Kabanata 7

1 Kaya pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo kasama ni Reyna Esther. 2 Sa ikalawang araw na ito, habang nagsisilbi sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, "Ano ang iyong kahilingan, Reyna Esther? Ipagkakaloob ito sa iyo. Ano ang iyong pakiusap? Hanggang sa kalahati ng kaharian, tutuparin ko ito." 3 Pagkatapos ay sumagot si Reyna Esther, "Kung tumanggap ako ng kagandahang-loob sa iyong mga mata, hari, at kung ito ay mamarapatin mo, hayaan mo sana akong mabuhay ito ang aking kahilingan, at pakiusap ko rin ito para sa aking lahi. 4 Dahil kami ay ipinagbili, ako at ang aking lahi, upang wasakin, patayin, at ubusin. Kung kami ay ipinagbili na lamang bilang lalaki o babaeng alipin, tatahimik na lamang sana ako, sapagkat walang pagaalala tulad nito na makatarungang gawin pa para gambalain pa ang hari." 5 Pagkatapos sinabi ni Haring Assuero kay Esther na reyna, "Sino siya? Nasaan ang tao na ito na ang puso ay kayang gumawa ng ganyang bagay?" 6 Sinabi ni Esther, "Ang taong kumalaban, ang kaaway na iyon, ay itong masamang si Haman!" Pagkatapos lubhang nagulat si Haman sa harap ng Hari at ng reyna. 7 Napatayo ang hari sa galit sa gitna nang pag inom sa pagtitipon at pumunta sa hardin ng palasyo, ngunit naiwan si Haman na nagmamakaawa kay Reyna Esther na huwag siyang patayin. Nakita na niya ang reaksyon nang hari na tiyak niyang ikapapahamak. 8 Pagkatapos bumalik ang hari galing sa hardin ng palasyo patungo sa silid kung saan nanggagaling ang alak. Lumapit si Haman sa upuang kinaroroonan ni Esther. Sinabi ng hari, "Pagsasamantalahan ba niya ang reyna sa aking harapan at sa sarili ko pang pamamahay?" Pagkalabas mismo ng mga salitang ito mula sa bibig ng hari, tinakpan ng mga lingkod ang mukha ni Haman. 9 Pagkatapos si Harbona, isa sa mga opisyal na naglilingkod sa hari, ay nagsabing, "Isang bitayang limampung kubit ang taas ang nakatayo sa tabi ng bahay ni Haman. Itinayo niya ito para kay Mordecai, ang nagsalita upang mailigtas ang hari." Sinabi ng hari, "Bitayin siya roon." 10 Kaya binitay nila si Haman sa bitayang kanyang inihanda para kay Mordecai. Pagkatapos humupa ang matinding galit ng hari.