Chapter 1

1 Sa ikalawang taon ni haring Dario, sa unang araw ng ikaanim na buwan, ang salita ni Yahweh ay dumating sa pamamagitan ni Propeta Hagai para sa gobernador ng Juda na si Zerubabel na anak ni Sealtiel, at sa punong pari na si Josue na anak ni Josadac, sinasabing, 2 "Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Sinasabi ng mga taong ito, "Hindi pa ito ang panahon para pumunta kami o para itayo ang tahanan ni Yahweh."" 3 At dumating ang salita ni Yahweh sa pamamagitan ng kamay ni Hagai na propeta at sinabi, 4 "Ito ba ay ang oras para kayo ay manirahan sa inyong mga sariling tahanan, samantalang ang tahanang ito ay napabayaang wasak?" 5 Kaya ngayon ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Pag-isipan ninyo ang inyong pamamaraan! 6 Nagtanim kayo ng napakaraming binhi ngunit kakaunti ang inyong aanihin. Kumain kayo ngunit hindi nabubusog, uminom kayo ngunit hindi nawala ang inyong uhaw. Nagsuot kayo ng mga damit ngunit hindi kayo naiinitan. At ang mga manggagawa ay kumikita ng pera para lamang ilagay ito sa isang sisidlan na puno ng mga butas.' 7 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Pag-isipan ninyo ang inyong pamamaraan. 8 Umakyat kayo sa bundok, kumuha ng kahoy, at itayo ninyo ang aking tahanan. At kalulugdan ko ito at ako ay luluwalhatiin!' sabi ni Yahweh. 9 'Naghanap kayo ng marami, pero tingnan ninyo! Kaunti lang ang inyong naiuwi sa bahay dahil hinipan ko ito! Bakit?' Ito ang sabi ni Yahweh ng mga hukbo!' Dahil napabayaang wasak ang aking tahanan, habang pinapaganda ng lahat ng tao ang kanilang sariling tahanan.' 10 Kaya hindi ibinigay ng Diyos ang hamog na didilig sa lupa. Wala ring aanihing bunga mula sa lupa. 11 Ipinaranas ko ang tagtuyot sa lupain at sa mga kabundukan, sa trigo at sa bagong alak, sa langis at sa mga inaani sa lupa, sa mga tao at sa mga mababangis na hayop, at sa lahat ng pinaghirapan ng inyong mga kamay!"' 12 At si Zerubabel na anak ni Sealtiel at ang pinakapunong pari na si Josue na anak ni Jehozadak, kasama ang lahat ng mga natitirang tao, na sumunod sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos at sa mga salita ni Hagai na propeta dahil isinugo siya ni Yahweh na kanilang Diyos. At kinatakutan ng mga tao ang mukha ni Yahweh. 13 At si Hagai, na sugo ni Yahweh, na nagpapahayag ng sinabi ni Yahweh sa mga tao, "'Ako ay kasama ninyo!' sabi ni Yahweh!" 14 Kaya't pinakilos ni Yahweh ang damdamin ng gobernador ng Juda, si Zerubabel na anak ni Sealtiel, at maging ang damdamin ng punong pari na si Josue na anak ni Josadac, at ang damdamin ng lahat ng tao na natira. Sila'y pumunta at ginawa ang tahanan ni Yahweh ng mga hukbo na kanilang Diyos, 15 sa ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan, sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario.