2 1 Ang siyang sisira ay naghahanda na laban sa iyo. Bantayan ang pader ng siyudad, bantayan ang mga kalye, palakasin ang iyong mga katawan, ihanda ang inyong mga sarili. 2 Sapagkat pinanunumbalik ni Yahweh ang kadakilaan ni Jacob, tulad ng paghahari ng Israel, kahit na sinira ang mga ito ng mga mangangamkam at pinagpupuputol ang mga sanga ng puno ng kanilang ubas. 3 Pula ang pangga ng mga malalakas na lalaki at nakadamit ng pulang pula ang mga sundalo: kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe sa araw na iyon na sila ay nakahanda, at ang mga sibat na saypres ay iwinagayway sa hangin. 4 Ang mga karwahe ay mabilis na tumatakbo sa mga lansangan; mabilis silang pumaroo't pumarito sa mga maluluwang na mga lansangan. Para silang mga sulo, at tumatakbo sila na parang mga kidlat. 5 Pinatawag ang mga makapangyarihan pinuno; natitisod sila sa isa't isa sa kanilang paglakad; nagmamadali sila upang lusubin ang pader ng lungsod. Inihanda na ang malaking pansalag upang pangalagaan itong mga manlulusob. 6 Pilit na binuksan ang mga tarangkahan sa mga ilog, at ang palasyo ay babagsak sa pagkawasak. 7 Hinubaran ng damit ang reyna at dinala siya palayo, nanaghoy ang kaniyang mga lingkod na babae na parang mga kalapati, dinadagukan ang kanilang mga dibdib. 8 Ang Ninive ay parang isang lawa ng tubig na tumatagas, kasama nitong tumatakas ang kaniyang mga tao na parang rumaragasang tubig. Sumisigaw ang iba, "Tumigil kayo, tumigil kayo," ngunit walang lumilingon. 9 Kunin ninyo ang sinamsam na pilak, kunin ninyo ang sinamsam na ginto, sapagkat wala itong katapusan, ang karangyaan ng lahat ng bagay na magaganda sa Ninive. 10 Walang nakatira sa Ninive at nawasak. Natutunaw ang puso ng lahat, nag-uumpugan ang mga tuhod ng bawat isa, at ang nagdadalamhati ang bawat isa, maputlang lahat ang kanilang mga mukha. 11 Nasaan na ngayon ang lungga ng mga leon, ang lugar kung saan pinapakain ang mga batang leon, ang lugar kung saan dumadaan ang leon at ang babaeng leon, kasama ang mga batang leon, kung saan wala silang kinatatakutan? 12 Niluray ng leon ng pirara-piraso ang kaniyang biktima para sa kaniyang mga anak, sinakmal niya ang mga biktima para sa kaniyang mga asawang leon, at pinupuno ang kaniyang kuweba ng mga biktima, puno ang kaniyang mga lungga ng mga nilapang patay na hayop. 13 "Masdan mo, ako ay laban sa iyo", ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo. "Susunugin ko ang iyong mga karwahe sa usok at lalamunin ng espada ang iyong mga batang leon. Ihihiwalay ko ang iyong mga sinamsam mula sa iyong lupain at hindi na maririnig ang mga tinig ng iyong mga mensahero."