Chapter 14

1 "Huwag kayong mabalisa sa inyong puso. Maniwala kayo sa Diyos. Maniwala din kayo sa akin. 2 Maraming silid sa tahanan ng aking Ama. Kung hindi ito totoo, hindi ko ito sasabihin sa inyo. Paparoon ako para ipaghanda ko kayo ng lugar. 3 Kung pupunta ako para maghanda ng lugar para sa inyo, babalikan ko kayo at tatanggapin kayo sa aking sarili para kung nasaan ako, naroroon din kayo. 4 Alam ninyo ang daan kung saan ako pupunta." 5 Sinabi ni Tomas kay Jesus, "Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, paano namin malalaman ang daan?" 6 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang makakalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala niyo ako, dapat kilala niyo rin ang aking Ama. Sa oras na ito, kilala niyo siya at nakita niyo na siya." 8 Sinabi ni Felipe kay Jesus, "Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama at magiging sapat na ito para sa amin." 9 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Kasama ko na kayo sa mahabang panahon tapos hindi mo pa rin ako nakikilala, Felipe? Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama. Bakit mo sasabihing, 'Ipakita mo sa amin ang Ama'? 10 Hindi ba kayo naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang ito na aking sinasabi ay hindi lang ayon sa aking kapangyarihan kundi mula sa Ama na nananahan sa akin at ginagawa ko ang kaniyang pinapagawa. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin, o maniwala kayo dahil sa mga ginawa ko. 12 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang naniniwala sa akin ay makakagawa rin ng mga ginagawa ko at higit pa riyan ang kaniyang magagawa dahil patungo na ako sa Ama. 13 Anunmang hingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko para mapapurihan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Anumang hilingin ninyo sa aking pangalan, gagawin ko ito. 15 Kung mahal mo ako, tutuparin mo ang aking mga utos. 16 at mananalangin ako sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang Tagapayo na makakasama ninyo sa walang hanggan. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan. Hindi siya kayang tanggapin ng mundo at hindi nila siya nakikita o nalalaman. Pero kilala niyo siya dahil nabubuhay siya sa inyo at kasama ninyo. 18 Hindi ko kayo iiwanan gaya ng mga bata ulila. Babalikan ko kayo. 19 Sa sandaling panahon, hindi na ako makikita ng mundo pero makikita ninyo ako. Dahil nabubuhay ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako ay nasa Ama at kayo ay sa akin, at ako ay nasa inyo. 21 Sa taong nagmamahal sa akin, mapapasakaniya ang aking mga utos at tutuparin niya ang mga ito. At ang sinumang nagmamahal sa akin ay mamahalin din ng aking Ama at mamahalin ko rin siya at magpapakita ako sa kaniya." 22 Sinabi ni Judas (hindi siya si Iscariote) kay Jesus, "Panginoon, bakit niyo ipinapakita ang iyong sarili sa amin pero hindi sa mundo?" 23 Sinagot siya ni Jesus, "Ang sinumang magmamahal sa akin, tutuparin niya ang kaniyang salita. Mamahalin siya ng aking Ama at pupunta kami sa kaniya at mananahan kami sa kaniya. 24 Ang sinumang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tutupad sa aking mga salita. Ang mga salitang itong naririnig ninyo ay hindi sa akin kundi galing sa aking Amang nagsugo sa akin. 25 Sinasabi ko sa inyo ito habang kasama ko pa kayo. 26 Pero darating na ang Tagapayo—ang Banal na Espiritu na ipapadala ng Ama sa aking pangalan. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ipapaalala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo. 27 Iniiwan ko sa inyo ang aking kapayapaan. Ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Huwag kayong mabalisa sa inyong puso at huwag kayong matakot. 28 Narinig niyong sinabi ko sa inyo, 'Aalis ako pero babalik ako sa inyo.' Kung minahal niyo ako, matutuwa kayo dahil papunta na ako sa Ama at ang Ama ay nakahihigit pa kaysa sa akin. 29 Sinabihan ko na kayo agad para pag mangyari ito, maniniwala kayo. 30 Hindi na ako magsasabi ng marami sa inyo dahil paparating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang kapangyarihan laban sa akin, 31 para malaman ng mundo na minamahal ko ang Ama. Ginagawa ko lang kung anong iniutos ng Ama sa akin. Tara, umalis na tayo mula rito."