Kabanata 8

1 Sa araw na iyon ibinigay ni Haring Assuero kay Reyna Esther ang ari-arian ni Haman,ang kaaway ng mga Judio. At nagsimulang maglingkod si Mordecai sa hari, dahil sinabi ni Esther sa hari kung ano ang kaugnayan nito sa kanya. 2 Binawi ng hari ang panselyong singsing mula kay Haman, at ibinigay ito kay Mordecai. Itinalaga ni Esther si Mordecai na maging tagapamahala ng lahat ng ari-arian ni Haman. 3 Pagkatapos nakipag-usap muli si Esther sa hari. Nakayuko siyang lumuhod at umiyak habang nagmamakaawa sa hari na tapusin na ang masamang balak ni Haman na Agageo, ang masamang planong binuo niya laban sa mga Judio. 4 Pagkatapos itinuro ng hari ang gintong setro kay Esther; bumangon at tumayo siya sa harap ng hari. 5 Sinabi niya, "Kung mamarapatin ng hari, at kung nakatanggap ako ng kagandahang-loob sa iyong paningin, kung karapat-dapat ito sa harap ng hari, at ako ay kalugud-lugod sa iyong mga mata, hayaang isang kautusan ang maisulat upang mapawalang-bisa ang mga batas na naisulat ni Haman na anak ni Hammedatha na Agageo, ang mga sulat na kanyang sinulat para wasakin ang mga Judio na nasa lahat ng mga lalawigan ng hari. 6 Sapagkat paano ko kakayaning tingnan ang kapahamakang mangyayari sa aking lahi? Paano ko matitiis na panoorin ang pagkaubos ng aking mga kamag-anak? 7 Sinabi ni Haring Assuero kina Esther at Mordecai na Judio, "Tingnan ninyo, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Haman, at binitay nila si Haman sa bitayan, dahil sasalakayin niya ang mga Judio. 8 Sumulat ka ng iba pang kautusan para sa mga Judio sa pangalan ng hari, at selyuhan ito sa pamamagitan ng kanyang singsing. Sapagkat ang kautusang naisulat na sa pangalan ng hari at naselyuhan sa pamamagitan ng kanyang singsing ay hindi na maaaring mapawalang-bisa." 9 Kaya pinatawag ang mga manunulat ng hari sa oras na iyon, sa ikatlong buwan, na buwan ng Sivan, sa ikadalawampu't tatlong araw ng buwan. Isang kautusan ang isinulat na naglalaman ng lahat ng iuutos ni Mordecai sa mga Judio. Isinulat ito para sa opisyal ng mga lalawigan, gobernador ng rehiyon, at sa mga tagapangasiwa ng hari na matatagpuan mula India hanggang Ethiopia, 127 na lalawigan, na isinulat kung paano sila magsulat, at sa bawat tao ayon sa kanilang wika, at sa mga Judio kung paano sila magsulat at magsalita. 10 Sumulat si Mordecai sa ngalan ni Haring Assuero at sinelyuhan ito ng panselyong singsing ng hari. Pinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga tagahatid na nakasakay sa mabibilis na mga kabayo na siyang ginagamit sa paglilingkod sa hari, pinarami mula sa palahiang hayop ng kaharian. 11 Pinahintulutan ng hari ang mga Judio na nasa bawat siyudad na magtipun-tipon at lumaban upang protektahan ang kanilang buhay kung sila ay uubusin, papatayin, at lilipulin nang sinuman armadong tao mula sa alinmang lahi o lalawigang gustong sumalakay sa kanila, kasali ang mga bata at mga kababaihan ni nakawin man ang kanilang mga ari-arian. 12 Ipapairal ito sa lahat ng lalawigan ni Haring Assuero, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na buwan ng Adar. 13 Ang kopya ng utos ay pinagtibay bilang batas at ipapakita ito sa lahat ng tao. Ang mga Judio ay dapat handa sa araw na iyon upang maghiganti sa kanilang mga kaaway. 14 Kaya sumakay ang mga tagahatid sa maharlikang mga kabayong ginagamit para sa paglilingkod sa hari. Umalis sila at hindi nagpapigil. Ang kautusan ng hari ay ibinalita rin mula sa palasyo ng Susa. 15 Pagkatapos umalis si Mordecai sa presensya ng hari na nakasuot ng maharlikang damit na bughaw at puti, na may malaking gintong korona at kulay-ubeng balabal ng pinong lino. At sumigaw at nagsaya ang siyudad ng Susa. 16 Nagkaroon ng liwanag, galak, saya, at karangalan ang mga Judio. 17 Sa bawat lalawigan at sa bawat bayan, saanman makarating ang kautusan ng hari, nagagalak at may lubos na kasiyahan ang mga Judio, isang pagdiriwang at isang araw ng pista. Maraming mga tao galing sa ibat ibang mga lahi ang naging Judio, dahil sa takot na magalit sa kanila ang mga Judio.