Chapter 12

1 Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa awa ng Diyos, ihandog ninyo ang inyong mga katawan bilang mga buhay na handog, banal, at katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong pagsambang espirituwal. 2 Huwag kayong makikibagay sa takbo ng mundong ito. Sa halip magpabago kayo ng pamumuhay sa pamamagitan ng panibagong isipan, para mapatunayan ninyo ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos. 3 Dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag kayong mag-isip na nakakahigit kayo sa iba higit sa dapat ninyong isipin. Kundi mag-isip kayo nang may paghatol sa sarili ayon sa sukat ng pananampalatayang ibinigay ng Diyos sa bawat isa. 4 Kahit tayo ay maraming bahagi ng iisang katawan, hindi pareho ang tungkulin ng mga bahaging ito. 5 Gayundin, tayo na marami ay iisang katawan ni Cristo ay kabahagi rin ng isa't isa. 6 Magkakaiba ang mga kaloob na ibinigay ayon sa biyaya niya sa atin. Kung ito ay kaloob ng propesiya, ipahayag ninyo ang propesiya ayon sa sukat ng inyong pananampalataya. 7 Maglingkod tayo kung ito ay paglilingkod at magturo siyang may kaloob ng pagtuturo. 8 Magpasigla ang sinumang napagkaooban ng pampasigla at gawin niya ito palagi. Magsikap nang mabuti ang may kaloob ng pangunguna. Sa may kaloob ng awa, gawin niya ito nang may kagalakan. 9 Mag-ibigan kayo nang walang pagkukunyari. Kasuklaman ninyo ang masama. Panghawakan ninyo ang mabuti. 10 Maging tapat kayo sa isa't isa na may pag-ibig bilang magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang isa't isa nang may paggalang. 11 Magsipag sa gawain at huwag maging tamad. Magkaroon ka ng masigasig na espiritu tuwing maglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo nang may pag-asa. Maging matiisin kung kayo'y inuusig. Manalangin kayo lagi. 13 Ipaaalam ninyo ang pangangailangan ng mga mananampalataya. Mabuti ninyong tanggapin ang inyong mga bisita. 14 16 Pagpalain niyo ang mga umuusig sa inyo. Pagpalain sila at huwag sumpain. 15 Samahan mong magalak ang mga nagagalak at umiyak ka kasama ng mga umiiyak. Magkaroon kayo ng iisang isipan sa isa't isa. Iwasan ninyo ang pagmamalaki sa halip ay pakisamahan ninyo maging ang mga mahihirap. Huwag kang magmarunong sa iyong paningin. 17 Huwag mong gantihan ang masama ng masama. Gawin ninyo ang makabubuti sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, panatilihin ninyo ang kapayapaan sa isa't isa sa abot ng inyong makakaya. 19 Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal. Sa halip, bigyan niyo ng daan ang poot ng Diyos dahil nasusulat, "Sa akin ang paghihiganti. Ako ang maghihiganti," sabi ng Panginoon. 20 Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo siya. Kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng maiinom. Sa gayon pinupunan mo ng nagbabagang uling ang kaniyang ulunan. 21 Huwag kayong magpapadaig sa masama kundi daigin ninyo ang masama ng mabuti.