Chapter 1

1 Pablo ang apostol. Naging apostol ako hindi dahil sa tao o sa pamamagitan ng tao, kundi kay Jesu Cristo at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay. 2 Kasama ang lahat ng mga kapatiran na naririto, sumusulat ako sa mga iglesya sa Galacia. 3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu Cristo. 4 Ibinigay niya ang kaniyang buhay dahil sa ating mga kasalanan upang iligtas tayo mula sa masamang kapanahunang ito. Ayon ito sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5 Sa kaniya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen. 6 Nagtataka ako kung bakit mabilis ninyong ipinagpalit ang tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo para sa ibang ebanghelyo. 7 Walang ibang ebanghelyo pero may ilang tao na gumugulo sa inyo at gusto nilang baguhin ang ebanghelyo ni Cristo. 8 Kung may isa man sa amin o isang anghel galing sa langit ang magpayahag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa pinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Tulad ng sinabi namin sa inyo noon, at uulitin ko muli sa inyo, kung may isa mang magpahayag sa inyo ng ebanghelyong naiiba kaysa sa tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain. 10 Sinisikap ko ba ang kagustuhan ng tao o ng Diyos? O sinisikap ko ba ang papuri ng mga tao? Kung sinisikap ko ang papuri ng tao, hindi ako nararapat na maging lingkod ni Cristo. 11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyong ipinahayag ko ay hindi galing sa tao. 12 Hindi ko tinanggap ang ebanghelyo mula sa tao, o tinuruan lamang ng tao. Tinanggap ko ito mula sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 13 Narinig na ninyo ang dati kong pamumuhay sa Judaismo, kung paano kong malupit na inusig ang iglesya ng Diyos at sinubukan kong wasakin ito. 14 Nahigitan ko ang marami sa mga kasama ko sa Judaismo. Naging masyado akong masigasig para sa mga kaugalian ng aking mga ninuno. 15 Ngunit ikinalugod ng Diyos na piliin niya ako mula sa sinapupunan ng aking ina at siyang tumawag sa akin sa kaniyang biyaya, 16 para ipahayag niya sa akin ang kaniyang Anak at para maipangaral ko siya sa mga Gentil. Hindi ako nagmadaling sumangguni ayon sa laman at dugo. 17 Hindi rin ako nagtungo sa mga apostol sa Jerusalem na nauna pa sa akin. Pero nagtungo ako sa Arabia at bumalik muli sa Damasco. 18 Pagkatapos ng tatlong taon, pinuntahan ko si Cefas sa Jerusalem at nanatili ako roon ng labinlimang araw. 19 Pero hindi ako nakipagkita sa ibang mga apostol maliban kay Santiago, ang kapatid ng Panginoon. 20 Sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling sa mga bagay na isinulat ko sa inyo. 21 Pagkatapos nito, nagtungo ako sa mga rehiyon ng Siria at Cilicia. 22 Hindi pa ako nakikita ng harapan ng mga iglesya sa Judea kay Cristo, 23 Ngunit narinig na nila, na ang taong umuusig sa atin noon ay pinapangaral na niya ngayon ang pananampalatayang sinubukan niyang wasakin. 24 At nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.