18 1 Pagkatapos ng mga ito nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit. Siya ay may dakilang kapangyarihan, at ang daigdig ay tumatanglaw sa pamamagitan ng kaniyang kaluwalhatian. 2 Sumigaw siya nang may malakas na tinig sinasabing, "Bumagsak! Bumagsak ang Dakilang Babilonia!" Siya ay naging tirahan ng mga demonyo, tirahan para sa bawat maruming espiritu at tirahan para sa bawat marumi at kasuklam-suklam na ibon. 3 Dahil ang lahat ng bansa ay uminom ng alak ng pagnanasa ng kaniyang sekswal na imoralidad na nagdulot sa kaniya ng poot. Ang mga hari ng mundo ay gumawa ng sekswal na imoralidad kasama niya. Ang mga mangangalakal sa mundo ay naging mayaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng marangya niyang pamumuhay. 4 Pagkatapos, narinig ko ang isa pang tinig, mula sa langit na sinasabi, "Lumabas kayo mula sa kaniya, aking bayan, para hindi kayo makibahagi sa kaniyang mga kasalanan, at para hindi ninyo tanggapin ang anuman sa kaniyang mga salot. 5 Ang kaniyang mga kasalanan ay patung-patong hanggang sa langit, at inalala ng Diyos ang kaniyang mga masasamang gawain. 6 Bayaran mo siya katulad ng pagbabayad niya sa iba at bayaran mo siya ng dalawang ulit, dahil sa kaniyang ginawa, sa kaniyang paghalo sa kopa, paghaluin ng dalawang ulit ang bayad para sa kaniya. 7 Gaya ng pagluwalhati niya sa kaniyang sarili, at namuhay sa karangyaan, bigyan mo siya ng higit sa katumbas na pagdurusa at pagdadalamhati. Dahil sinabi niya sa kaniyang puso, "Ako ay nakaupong tulad ng isang reyna; hindi ako balo, at hindi kailanman makikita ang kalungkutan. 8 Kaya isang araw ay dadaanan siya ng kaniyang sariling mga salot: kamatayan, kalungkutan at kagutuman. Siya ay tutupukin ng apoy, dahil ang Panginoong Diyos ay makapangyarihan, at siya ang kaniyang hukom. 9 Ang mga hari ng mundo na nakagawa ng mga sekswal na imoralidad at hindi nakapagpigil kasama niya ay tatangis at mananaghoy sa kaniya kapag nakita nila ang usok ng kaniyang pagkakasunog. 10 Tatayo sila sa malayo, takot sa kaniyang paghihirap, sinasabing, "Kaawa-awa, kaawa-awa sa dakilang lungsod, sa Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Dahil sa loob ng isang oras ang iyong kaparusahan ay darating. 11 Ang mga mangangalakal ng mundo ay tatangis at magluluksa para sa kaniya, dahil walang sinuman ang bibili ng kaniyang mga kalakal kailanman- 12 mga kagamitang ginto, pilak, at mamahaling hiyas, mga perlas, pinong lino, lila, seda, telang pula at lahat ng uri ng mabangong kahoy, bawat sisidlang yari sa pangil ng elepante, bawat sisidlang yari sa mamahaling kahoy, ginto, tanso, bakal at marmol, 13 sinamon, pampalasa, insenso, mira at kamangyan, alak, langis, pinong harina, trigo, baka, at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin at mga kaluluwa ng tao. 14 Ang bunga na iyong hinahangad nang buong lakas mo ay nawala mula sa iyo. Lahat ng iyong karangyaan at kaningningan ay naglaho, at hindi na kailanman muling masusumpungan. 15 Ang mga mangangalakal ng mga bilihing ito na naging mayaman sa pamamagitan niya ay tatayong malayo mula sa kaniya sa kalayuan dahil sa takot ng kaniyang paghihirap, pagtatangis at malakas na pagpipighati. 16 Sasabihin nila, "Kaawa-awa, kaawa-awa sa dakilang lungsod na nadadamitan ng pinong lino, ng lila at telang pula at pagpapaganda ng ginto, mamahaling hiyas at mga perlas!" 17 Sa loob ng isang oras ang lahat ng kayamanan ay nasayang. Ang bawat kapitan ng barko, bawat mandaragat, mga manlalayag, at silang lahat na ang nabubuhay ay mula sa dagat, ay nakatayo sa kalayuan. 18 Sisigaw sila habang nakikita nila ang usok ng kaniyang pagkakasunog. Sinabi nila, "Anong lungsod ang tulad ng dakilang lungsod?" 19 Nagsaboy sila ng alikabok sa kanilang mga ulo, at sumigaw, nananangis, at nananaghoy. "Kaawa-awa, kaawa-awa ang dakilang lungsod kung saan lahat ng kanilang mga barko sa dagat ay yayaman mula sa kaniyang kayamanan. Dahil sa loob ng isang oras siya ay winasak." 20 "Magalak kayo sa kaniya, kalangitan, kayong mga mananampalataya, mga apostol at mga propeta, dahil dinala ng Diyos ang inyong hatol sa kaniya!" 21 Isang makapangyarihang anghel ang kumuha ng isang bato tulad ng isang malaking gilingang bato at itinapon ito sa dagat, sinasabing, "Sa ganitong paraan ang dakilang lungsod ng Babilonia, ay itatapon pababa nang may karahasan at hindi na makikita kailanman. 22 Ang tunog ng manunugtog ng alpa, mga musiko, manunugtog ng plauta at mga trumpeta ay hindi na maririnig sa inyo kailanman. Walang anumang uri ng manggagawa ang matatagpuan sa inyo. Walang tunog ng gilingan ang maririnig sa inyo kailanman. 23 Ang ilaw ng ilawan ay hindi na magliliwanag sa inyo kailanman. Ang mga tinig ng lalaking ikakasal at babaing ikakasal ay hindi na ninyo maririnig kailanman, dahil ang inyong mga mangangalakal ay ang mga prinsipe ng mundo at ang mga bansa ay nilinlang sa pamamagitan ng inyong pangkukulam. 24 Sa kaniya natagpuan ang dugo ng mga propeta at ng mga mananampalataya, at ang dugo ng lahat ng mga pinatay sa lupa.