Kabanata 1

1 Nang panahon ni Assuero (Si Assuero na naghari rin mula India hanggang sa Ethiopia, na may mahigit 127 lalawigan), 2 sa mga araw na iyon naghari si Haring Assuero sa kanyang maharlikang trono sa kuta ng Susa. 3 Sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, nagbigay siya ng isang pista sa lahat ng kanyang mga opisyal at alipin. Ang hukbo ng Persia at Media, mga magigiting na mga lalaki, at gobernador ng mga probinsya ay dumalo. 4 Ipinakita niya ang yaman at karangyaan ng kanyang kaharian at ang karangalan at galing sa lahat sa loob ng 180 araw. 5 Nang natapos ang mga araw na ito, nagbigay ang hari ng pista na tumagal ng pitong araw. Ito ay para sa lahat ng tao sa palasyo ng Susa, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakahamak. Idinaos ito sa bulwagan ng hardin ng palasyo ng hari. 6 Ang bulwagan ng hardin ay pinalamutian ng mga kurtina na kulay puti at kulay-ube, na may mga tali ng pinong lino at kulay-ube, ibinitin sa sabitang pilak mula sa mga haliging marmol. May mga upuang ginto at pilak na nasa bangketang may palitada ng poripiya o mamahaling mga batong kristal, marmol, ina ng perlas, at mga batong panlatag na kinulayan. 7 Ang mga inumin ay inihain sa mga gintong tasa. Di-pangkaraniwan ang bawat tasa, at maraming maharlikang alak na dumating dahil sa pagiging mapagbigay ng hari. 8 Ang inuman ay isinagawa alinsunod sa kautusang, "hindi dapat pilitin ang sinuman."dahil dito nagbigay ng utos ng utos ang hari sa lahat ng mga opisyales ng kanyang palasyo na gawin ang bagay ayon sa kung ano ang gusto ng bawat tao. 9 Pati si Reyna Vashti ay nagbigay ng pista para sa mga kababihan sa maharlikang palasyo ni Haring Assuero. 10 Sa ika-pitong araw, nang ang puso ng hari ay nasisiyahan dahil sa alak, sinabihan niya sina Memuhan, Biztha, Harbona, Bigtha, Abagtha, Zethar at Carcas (ang pitong opisyal na naglilingkod sa harap niya), 11 na dalhin si Reyna Vashti sa harap niya dala ang kanyang maharlikang korona. Gusto niyang ipakita sa mga tao at mga opisyal ang kanyang kagandahan, sapagkat ang kanyang itsura ay napakaganda. 12 Ngunit tumangging sumunod si Reyna Vashti sa utos ng hari na sinabi naman sa kanya ng mga opisyal. Pagkatapos labis na nagalit ang hari; nag-alab ang matinding galit sa kalooban niya. 13 Kaya kinunsulta ng hari ang mga lalaking kilalang matalino, na nakakaintindi sa mga panahon (dahil ito ang pamamaraan ng hari sa lahat ng mga bihasa sa batas at paghahatol). 14 Ngayon ang mga taong malapit sa kanya ay sina Carshena, Shethar, Admatha, Tarshish, Meres, Marsena at Memucan, pitong prinsipe ng Persia at Media. Kaya nilang lumapit sa hari, at may pinakamataas silang katungkulan sa loob ng kaharian. 15 "Alinsunod sa batas, ano ang gagawin kay Reyna Vashti dahil hindi siya sumunod sa utos ni Haring Assuero, na dinala sa kanya ng mga opisyal?" 16 Sinabi ni Memucan sa harap ng hari at ng mga opisyal, "Hindi lang sa Hari nakagawa ng mali si Reyna Vashti, kundi pati na rin sa lahat ng mga opisyal at lahat ng taong nasa loob ng lahat ng lalawigan ni Haring Assuero. 17 Dahil ang ginawa ng reyna ay malalaman din ng lahat ng mga kababaihan. Baka magkaroon sila ng dahilan para bastusin ang kanilang mga asawa. Sasabihin nilang, 'Inutusan ni Haring Assuero si Vashti ang reyna na pumunta sa kanyang harapan, ngunit tinanggihan siya nito.' 18 Bago pa matapos ang mismong araw na ito ang mararangal na mga babae ng Persia at Media na narinig ang ginawa ng reyna ay magsasabi ng parehong bagay sa lahat ng mga opisyal ng hari. Magkakaroon ng matinding paghamak at galit. 19 Kung ito ay papayag ang hari, hayaang isang maharlikang kautusan ang magmula sa kanya, at ito'y dapat maisulat sa batas ng mga Persiano at ng mga Medeo, na hindi na maaaring ipawalang-bisa, upang hindi na muling maka harap si Vashti sa kaniya. Hayaan ang hari na ibigay ang kanyang pagiging reyna sa ibang mas karapat dapat. 20 Kapag naibalita na ang utos ng hari sa buong kaharian, lahat ng asawang babae ay pararangalan ang kani-kanilang mga asawa, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakahamak." 21 Ang hari at ang prinsipe niya ay nasiyahan sa kanyang payo, at ginawa ng hari ang panukala ni Memucan. 22 Nagpadala siya ng mga liham sa lahat ng mga kaharian sa lalawigan, sa bawat lalawigan nang kanilang pagsulat, at sa bawat tao sa kanilang sariling wika. Iniutos niya na ang bawat lalaki ay dapat maging tagapamahala ng kanyang sariling sambahayan. Ang utos na ito ay ibinigay sa wika ng bawat tao sa imperyo.