Chapter 16

1 Inihahabilin ko sa inyo ang ating kapatid na na si Phoebe, isang lingkod sa iglesiya sa Cencrea. 2 Tanggapin niyo siya sa Panginoon na nararapat sa mga mananampalataya. Tulungan ninyo siya sa lahat ng pangangailangan niya sapagkat marami na rin siyang natulungang kasama na ako. 3 Batiin ninyo sina Prisca at Aquila, mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4 Inilagay nila ang kanilang sarili sa panganib para tulungan ako. Kaya pinapasalamatan ko sila kasama ng lahat ng mga iglesiya sa mga Gentil. 5 Batiin niyo rin ang iglesiyang nagtitipon sa kanilang bahay. Batiin niyo rin ang minamahal kong si Epeneto. Siya ang unang nakakilala kay Cristo sa Asya. 6 Batiin niyo si Maria na naglingkod ng husto para sa inyo. 7 Batiin niyo sina Andronico at Junia na mga kamag-anak ko at mga kasamang nabilanggo. Kilala sila ng mga apostol at nauna silang nakakilala kay Cristo kaysa sa akin. 8 Batiin ninyo si Ampliatus, na aking minamahal sa Panginoon. 9 Batiin niyo si Urbano, ang ating kamanggagawa kay Cristo at ang minamahal kong si Staquis. 10 Batiin niyo si Apeles, isang lingkod na subok kay Cristo. Batiin niyo rin ang sambahayan ni Aristobulo. 11 Batiin niyo si Herodion, ang kamag-anak ko. Batiin niyo rin ang sambahayan ni Narciso, mga kapwa mananampalataya sa Panginoon. 12 Batiin niyo sina Tryphaena at Tryphosa, mga naglilingkod sa Panginoon. Batiin niyo ang minamahal na Persida, masipag na naglingkod sa Panginoon. 13 Batiin niyo si Rufo na pinili ng Panginoon maging ang kaniyang ina na naging ina rin sa akin. 14 Batiin niyo si Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hemas, at mga kapatid na kasama nila. 15 Batiin niyo si Filologo at Julia, Nereo, at ang kaniyang kapatid na babae, si Olimpas, at mga mananampalatayang kasama nila. 16 Magbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesiya ni Cristo. 17 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, mag-ingat kayo sa mga taong nagiging dahilan ng pagkahati-hati at pagkakatisod, pagtuturo ng mga aral na taliwas sa natutunan niyo. Kaya iwasan ninyo sila. 18 Sapagkat pinaglilungkuran ng mga taong ito ang kanilang sarili, hindi ang ating Panginoong Cristo. Dinadaya nila ang puso ng mga inosente sa pamamagitan ng kanilang mabulaklak at madulas na pananalita. 19 Kilala sa lahat ng tao ang inyong pagiging masunurin kaya nakikigalak din ako sa inyo. Gusto ko rin sanang maging matalino kayo sa anumang mabuting gawa at malinis sa anumang masamang gawa. 20 At dudurugin ng Diyos ng kapayapaan si Satanas sa ilalim ng inyong paanan. Sumainyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 21 Binabati kayo ni Timoteo, ang kamanggagawa ko at ng aking mga kamag-anak na sina Lucius, Jason, Sosipato. 22 Akong si Tercio na nagsulat ng liham na ito ay bumabati sa inyo sa Panginoon. 23 Binabati kayo ni Gaius, ang nagpatuloy sa akin, at ng buong iglesiya rito. Binabati kayo ni Erasto, ang ingat-yaman ng lungsod pati ang kapatid na si Quarto. 24 Sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen. 26 25 Sa kaniyang may kakayahang pagtibayin kayo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng pahayag ng misteryo na itinago pa noong unang panahon, ngunit ipinamalas ngayon sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta ayon sa batas ng walang hanggang Diyos, para dalhin ang lahat ng mga bansa sa pagsunod nang may pananampalataya. 27 Sa nag-iisang marunong na Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.