Kabanata 9

1 Ngayon sa ikalabindalawang buwan, ang buwan ng Adar, sa ikalabintatlong araw, nang ang batas ng hari at ang kautusan ay malapit nang ipatupad, nabaliktad ang utos na binalak ng mga kaaway upang patayin ang mga Judio. Ang mga Judio ang nagtamasa nang kapangyarihan laban sa kanilang may galit sa lahi nila. 2 Nagpulong ang mga Judio sa kanilang mga siyudad sa buong lalawigan ni Haring Assuerus, upang lumaban sa sinuman na nais manakit sa kanila. Wala ni isa man ang kayang lumaban sa kanila dahil sa takot ang lahat ng mga tao. 3 Lahat ng mga opisyal ng mga lalawigan, gobernador ng rehiyon, at ang mga tagapangasiwa ng hari, ay tumulong sa mga Judio dahil sa takot na baka si Mordecai ay magalit sa kanila. 4 Dahil si Mordecai ay makapangyarihan sa bahay ng hari, at ang kanyang kasikatan ay kumalat sa kabuuan ng lahat ng mga lalawigan, naging bantog si Mordecai. 5 Sinalakay ng mga Judio ang kanilang mga kaaway gamit ang espada, pinagpapatay at inubos sila, at ginawa ang anumang naisin nila sa mga taong galit sa kanila. 6 Sa mismong kuta ng Susa, pinatay at winasak ng mga Judio ang limandaang kalalakihan. 7 Pinatay nila sina Parshandatha, Dalphon, Aspatha, 8 Poratha, Adalia, Aridatha, 9 Parmashta, Arisai, Aridai, Vaizatha, 10 at ang sampung anak na lalaki ni Haman na anak na lalaki ni Hammedatha, ang kaaway ng mga Judio. Ngunit hindi sila kumuha ng kahit ano sa mga ito. 11 Sa araw na iyon ang bilang ng namatay sa Susa, ang pinatibay na siyudad, ay ibinalita sa hari. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Esther, "Pinatay ng mga Judio ang limandaang lalaki sa siyudad ng Susa, kasama ang sampung anak na lalaki ni Haman. Kung gayon ano pa ang ginawa nila sa mga natitirang lalawigan ng hari? Ano ang iyong kahilingan ngayon? Ito ay ipagkakaloob sa iyo. Ano ang pakiusap mo? Ito ay ipagkakaloob sa iyo." 13 Sinabi ni Esther, "Kung makalulugod ito sa Hari, hayaang ang mga Judio na nasa Susa ay payagang dalhin ang kautusan hanggang bukas at upang patayin ang anak na lalaki ni Haman sa mga bitayan." 14 Kaya iniutos ng hari na ito ay gawin. Isang kautusan ang pinalabas sa Susa at binitay nila ang sampung anak na lalaki ni Haman. 15 Ang mga Judio na nasa Susa ay dumating na magkakasama sa ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at pumatay ng karagdagang tatlondaang lalaki sa Susa, ngunit walang kumuha sa mga nasakop. 16 Ang natirang mga Judio na nasa mga lalawigan ng hari ay nagsama-sama upang ipagtanggol ang kanilang mga buhay, at napanatag sila, mula sa kanilang mga kaaway at napatay ang pitumpu't-limang libo tao na mga galit sa kanila, ngunit hindi nila ginalaw ang mga mahahalagang bagay ng mga pinatay nila. 17 Sa ikalabintatlong araw ng buwan ng Adar, sa ikalabing-apat na araw, nagpahinga sila at gumawa ng isang araw ng kapistahan at pagsasaya. 18 Ngunit ang mga Judio na nasa Susa ay magkakasamang nagtipon sa ikalabintatlo at ikalabing-apat na araw. Sa ikalabinlimang araw nagpahinga sila at ginawa nila itong isang araw ng kapistahan at pagsasaya. 19 Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Judio ng mga nayon, na gumagawa ng kanilang mga tahanan sa mga bayang bukirin, ay ipinagdiriwang ang ikalabing-apat na araw sa buwan ng Adar bilang isang araw ng pagsasaya at kapistahan, at ang araw na iyon ay ang pagbibigay nila ng pagkain sa isa't-isa bilang regalo. 20 Itinala ni Mordecai ang mga bagay na ito at nagpadala ng mga liham sa lahat ng mga Judio na nasa lahat ng mga lalawigan ni Haring Assueros, kapwa malapit at malayo, 21 inuutusan silang tandaan ang ikalabing-apat at ikalabinlimang araw ng Adar bawat taon. 22 Ito ang mga araw na nagkaron nang kapanatagan ang mga Judio mula sa kanilang mga kaaway, at ang panahon kung kailan ang kanilang kalungkutan ay napalitan ng kagalakan, at mula sa pagluluksa ay naging salu-salo. Ginawa nila ang araw na iyon na araw ng kapistahan at pagsasaya, ng pagpapadala ng mga regalong pagkain sa isa't-isa at pagbibigay sa mahihirap. 23 Kaya nagpatuloy ang mga Judio sa pagdiriwang ng kanilang nasimulan, paggawa sa kung ano ang isinulat ni Mordecai sa kanila. 24 At sa panahong iyon si Haman na anak na lalaki ni Hammedatha na Agageo, ang kaaway ng lahat ng mga Judio, ay nagplano ng laban sa mga Judio para ubusin sila at naghagis siya ng Pur (iyon ay, nagpalabunutan), upang durugin at wasakin sila. 25 Ngunit nang dumating iyon sa harapan ng Hari, nagbigay siya ng mga kautusan na ang masamang balak ni Haman na kanyang binuo laban sa mga Judio ay dapat ibalik sa kanyang sariling ulo at siya at ang kanyang mga anak na lalaki ay dapat bitayin sa bitayan. 26 Kaya tinawag nila ang mga araw na ito na Purim, sunod sa pangalan ng Pur. Dahil sa lahat ng bagay na naitala sa liham na ito at lahat ng bagay na kanilang nakita at nangyari sa kanila, 27 tinanggap ng mga Judio ang isang bagong kaugalian at tungkulin. Itong kaugalian ay para sa kanilang sarili, sa kanilang mga kaapu-apuhan, at bawat isang sasama sa kanila. Ipagdiriwang nila ang dalawang araw na ito bawat taon. Ipagdiriwang nila sa tiyak na paraan at sa parehong panahon bawat taon. 28 Itong mga araw ay ipagdiriwang at tatandaan ng bawat salinlahi, bawat pamilya, bawat lalawigan at bawat siyudad. Itong mga Judio at kanilang mga kaapu-apuhan ay hindi hihinto sa matapat na pagdiriwang at pag alala ng mga araw na ito ng Purim, upang hindi nila makalimutan. 29 Sumulat sina Reyna Esther na anak ni Abihail at Mordecai na Judio, nang may ganap na kapangyarihan at pinagtibay ang pangalawang liham na ito tungkol sa Purim. 30 Ipinadala ang mga liham sa lahat ng mga Judio sa 127 na mga lalawigan ng kaharian ni Assuerus, ninanais ang kaligtasan at katotohanan ng mga Judio. 31 Ang mga liham na ito ay nagpatunay sa mga araw ng Purim sa kanilang mga itinakdang panahon, ayon sa ibinilin sa mga Judio ni Mordecai na Judio at Reyna Esther. Tinanggap ng mga Judio ang tungkuling ito para sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga kapu-apuhan, katulad din ng pagtanggap nila sa mga panahon ng pag-aayuno at pagdaing. 32 Ang utos ni Esther ay pinagtibay ang mga alituntuning ito tungkol sa Purim, at nakasulat ito sa aklat.