggan at sasabihin din niya sa inyo ang lahat ng magaganap. 14 Luluwalhatiin niya ako dahil ipapahayag niya ang aking kalooban at ipapahayag niya ito sa iyo. 15 Lahat ng pag-aari ng Ama ay nasa akin na. Kaya nga ito ang ibig kong sabihin na ipapahayag ng Espiritu sa inyo ang aking kalooban at ipapahayag niya ito sa inyo. 16 Sa maigsing panahon ay hindi niyo na ako makikita pero pagkatapos din ng isa pang maigsing panahon ay makikita niyo ako." 17 May ilan sa kaniyang mga alagad ang nagsabi, "Anong ibig niyang sabihin sa, 'Sa maigsing panahon ay hindi niyo na ako makikita pero pagkatapos din ng isa pang maigsing panahon ay makikita niyo ako?' at, 'Dahil ako ay babalik sa Ama'?" 18 Kaya sinabi nila, "Anong ibig niyang sabihin sa, 'Maigsing panahon?' Hindi namin maintindihan kung anong pinagsasabi niya. 19 Napansin ni Jesus na gusto nila siyang tanungin. Kaya sinabi niya sa kanila, "Tungkol ba sa kahulugan ng sinabi ko kanina ang pinag-uusapan ninyo: Sa maigsing panahon ay hindi niyo na ako makikita pero pagkatapos din ng isa pang maigsing panahon ay makikita niyo ako? 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, luluha kayo at mananaghoy pero magiging kagalakan ang inyong pangamba. 21 Pag malapit nang magsilang ang isang ina, nangangamba siya dahil dumating na ang oras ng panganganak. Pero pagkatapos niyang magsilang ng sanggol, nalilimutan na niya ang kaniyang pangamba dahil sa kaligayahan na makapagsilang siya ng sanggol sa mundo. 22 Kaya mangangamba kayo ngayon pero magkikita pa tayong muli. Mapupuno ng galak ang inyong puso at walang makakapag-alis ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo hihiling sa akin ng kahit anuman. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hilingin niyo sa Ama sa aking pangalan, ibibigay niya ito sa inyo. 24 Hanggang sa oras na ito, wala pa kayong hinihiling sa aking pangalan. Humingi kayo at kayo'y pagbibigyan para malubos ang inyong kagalakan. 25 Nagsasalita ako sa inyo gamit ang mga matalinghagang salita pero darating ang panahon kung saan hindi na ako magsasalita ng matalinghagang pananalita kundi kakausapin ko kayo nang maluwag tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihiling kayo sa aking pangalan pero hindi ko na kailangang sabihin sa inyo na mananalangin ako sa Ama para sa inyo, 27 dahil mahal kayo ng Ama dahil minahal niyo ako at dahil naniwala kayong isinugo ako ng Ama. 28 Nagmula ako sa Ama at dumating ako sa mundo. Muli ay lilisanin ko ang mundo at babalik na ako sa Ama." 29 Sinabi ng kaniyang mga alagad, "Ngayon ay maluwag ka nang nakakapagsalita at hindi ka na gumagamit ng mga matalinghagang pananalita. 30 Nalalaman naming alam mo ang lahat ng bagay at hindi mo kailangan ng taong pagtatanungan. Dahil dito, naniniwala kaming nagmula ka sa Diyos." 31 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Naniniwala na ba kayo ngayon?" 32 Ang paparating na oras ay dumating na kung saan maghihiwalay kayo at magsisipagbalik sa inyong tahanan at iiwan ninyo akong nag-iisa. Pero hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang aking Ama. 33 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko. Magkakaroon kayo ng pagsubok sa mundong ito pero huwag kayong matakot dahil napagtagumpayan ko na ang mundo."