1 1 Ako, si Santiago, isang alagad ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang tribo na nasa pangangalat. 2 Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang pagsubok, 3 dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis. 4 Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay maging ganap na lumago, na walang kakulangan. 5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at ipagkakaloob Niya ito sa kaniya. 6 Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat na tinatangay ng hangin sa kung saan-saan. 7 Dahil ang taong iyon ay hindi dapat umasa na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon, 8 ang ganitong tao ay dalawa ang pag-iisip at hindi maaasahan ang kanyang mga paraaan. 9 Ang mahirap na kapatid ay dapat luwalhatiin sa kaniyang mataas na kalagayan, 10 samantalang ang mayaman na kapatid sa kaniyang kababaang loob, sapagkat siya ay lilipas katulad ng mga bulaklak ng damo sa bukid na lumilipas. 11 Sumisikat ang araw na may nakakasunog na init at natutuyo ang halaman at ang mga bulaklak ay nalalagas, at mawawala ang kagandahan nito. Sa parehong paraan ang mayamang tao ay mapaparam sa kalagitnaan ng kaniyang paglalakbay. 12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makatatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos. 13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinukso, "Ang pagsubok na ito ay galing sa Diyos, ” Sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring tuksuhin ng diyablo, at hindi maaaring tuksuhin ng Diyos ang sinuman. 14 Ang bawat tao ay natutukso sa pamamagitan ng kaniyang sariling masamang pagnanasa kung saan inaakit at itinutulak siya palayo. 15 At pagkatapos na maglihi ang makasalanang pagnanasa, ang kasalanan ay maipapanganak at pagkatapos lumaki ng kasalanan hahantong ito sa kamatayan. 16 Huwag kayong magpalinlang, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino. 18 Pinili ng Diyos na bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging katulad tayo ng mga unang bunga sa kaniyang mga nilikha. 19 Alam ninyo ito, mga minamahal kong kapatid. Bawat tao ay dapat mabilis sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at hindi agad nagagalit, 20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi nagdudulot ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng gawaing makasalanan at ang kasamaan na nasa lahat ng dako, at sa kababaang-loob, tanggapin ang itinanim na salita, na makakapagligtas sa inyong kaluluwa. 22 Ipamuhay ninyo ang salita at hindi lamang tagapakinig kung saan dinadaya ninyo lang ang inyong mga sarili. 23 Sapagkat ang sinuman na nakarinig ng salita at hindi ito ginagawa, para siyang isang taong humarap sa salamin at tiningnan ang kaniyang likas na mukha. 24 Tiningnan ang kaniyang sarili at umalis, hindi nagtagal ay nakalimutan niya kung ano ang kaniyang itsura. 25 Ngunit ang taong tumitingin ng mabuti sa kautusan, ang batas na nagbibigay ng kalayaan, at patuloy na sinusunod ito, hindi lamang siya naging tagapakinig na nakakalimot, ang taong ito ay pagpapalain habang ginagawa niya ito. 26 Kung sinuman ang nag-iisip sa kaniyang sarili na siya ay relihiyoso, ngunit hindi mapigilan ang kaniyang dila, niloloko niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ito ay dalisay at walang karumihang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama: ang pagtulong sa mga walang ama at balo sa kanilang kapighatian, at para pangalagaan ang sarili mula sa katiwaliaan ng mundo.