1
Ang pahayag na tinanggap ni propetang Habakuk:
2
"Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong pero hindi ka makikinig? Tumatawag ako sa iyo dahil sa, 'Karahasan!' pero hindi ka nagliligtas!
3
Bakit mo ipinapakita sa akin ang kasamaan at pinapatanaw sa akin ang maling gawain? Nahaharap ako sa pagkawasak at karahasan at may pagtatalo at alitang nabubuo.
4
Kaya humina ang bisa ng kautusan at hindi naipapatupad ang katarungan, dahil pinalibutan ng masama ang matuwid. Nababaluktot tuloy nila ang katarungan." Tumugon si Yahweh kay Habakuk.
5
"Tingnan mo ang mga bansa at masdan mo sila. Mamangha ka at mabigla! Tinitiyak kong may gagawin ako sa iyong mga araw na hindi mo paniniwalaan kapag ibinalita sa iyo.
6
Tingnan mo! Hinahanda ko ang mga Caldeo, ang malupit at marahas na bansang iyon. Lumalakad sila sa lahat ng mga lupain para sakupin ang mga tahanang hindi nila pag-aari.
7
Sila ay nakakasindak at nakakatakot; ang kanilang paghuhukom at karangyaan ay mula sa kanilang sarili!
8
Mas matulin pa sa mga leopardo ang kanilang mga kabayo, mas mabilis kaysa sa mga lobo sa gabi! Galing pa sa malayo ang kanilang mga mangangabayo kaya mabibilis tumakbo ang kanilang mga kabayo—lumilipad silang gaya ng agila na nagmamadaling manakmal!
9
Dumating silang lahat para sa karahasan, ang karamihan sa kanila ay pumunta na tulad ng hangin ng disyerto at tinitipon nila ang mga bihag na tulad ng buhangin!
10
Kaya kinukutya nila ang mga hari, at ang mga namumuno ay kakutyaan lang sa kanila! Tinatawanan nila ang bawat kutang tanggulan, dahil nagbubunton sila ng lupa at kinukuha ang mga ito!
11
At ang hangin ay mabilis na daraan; lalampas ito—mga taong may kasalanan, sila na ang kanilang diyos ay ang kanilang kapangyarihan!" Nagtanong si Habakuk kay Yahweh ng isa pang katanungan.
12
"Hindi ba mula ka sa walang hanggan, Yahweh na aking Diyos, ang aking Banal? Hindi kami mamamatay. Itinalaga sila ni Yahweh para sa paghatol, at ikaw na Bato ang nagtatag sa kanila para sa pagtutuwid!
13
Napakadalisay ng inyong mga mata upang tumitig sa kasamaan, at hindi mo kayang tumingin sa maling gawain nang may pagsang-ayon; ngunit bakit ka tumingin nang may pagsang-ayon sa mga nagkakanulo? Bakit ka tahimik habang nilulunok ng mga taong masama ang mga higit na matuwid kaysa sa kanila?
14
Ginawa mong gaya ng mga isda sa dagat ang mga tao, gaya ng mga bagay na gumagapang na walang namumuno sa kanila.
15
Inangat silang lahat sa pamamagitan ng pamingwit, kinakaladkad nila palayo ang mga tao gamit ang mga lambat at iniipon sila sa kanilang lambat. Ito ang dahilan kaya sila ay nagagalak at sumisigaw nang masayang-masaya!
16
Kaya sila ay naghahandog sa kanilang lambat at nagsusunog ng insenso sa kanilang lambat, sapagkat ang mga pinatabang hayop ang kanilang bahagi, at ang matatabang karne ang kanilang pagkain!
17
Kaya aalisin ba nila ang lahat ng laman ng kanilang lambat at ipagpapatuloy na patayin ang mga bansa, nang walang pagkahabag?"