1
Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na nakay Cristo Jesus.
2
Para kay Timoteo, ang pinakamamahal kong anak. Ang biyaya, habag, at kapayapaan ay sumainyo mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
3
Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglilingkuran ko at ng ating mga ninuno nang may malinis na kalooban at patuloy kong inaalala ka sa aking mga panalangin umagat at gabi.
4
Nasasabik akong makita ka para mapuno ang aking kasiyahan. Naalala ko ang iyong mga pagluha.
5
Naalala ko rin ang iyong tapat na pananampalataya na unang pinamuhay ng iyong lola Loida at ang nanay mong si Eunice. Nakakatiyak din akong ipinamumuhay mo rin ito.
6
Kaya pinapaalalahanan kita na pagningansin mong muli ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng pagpatong ng aking kamay sa iyo.
7
Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng takot kundi ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.
8
Kaya huwag mong ikakahiya ang patotoo tungkol sa ating Panginoon, maging para sa akin na nakabilanggo ngayon. Sa halip, makibahagi ka sa pagdurusa para sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos.
9
Siya ang nagligtas sa atin at tumawag sa atin nang may banal na pagkatawag. Ginawa niya ito, hindi ayon sa ating mga gawa kundi sa kaniyang layunin at biyayang ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa sa simula ng panahon.
10
Ngunit ngayon naihayag na ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Si Cristo ang tumapos sa kamatayan at nagdala ng buhay, imortalitad, at walang hangganang liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo.
11
Dahil dito, ako ay hinirang niya bilang mangangaral, apostol, at tagapagturo.
12
Nagdurusa din ako dahil sa mga bagay na ito. Ngunit hindi ako nahiya, sapagkat kilala ko ang aking pinaniwalaan. Natitiyak ko na kaya niyang ingatan ang anumang bagay na ipinagkatiwala ko sa kaniya hanggang sa araw na iyon.
13
Ingatan mo ang mga halimbawa ng mga tapat na mensaheng narinig mo sa akin, kasama ang pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus.
14
Ang mabuting bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, bantayan mo ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na namumuhay sa atin.
15
Alam mo na siguro na tinalikuran ako ng lahat ng naninirahan sa Asya. Kasama sa grupong ito sina Figelo at Hermogenes.
16
Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo dahil madalas niya akong pinalalakas at hindi niya ikinakahiya ang aking kadena.
17
Noong nasa Roma siya, masigasig niya akong hinanap at nakita.
18
Ang Panginoon nawa ang magpala sa kaniya para tumanggap siya ng habag sa araw na iyon. At alam na alam mo rin ang lahat ng paraan ng pagtulong niya sa akin sa Efeso.