Chapter 4

1 Taimtim kong ibinibigay ang utos na ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita at maging handa lagi kung napapanahon man o hindi napapanahon. Turuan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila nang may buong pagtitiyaga at pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na makikinig ang mga tao sa mga totoong aral. Sa halip, pupunuin nila ang kanilang mga sarili ng mga aral mula sa mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Kikilitiin ng mga taong ito ang kanilang pandinig. 4 Tatalikuran nila ang pakikinig sa katotohanan, at makikinig sila sa mga alamat. 5 Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng bagay, magtiis ka sa hirap. Gawin mo ang tungkulin ng isang ebanghelista, tuparin mo ang iyong paglilingkod. 6 Sapagkat ako ay parang ibinubuhos na gaya ng handog na inumin. Nalalapit na ang araw ng aking pag-alis. 7 Ipinaglaban ko ng mabuti ang paligsahan, natapos ko ang aking takbuhin, napanatili ko ang pananampalataya. 8 Nakalaan na sa akin ang korona ng katuwiran na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, sa araw na iyon. At hindi lamang sa akin ngunit sa lahat din ng umiibig sa kaniya sa araw ng pagpapakita niya. 9 Gawin mo ang iyong makakaya upang makarating agad sa akin. 10 Iniwan ako ni Demas. Iniibig niya ang kasalukuyang mundong ito at pumunta sa Tesalonica. Pumunta si Cresente sa Galacia, at pumunta si Tito sa Dalmacia. 11 Si Lucas na lamang ang kasama ko. Dalhin mo si Marcos at isama mo dahil malaking tulong niya sa gawain. 12 Pinapunta ko si Tiquico sa Efeso. 13 Dalhin mo ang balabal na iniwan ko sa Troas kapag pupunta ka dito kasama si Carpus at ang mga aklat, lalo na ang mga sulat. 14 Maraming ginagawa masama sa akin si Alejandro na panday. Ang Panginoon ang maniningil sa kaniya ayon sa kaniyang mga gawa. 15 Bantayan mo din ang iyong sarili laban sa kaniya, sapagkat labis niyang tinutuligsa ang ating mga salita. 16 Sa una kong pagtatanggol ay walang sumama sa akin. Sa halip, iniwan ako ng lahat. Hindi sana ito maibilang laban sa kanila. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at pinalakas niya ako para ganap na matupad ang pagpapahayag at para marinig ng lahat ng mga Gentil ang mensahe. Sinagip ako ng Panginoon mula sa bibig ng leon. 18 Sasagipin ako ng Panginoon sa bawat masasamang gawa at ililigtas ako para sa kaniyang kaharian sa langit. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. 19 Batiin mo si Priscila, si Aquila at ang sambahayan ni Onesiforo. 20 Nanatili si Erasto sa Corinto ngunit iniwan ko si Tropimo na may sakit sa Mileto. 21 Gawin mo ang iyong makakaya na makarating bago ang taglamig. Binabati kayo ni Eubulo, gayundin si Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid. 22 Sumainyo nawa ang Panginoon sa Espiritu. Sumainyo nawa ang kaniyang biyaya.