Chapter 2

1 Pinapangaralan kita na unahin ninyo ang paghiling sa Diyos, sa panalangin, pasasalamat ay gagawin para sa lahat ng tao, 2 para sa mga hari at lahat ng nasa kapangyarihan para makapamuhay tayo nang ligtas at mapayapa nang buong kabanalan at karangalan sa lahat ng bagay. 3 Mabuti ito at katanggap-tanggap sa harap ng Diyos nating tagapagligtas, 4 dahil gusto niyang mailigtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan. 5 Dahil may isang Diyos at isang tagapamagitan ng Diyos at tao, si Cristo Jesus na nagkatawang tao. 6 Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang pantubos sa lahat at maging patotoo sa takdang panahon. 7 Dahil dito, pinili niya akong maging guro at apostol. Sinasabi ko ang totoo at hindi ako nagsisinungaling, isang guro ng mga Gentil ng pananampalataya at katotohanan. 8 Kaya gusto kong makapanalangin ang mga lalaki sa lahat ng lugar, na itinataas ang kanilang kamay nang walang galit at pagtatalo. 9 Gayundin, nais kong nakakapagsuot ng maayos ang mga babae na kagalang-galang at hindi nakakahiya, hindi sa pamamagitan ng magtirintas ng buhok, sa pagsuot ng ginto o perlas o mamahaling kasuotan, 10 kundi isuot ng kababaihan ang mabubuting pag-uugali sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti. 11 Dapat turuang manahimik ang mga babae at nang buong pagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan na magturo ang babae, o mamahala sa mga lalaki, kundi manatili sa pananahimik. 13 Dahil nilikha muna si Adan bago si Eba. 14 At hindi si Adan ang unang nadaya kundi ang babae na pagkatapos madaya ay nahulog sa pagkakasala. 15 Pero maliligtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at mahinahong isip.